Sumakabilang-buhay na ang legendary American TV host na si Larry King. Siya ay 87 anyos.
Ayon sa official statement ng Ora Media, ang network na itinatag ni Larry, pumanaw ang broadcast legend ngayong Sabado ng umaga, January 23 (Sabado ng gabi sa Pilipinas).
Binawian ng buhay si Larry habang naka-confine sa Cedars-Sinai Medical Center sa Los Angeles, California.
Hindi binanggit sa pahayag ng Ora Media kung ano ang ikinasawi ng TV host.
Gayunman, iniulat ng Associated Press (AP) nitong January 2 na sa ospital nagdiwang ng New Year’s Eve si Larry matapos itong magpositibo sa COVID-19.
Dinala pa sa intensive care unit (ICU) ang broadcaster dahil naging maselan ang lagay nito.
Pero sa follow-up report ng AP nitong January 5, napaulat na naialis na sa ICU at nailipat na sa regular room si Larry.
Sa kabuuan, dalawang linggong nanatili sa ospital si Larry habang ginagamot siya sa COVID-19.
63-YEAR BROADCASTING CAREER
Isinilang noong November 19, 1933 sa New York, tumagal ng 63 taon ang career ni Larry sa radyo, telebisyon, at digital media bilang isang multi-awarded host-interviewer.
Kung may pinakanatatandaan man ang publiko kay Larry, iyon ay ang kanyang late-night TV talk show na Larry King Live sa CNN.
Twenty-five years na umere ang Larry King Live, kung saan kinapanayam ni Larry ang iba’t ibang uri ng tao: mula sa mga kontrobersiyal na personalidad na nauugnay sa UFO conspiracy theories hanggang sa mga presidente ng Amerika at mga sikat na Hollywood celebrities.
Bukod sa pagiging TV host, naging kolumnista rin si Larry ng pahayagang USA Today; nagkaroon ng web series, ang Larry King Now; at regular na sumusuporta sa iba’t ibang charity activities.
Lima ang anak ni Larry sa pitong babaeng pinakasalan niya—na ang pampito ay diniborsiyo niya noong 2019.
Gayunman, tatlo na lamang sa anak ni Larry ang nabubuhay: sina Larry Jr. Chance, at Cannon.
Bukod sa kanyang tatlong anak, naulila rin ni Larry ang kanyang siyam na apo at apat na great-grandchildren.