Walang natirang monk o monghe sa isang Buddhist temple sa Thailand matapos magpositibo lahat sa drug test.
Ito ay matapos isagawa ng mga pulis ang isang drug raid sa templo noong Lunes, November 28, 2022.
Nagpositibo sa metamphetamine ang apat na monks at ang kanilang abbot sa isang templo sa northern province ng Phetchabun, ayon sa isang local official sa AFP.
Ipinag-utos sa mga monghe na magpunta sa health clinic para sumailalim sa drug rehabilitation.
Nalamang positibo sila sa paggamit ng methamphetamine, isang "powerful, highly addictive stimulant" na malaki ang epekto sa "central nervous system."
Sa U.S., itininuturing itong "one of the most dangerous drugs on the American market."
Agresibo ngayon ang Thailand para supilin ang lumalalang kaso ng drug trafficking.
Hindi na nagdetalye ang local officials kung bakit sila nag-raid sa templo.
Isang major issue ang methamphetamine sa Thailand na nakapagtala ng all-time high noong 2021, ayon sa United Nations Office on Drugs and Crime.
Ang Thailand ay bagsakan ng methamphetamine na nanggagaling mula sa Myanmar, ang pinakamalaking producer ng nasabing ipinagbabawal na gamot.
Ipinag-utos ni Thai Prime Minister Prayuth Chan-ocha ang kampanya laban sa droga noong nakaraang buwan.
Ito ay kasunod ng insidente ng na-dismiss na pulis na nadiskubreng may metamphetamine, at nauwi sa pagpatay niya ng 37 katao kasunod ng shooting sa isang nursery.
Samantala, kinumpirma ng isang local official na “temple is now empty of monks and nearby villagers are concerned they cannot do any merit-making.”
Ang merit-making ay isang mahalagang Buddhist practice kung saan ang mga sumasamba ay nakakakuha ng “protective force” sa pamamagitan ng good deeds—tulad ng pagbibigay ng pagkain sa mga monghe.
Humingi na ng tulong ang opisyal ng naturang lugar sa local monastic chief, na nangako namang magtatatalaga ng mga bagong monghe sa templo sa Bung Sam Phan district.