Cardiac arrest ang ikinamatay ni Lisa Marie Presley, ang nag-iisang anak ni King of Rock and Roll Elvis Presley at ng dating aktres na si Priscilla Presley.
Binawian ng buhay si Lisa sa edad na 54 nitong Huwebes, January 12, 2023 (January 13 sa Pilipinas), matapos isugod sa ospital dahil inatake siya sa puso sa tahanan niya sa Calabasas, California.
Kinumpirma ng kinatawan ni Lisa Marie ang kamatayan nito sa pamamagitan ng isang opisyal na pahayag.
Nakasaad dito: “Priscilla and the Presley family are shocked and devastated by the tragic death of their beloved Lisa Marie.
“They are profoundly grateful for the support, love and prayers of everyone, and ask for privacy during this very difficult time.”
Marami ang nabigla sa pagpanaw ni Lisa Marie dahil kasama ang kanyang ina na si Priscilla Presley, dumalo pa siya sa 80th Golden Globe Awards noong January 10 para saksihan ang tagumpay ni Austin Butler, ang nanalong Best Actor for Drama in a Motion Picture.
Si Austin ang gumanap na Elvis sa biographical film na Elvis.
Read: Golden Globes 2023: Cate Blanchett, Michelle Yeoh, Colin Farrell, Austin Butler win top acting honors
Sa interview sa kanya ng Entertainment Tonight sa 80th Golden Globes, sumingit pa si Lisa para purihin ang mahusay na pagganap niya bilang Elvis.
"It was mind-blowing. Truly mind-blowing. I really didn’t know what to do with myself after I saw it.
“I had to take, like, five days to process it because he was so incredible and so spot on and so authentic that… I can’t even describe what it meant," mga papuri ni Lisa Marie kay Austin na tuwang-tuwa sa mga narinig na salita.
Pumanaw si Lisa Marie apat na araw matapos gunitain ng kanilang pamilya ang 88th birth anniversary ng kanyang ama noong January 8, 2023.
Ang apat na anak at ang kanyang ina ang mga naulila ni Lisa Marie na nakilala bilang singer at songwriter.
Tulad ni Elvis, makulay at kontrobersiyal ang buhay ni Lisa Marie.
Pinakasalan niya ang King of Pop na si Michael Jackson noong 1994, pero naghiwalay sila makalipas lamang ang dalawang taon.
Ex-husband din ni Lisa Marie ang Academy Award-winning actor na si Nicolas Cage.
Tumagal lamang ng 107 na araw ang pagsasama ng dalawa. Nagpakasal sila noong August 10, 2002 at naghiwalay noong November 25, 2002.
Hanggang sa kanyang kamatayan, ang sarili ang sinisisi ni Lisa Marie sa pagpapatiwakal ng kanyang anak na si Benjamin sa pamamagitan ng pagbabaril sa sarili noong July 2020 dahil sa pinagdaraanang depresyon.
Sa essay o sanaysay na isinulat ni Lisa Marie noong August 2022 para sa National Grief Awareness Day, isiniwalat niya: “I already battle with and beat myself tirelessly and chronically, blaming myself every single day and that’s hard enough to live with.
“But others will judge and blame you too, even secretly or behind your back which is even more cruel and painful on top of everything else.”