Milagro para sa isang 34 anyos na lalaki ang natuklasan ng kanilang pamilya makaraang matupok ang halos kabuuan ng kanilang ancestral house sa Passi City, Iloilo.
Nangyari ang sunog bandang tanghali ng Lunes, March 1, 2021.
Nang inspeksiyunin ang sari-saring imahen ng santo na pinakaiingatan nila sa loob ng bahay, “nakapagtataka” raw na walang anumang senyales na nadilaan ng apoy ang mga ito.
Ang mga litrato ng nabanggit na mga imahen ay kabilang sa mga ibinahagi ni Pao Paginado Dehan sa kanyang Facebook post nitong Lunes.
Kitang-kita sa mga pictures ang matinding pinsalang tinamo ng 50-year-old house ng pamilya Paginado.
Gawa sa semento ang ground floor at yari naman sa kahoy ang second floor.
Paginado family's old house
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Pao kahapon, Huwebes, March 4, sa pamamagitan ng Facebook Messenger.
Dito niya sinabing nadamay lang ang lumang bahay sa sunog na sumiklab sa katabing istruktura.
Batay daw sa paunang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), posibleng electrical wiring ang pinagsimulan ng apoy.
THE FIRE
Nung mangyari ang sunog ay nasa loob ng bahay ang mga tiyahin niyang edad 80 at 63 pati na rin ang pinsan niyang 23 years old at anak nitong limang taong gulang.
Masuwerte naman daw na kaagad nakalabas ng bahay at hindi nasaktan sa insidente ang mga ito.
Gayunman, “naubos” daw ang buong second floor ng bahay dahil sa laki ng sunog.
Ibinahagi ni Pao sa PEP.ph ang lumang litrato ng second floor ng bahay para maikumpara sa mga pictures na kuha niya pagkatapos ng sunog.
Makikitang sobrang natupok ito ng apoy kaya kailangan na talagang gibain.
Sa gitna ng matinding panlulumo ng kanilang pamilya sa kinasapitan ng lumang bahay, isang bagay daw ang labis nilang ipinagtataka.
Ang maraming imahen ng santo na nasa “halos lahat ng sulok” ng bahay ay hindi tinamaan ng apoy.
Koleksiyon sila ni Carmen Paginado, ang may-ari ng bahay at lola ni Pao.
Ilan sa mga imaheng ito ay antigo
Pumanaw si Lola Carmen noong March 21, 2020, sa edad na 100.
RELIGIOUS icons SURVIVED, UNSCATHED
Ipinakita rin ni Pao sa PEP.ph ang litrato ng kahoy na imahen ng Hesukristo na nakadipa sa krus.
Nakasabit iyon sa gitna ng kahoy na dingding ng isa sa mga kuwarto sa second floor ng bahay.
Makikitang nangitim ang buong dingding dahil sa apoy maliban sa crucifix.
Sa isa pang litrato na kinuhanan nang malayuan, makikitang ang bahagi ng dingding kung saan ipinako ang crucifix ay hindi nangitim.
“Dito po kami nagtataka. Sunog na sunog ang buong kuwarto, pati ang mesa sa baba ng crucifix, pati ang krus, pero ang image is intact pa,” sinabi ni Pao.
Ganun din ang nangyari sa imahen ng Sto. Niño na nasa ground floor ng bahay.
Sa litrato, makikitang nasa glass case ang Sto. Niño, na napalilibutan ng maliliit na imahen ng Virgin Mary, San Guillermo, at may katabing Angel figure na paper mache.
Dahil sa sunog, nagmistulang nakapatong sa makapal na debris ng abo ang glass case ng imahen—na buung-buo pa rin.
“Sa Sto. Niño namin sa ground floor, ang flooring sa taas ng glass case butas dahil sa apoy.
“Lahat na debris andyan sa paligid ng Sto. Niño, pati na ang San Guillermo at Mamay [Mama Mary] hindi nasunog,” ani Pao.
“Diyan po sa gitna ang Sto. Niño, then sa labas ng glass case, San Guillermo, Mama Mary, Angel made of paper,” pagdedetalye pa niya.
Sto. Niño, San Guillermo, and Virgin Mary images
Sa close-up shot sa imahen ng San Guillermon na gawa sa resin, makikitang nakabalot pa rin ito sa plastic.
San Guillermo
Sa isa pang litrato, ipinakita ni Pao ang isang mesita na napapatungan ng iba pang mga imahen.
Nakapuwesto ang mesita sa sulok ng landing ng hagdanan paakyat sa second floor ng bahay.
“Dito naman sa corner ng staircase, heading to second floor, diyan po ang Holy Family, San Vicente, Padre Pio, etcetera.Holy Family (in glass case) and other images
“Pati Last Supper, kahit ano, walang damage,” ani Pao.
Naka-frame at nakasabit ito sa isa sa mga dingding sa ground floor ng bahay.
The Last Supper
“TUMINDI PA PANINIWALA KO BILANG KATOLIKO”
Sa kabila ng nangyari, malaki pa rin ang pasasalamat ng pamilya ni Pao dahil walang nasaktan sa sinuman sa mga nakatira sa lumang bahay, at ligtas ang mga imahen ng santo ng kanilang Lola Carmen.
“Roller coaster of emotions, napaiyak na lang kami at nagpasalamat,” kuwento ni Pao.
“Kahit ganun ang nangyari, safe mga family at treasured namin mga imahe, at walang nasaktan sa mga tiyahin ko.”
Bagamat walang paliwanag ang fire authorities kung paanong mistulang himala na nakaligtas ang mga imahen ng santo sa nasunog na bahay, iba raw ang paniniwala ni Pao at ng kanyang pamilya sa nangyari.
Para sa pamilya Paginado, ang pananalig nila sa Sto. Niño ang nagligtas sa kanila sa malaking posibilidad ng kapahamakan na dulot ng sunog.
“Sa faith namin kay Sto. Niño at hindi Niya pinabayaang matupok ng apoy ang lahat.
“At siguro, andyan si Lola namin na gumabay,” ani Pao.
Buo raw ang paniniwala ni Pao na totoo ang milagro, at naranasan nila ito mismo sa nangyaring sunog.
“Tumindi pa paniniwala ko bilang Katoliko,” aniya.
Sto. Niño
Sa kasalukuyan, sinabi ni Pao na nakalagak sa bahay ng kanyang tiyuhin ang mga imahen na nakaligtas sa sunog.
Plano raw ng kanilang pamilya na magpagawa ng bagong istruktura, isang commercial space na may firewall, sa lupang kinatitirikan ng nasunog na lumang bahay.