Sa nakalipas na mahigit isang taon, walang kamalay-malay ang isang binatang taga-Kidapawan City, North Cotabato, na mayroon palang blade ng kutsilyo sa loob ng kanyang katawan.
Kung hindi pa nagpa-X-ray si Kent Ryan Tomao, 25, para sa inaaplayang trabaho, hindi niya madidiskubreng 14 na buwan na palang may blade ng kutsilyo sa loob ng kanyang tadyang.
Huwebes, March 23, 2021, nang magpa-X-ray si Ryan.
Isa kasi ito sa mga requirements sa inaaplayan niyang trabaho sa isang mining company sa Davao City.
Walang problema sa baga ang binata, pero ganoon na lamang ang pagkagulat ni Ryan nang malaman ang resulta ng kanyang chest X-ray.
Malinaw kasing nakahugis sa X-ray ang blade ng isang kutsilyo, na ang matalim na dulo ay malapit na malapit sa kanyang kanang baga.
Bulalas ni Ryan, “Natulala ako!,” nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa telepono nitong Miyerkules ng hapon.
At sino naman ang hindi magigimbal sa kuwentong ito ni Ryan. Sabi pa niya, “Kasi ngayon ko lang nalaman na one year na pala, dinadala ko itong kutsilyo sa katawan ko.”
A VICTIM OF STABBING
Gabi ng January 4, 2020 nang mabiktima ng pananaksak si Ryan malapit sa kanilang lugar sa Barangay Amazion sa Kidapawan City.
Kuwento ng binata, kasama niya ang kanyang pinsan at naglalakad sila pauwi nang bigla na lang daw siyang saksakin ng isa sa grupo ng mga binatilyong nadaanan nila.
Ayon kay Ryan, wala siyang kaaway at hindi nila nakilala ang sumaksak sa kanya o sinuman sa mga kasama nito.
Naniniwala si Ryan na napagtripan lang siyang saksakin ng suspek nang gabing iyon.
Isinugod si Ryan ng kanyang pinsan sa isang pampublikong ospital, kung saan ginamot ang sugat na dulot ng pagkakasaksak sa kanya.
Sumailalim daw sa blood test si Ryan ‘tsaka tinahi ang kanyang sugat.
Sinabi ni Ryan na dahil hindi niya nakilala ang sumaksak sa kanya, hindi niya nagawang sampahan ng kaso ang suspek.
Walang nanagot sa sinapit ni Ryan mula sa kamay ng binatilyong napagtripan lang siyang saksakin.
Lingid sa kaalaman noon ng binata, biktima rin pala siya ng maling panggagamot sa ospital na dapat ay nagbigay-lunas sa kanya.
RYAN FEELS HEALTHY
Sinabi ni Ryan sa PEP.ph na wala siyang kahit katiting na ideya na naiwan pala sa loob ng kanyang katawan ang blade ng kutsilyong ipinansaksak sa kanya ng suspek.
Marahil ay natanggal nang buo ang blade mula sa handle nito nang bumaon iyon sa likuran ng binata.
Sa panig ni Ryan, tiniyak niya sa PEP.ph na sa nakalipas na 14 na buwan ay wala siyang nararamdamang anumang kakaiba sa kanyang katawan o sa kanyang kalusugan.
Maliban na lang daw sa naging ginawin siya ngayon, at ang minsang pagkirot ng kanyang sugat.
Lahad niya, “Mabilis ako lamigin… ginawin. Kapag malamig ang klima, kumikirot ang sugat ko, iyong tahi.”
RYAN’S FRIEND APPEALS FOR JUSTICE
Ang kaawa-awang sinapit ni Ryan ay ipinost sa Facebook ng kapitbahay at malapit na kaibigan niyang si Luis Fuerte Jr.
Sa post ni Luis, ibinahagi niya ang litrato ng X-ray ni Ryan.
Nagbahagi rin si Luis ng ilang litrato nila ni Ryan habang magkasama.
Sa caption, mahihinuhang si Luis ang nagrekomenda kay Ryan sa papasukan sana nitong mining company.
Pero dahil daw sa naging resulta ng X-ray ng kaibigan, nadiskaril ang simpleng pangarap ni Ryan na magkaroon ng pagkakakitaan.
Sa huling bahagi ng post ni Luis, umapela siya ng hustisya mula sa doktor at sa ospital na nanggamot kay Ryan mahigit isang taon na ang nakalipas.
Sabi ni Luis [published as is]: “Ug sa hospital ug doctor na in-charge ani nga pasyente, ayusin nyo nmn trabho ninyo mam/sir.
“Kung may pananagutan mn Kayo dapat managot Kayo."
Paghihimutok pa ni Luis,“Kawawa nmn ang pobreng nangarap lng na mkapgtrabho at sumablay lng sa kapalpakan ninyo,"
SURGERY FOR RYAN
Iisa ang ipinagdarasal ngayon ng magkaibigang Ryan at Luis: sana ay maoperahan kaagad si Ryan upang matanggal na ang matalim na kutsilyo sa loob ng kanyang katawan.
Sabi ni Ryan sa PEP.ph, “Ang sabi ng doktor malapit na nga tumusok sa baga ko."
Ayon kay Ryan, matapos mag-viral ang post ni Luis ay nakipag-ugnayan na sa kanyang pamilya ang doktor na nagsara noon sa kanyang sugat.
Sa ngayon, wala pa raw pinal na desisyon ang pamilya ni Luis tungkol sa pananagutan ng doktor o ng ospital sa nangyari sa binata.
Sa panig ni Ryan, ang tanging hangad daw niya ay ang maoperahan siya kaagad upang matanggal na ang kutsilyong mahigit isang taon na palang nagbabanta ng panganib sa kanyang kalusugan.