COVID-19 victim, nagkulong sa SUV

Frontliner police officer checking a vehicle in a checkpoint in Metro Manila.
PHOTO/S: Jerome Ascaño

Walang kasing-pait ang mawalan ng isang matalik na kaibigan, lalo na kung biglaan ang kanyang pagpanaw.

Ipagpaumanhin n'yo kung hindi ko siya pangalanan dahil ang kanyang pamilya, mga kaanak at kaibigan ay nasa kalagitnaan ngayon ng pagluluksa sa kanyang hindi-inaasahang pagpanaw.

Tulad ng ibang biktima ng COVID-19, sino ang mag-aakalang siya ay bibigay sa karamdamang ito na kumitil na ng milyon-milyong buhay sa lahat na panig ng mundo.

Matipuno ang pangangatawan, siya ay regular na nag-eehersisyo sa gym. Bukod dito, kilala rin siyang masayahing tao, pala-biro at puno ng buhay.

Matagal ko rin siyang nakasama sa scuba diving. Sabay rin kaming sumasabak sa mga shooting competition at car racing.

Hindi man siya nagmomotorsiklo, sinusubaybayan niya ang aming mga inilalathala sa Top Bikes Philippines. Madalas din siyang magtanong tungkol sa mga motorsiklo.

Nitong Biyernes, ika-26 ng Marso, nakatanggap ako ng tawag mula sa kaibigan kong ito. Pero sa halip na biruan o kantiyawan na karaniwang paksa ng aming kumustahan, ang ibinungad niya sa akin: "Pards, may COVID ako."

Continue reading below ↓

Laking-gulat ko nang agad niyang aminin na tinamaan siya ng coronavirus.

Ilang sandali rin ang inabot bago nagrehistro sa aking isip ang kanyang mga binitawang salita.

Sa aming pag-uusap, napansin ko na kinakapos siya ng hininga kaya't pinayuhan ko siyang maghinay-hinay.

"Asan ka, bro?" tanong ko sa kanya.

Wala akong nakuhang sagot.

Sa halip, pilit na ibinabaling niya ang usapan sa ibang isyu na panaka-nakang sinisingitan ng pagbibiro.

Halos hindi niya ako binigyan ng pagkakataon na magsalita. Kinumusta rin niya ang aking pamilya at iba naming kaibigan.

Hanggang nagbitaw ulit siya ng isa pang masaklap balita—pumanaw na ang kanyang nakatatandang kapatid noong nakalipas na gabi.

Ilang beses din niyang sinabi na huwag akong mag-alala dahil okay lang ang kalagayan niya. At dahil hindi ko matunton ang kanyang kinaroroonan, nag-alok ako ng ano mang tulong sa kanya na aking makakayanan.

Umaga kinabukasan nang makatanggap ako ng text message: "Good morning, pards. Wala akong mapa-load-an dito. Pasahan mo naman ako."

Continue reading below ↓

Agad akong nagpadala ng cellphone load sa kanya, sabay tanong: "Kumusta ka na, pards?"

Wala siyang naging tugon. Hindi na rin siya sumasagot sa mga tawag ko.

Pagsapit ng Lunes, Marso 29, nakatanggap ako ng balita mula sa isang common friend na sumakabilang-buhay na ang aming kaibigan dakong 1:00 ng madaling araw dahil sa COVID-19.

Ito ay matapos siyang matagpuan ng kanyang kasamahan sa loob ng isang sport utility vehicle na nakaparada sa tapat ng kanilang tanggapan sa Camp Crame.

Naka-lock ang pinto, sarado ang mga bintana at umaandar ang makina.

Hinang-hina na raw ang aking kaibigan nang maisakay siya sa ambulansiya na nagdala sa kanya sa isang ospital sa labas ng Metro Manila.

Puno ng pagkain at inuming tubig ang sasakyan, isang indikasyon na pinaghandaan niya ang kanyang pananatili sa loob ng sasakyan upang magpalipas ng oras, at marahil, sa pag-asang bubuti ang kanyang kalagayan.

Hindi na rin siya nakipagsapalaran sa ospital o kaya'y magtungo sa quarantine facility sa loob ng kampo dahil umaapaw na sa pasente ang mga ito.

Continue reading below ↓

Marahil ay nagpasiya rin siyang hindi na umuwi sa kanilang bahay upang hindi na mahawahan ang kanyang pamilya.

Tunay na nakalulungkot dahil pumanaw siya nang walang kalaban-laban.

Paalam, kaibigan ko!

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
PHOTO/S: Jerome Ascaño
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results