The story behind viral photos of delivery rider inside customer’s home

by Jet Hitosis
Apr 6, 2021
Delivery rider inside customer’s home
Facebook user Maine Mesina captions these now viral photos with, “Pinapasok ko si grab rider baka mahuli ako pag kinuha ko sa labas yung order kong mcdo.”
PHOTO/S: Maine Mesina on Facebook

Kinaaliwan ng mga netizens ang mga litrato ng isang food delivery rider na pinapasok sa loob ng bahay ng hinatiran niya ng pagkain.

Hindi lang kasi ang rider ang pinatuloy sa living room ng bahay, kundi maging ang sinasakyan niyang motorsiklo.

March 31, 2021 nang in-upload sa Facebook ng netizen na si Maine Mesina ang viral na ngayong mga litrato.

Sa caption, sinabi ni Maine na pinapasok niya ang delivery rider sa loob ng kanyang bahay sa takot na mahuli siya ng mga nagpapatupad ng curfew kapag natiyempuhan siya ng mga itong nasa labas ng bahay.

Mababasa sa caption (published as is): “Pinapasok ko si grab rider baka mahuli ako pag kinuha ko sa labas yung order kong mcdo.”

Mayroong isang zany face at tatlong face with tears of joy emojis sa dulo ng caption ng netizen.

Continue reading below ↓

LATE-NIGHT FOOD DELIVERY & CURFEW

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Maine nitong Lunes, April 5, 2021 sa pamamagitan ng Messenger, sinabi niyang ang kanyang post ay may kinalaman sa nag-viral din kamakailan na video ng isang lalaking estudyante na taga-Quezon City.

Sa video, nagrereklamo ang estudyante nang hulihin siya ng mga barangay tanod sa paglabag umano sa curfew.

Iyon ay kahit na tinanggap lang ng estudyante sa labas ng kanyang bahay ang fast-food meal na ipina-deliver niya.

Sa huli, pinakawalan at pinauwi rin ng mga barangay tanod ang estudyante.

Pero kinabukasan, nagtungo ang estudyante sa police station upang pormal na ireklamo ang mga barangay tanod na nanghuli sa kanya.

VIRAL PHOTOS ARE “KATUWAAN LANG”

Sa panig ng netizen na si Maine, mayroon siyang inamin sa PEP.ph tungkol sa mga litratong ipinost niya sa Facebook.

“Actually po, katuwaan lang po siya. Hindi po namin naisip magte-trending,” sabi ni Maine.

Continue reading below ↓

Aniya, ang delivery rider na nasa living room ng kanyang bahay sa Taytay, Rizal ay ang asawa niyang si Jann Rafael Sta. Juana.

Ideya raw ng asawa ni Maine ang ipasok ang motorsiklo sa living room at magpakuha ng litrato ng kunwaring pagtanggap ni Maine ng food delivery sa loob ng kanilang bahay.

Ayon kay Maine, ang tinanggap niyang fast food meal ay pasalubong sa kanya ng mister noong gabing iyon.

Delivery rider inside customer’s home

Continue reading below ↓

“Yung husband ko po is iyon po yung Grab driver.

“Because nag-viral yung kumuha ng McDo order sa labas, naisip po ng husband ko na i-post ko siya na ganoon,” sabi ni Maine.

At press time, ang post na ito ni Maine ay mayroon nang 29,000 reactions at 43,000 shares.

Lehitimong Grab rider ang mister ni Maine na si Jann Rafael, habang may milk-tea business naman si Maine.

MISCOMMUNICATION? MISUNDERSTANDING?

Naniniwala si Maine na hindi nilabag ng lalaking estudyante ang curfew nang kuhanin nito ang food delivery mula sa rider.

Sinabi ni Maine sa PEP.ph: “Siguro nung time na yun hindi makita ng rider si customer kaya po siguro inabangan ni customer si rider sa labas.

“'Tapos akala po siguro nung mga naglilibot [tanod] na hindi galing sa online yung order nung customer.”

Para maiwasan ang mga parehong insidente, may payo si Maine sa mga nagpapa-deliver ng pagkain online, lalo na tuwing gabi.

Continue reading below ↓

“Always share location ng customer and dapat may malapit na establishment [landmark] na mabilis ma-trace para mas madaling ma-locate ni Grab rider ang bahay ni customer,” ani Maine.

“At siyempre, maging mahinahon lang ang lahat para walang kaguluhang mangyayari,” payo pa ng ginang.

Sa bisa ng muling pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR), Cavite, Bulacan, Laguna, at Rizal, ipinaiiral ang curfew simula 6:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga.

Ipinatutupad ang ECQ sa NCR Plus simula nitong March 29, 2021, na tatagal hanggang sa April 11, 2021.

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Facebook user Maine Mesina captions these now viral photos with, “Pinapasok ko si grab rider baka mahuli ako pag kinuha ko sa labas yung order kong mcdo.”
PHOTO/S: Maine Mesina on Facebook
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results