Ang kuwento ng "superwoman" na ina at ang kanyang dalawampung anak

by Jojo Gabinete
May 9, 2021
Joe Barrameda and the Barrameda Family.
Katulad ng maraming anak ngayong Araw ng mga Ina, dinadakila ng veteran showbiz writer na si Joe Barrameda (kaliwa) ang kanyang "superwoman" na ina nag-alaga at nagpalaki ng dalawampung anak.
PHOTO/S: Courtesy of Joe Barrameda

Noong 1968, kabilang ang Barrameda Family ng Canlubang, Laguna, sa mga pinarangalan bilang Ten Outstanding Christian Family of the Year at naganap ito sa Philamlife Auditorium sa U.N. Avenue, Manila.

Si former President Ferdinand Marcos ang special guest sa naturang pagtitipon at sa kanyang talumpati, nagpahayag ng pagkagulat ang dating pangulo ng Pilipinas kaya nakapagsalita siya ng, “I should have known, I should have brought the first lady.”

May dahilan ang reaksyon ng pangulo ay ang kumpletong pagdalo ng isa sa mga pinarangalan na pamilya.

Ito ay ang pamilya ng mag-asawang Pedro Barrameda at Rosario Almeda Marfil at ang kanilang dalawampung anak na sina Ernesto, Myrna, Elsa, Marina, Cecilia, Danilo, Raul, Maria Fe, Editha, Corazon, Pedro, Jr., Sylvia, Maria Rosario, Jose, Loida, Mario, Ramon, George, Oscar, at Noel.

Joe Barremeda's family and former President Ferdinand Marcos.

Continue reading below ↓

Barrameda Family at the Ten Outstanding Christian Family of the Year event in 1968

Si Jose si Joe Barrameda o Joebarr, ang entertainment writer na nakapanayam ng Cabinet Files tungkol sa malaking pamilya nila at ang pagiging “superwoman” ng kanyang ina na ni minsan, hindi niya narinig na nagreklamo dahil sa pagkakaroon ng napakaraming anak.

Continue reading below ↓

Joe Barrameda

Dalawampu’t apat na magkakapatid sina Joebarr pero apat ang namatay noong maliliit pa, kaya hindi na niya matandaan ang mga pangalan ng kanyang mga pumanaw na kapatid.

“Twenty four kami na magkakapatid pero yung apat, namatay agad nang isilang kaya twenty lang ang nabuhay.

Continue reading below ↓

“Panglabing-apat ako sa dalawampu’t apat na magkakapatid. Walang kambal sa amin at normal delivery lahat.

The Barrameda Family

“Ang naobserbahan ko noong araw, mabilis manganak si Mamang. Maliligo lang siya, aalis ng bahay after lunch 'tapos pagbalik niya, may anak nang dala.

“Komadrona ang lahat ng nagpaanak sa amin sa ospital sa Canlubang.

Continue reading below ↓

“Si Mamang, matanda na pero nagbubuntis pa. Meron pa nga, nagsukob sa taon. The same year sila ipinanganak.

“Premature kasi yung isa. Ipinanganak ng January 1955 yung isa, yung sumunod, isinilang ng December 1955 dahil premature baby.

Wala naman akong karapatan na magtanong kung bakit marami kami,“ ang kuwento ni Joebarr na isinilang at lumaki sa Canlubang, Laguna, noong January 19, 1954.

Ang Canlubang ang hacienda ng Yulo Family at kilalang-kilala sa naturang lugar ang mag-asawang Pedro at Rosario dahil sa pagkakaroon ng maraming anak.

Nagtrabaho noon ang tatay ni Joebarr bilang general manager ng cooperative store ng mga Yulo at mahilig naman sa negosyo ang kanyang ina.

“Si Mamang, housewife pero maraming negosyo na pinasukan. There was a time, meron kaming boarding house sa Maynila. May puwesto kami sa Cartimar at nagkaroon ng tindahan sa Sampaloc, Manila.

“Nung bandang huli, nagkaroon kami ng restaurant sa Canlubang. Maabilidad at negosyante si Mamang. Taga-Biñan, Laguna siya at si Papang, taga-Cabuyao.

Continue reading below ↓

“Hindi ko narinig na nagreklamo si Mamang dahil marami ang kanyang mga anak pero disciplinarian siya. Mahigpit siya pero mabait, meron kaming division of labor sa bahay.

“Masyado siyang mahigpit. Dati, sinasaktan ka, siyempre, nagkakaroon ka ng resentments. Pero pagtanda mo, mare-realize mo, ang ganda ng kinalabasan kasi lahat kami, marunong ng gawaing-bahay. Lahat kami, malinis sa bahay.

“Si Mamang nga, maraming negosyo. Naiiwan kami sa Canlubang, siya nasa Maynila. Naiiwan kami sa tatay namin, yung mga maliliit na bata. Yung iba, nasa Manila kasi mga nagtatrabaho na yung first generation [na mga anak].

“Hindi ko alam kung magkano ang nagagastos nila sa pagkain dahil sa dami namin. Noong bata ako, wala akong alam sa ganyan.

“Wala rin akong nakita na hand me down clothes. Talagang bago ang mga damit namin lalo na kung magpa-Pasko. Lahat kami bago ang damit.

“Meron ding favoritism sa mga anak, pero hindi ko napapansin. Siyempre may mga kapatid na naiinggit dun sa isa pero wala naman violent reactions o away.

Continue reading below ↓

“Nung kabataan namin, magkakatabi kami sa pagtulog sa banig. Sa Canlubang kasi libre pabahay, so kapag marami kayo, malaki ang bahay nyo.

“Malaki ang bahay namin, up and down. Kilala kami sa Canlubang dahil marami nga kaming magkakapatid. Maski ang mga Yulo, kilalang-kilala kami," ang pagbabalik-tanaw ni Joebarr tungkol sa kanyang kabataan.

Noong 1975, nag-migrate sa Amerika ang mga magulang ni Joebarr dahil sa petisyon ng kanyang mga kapatid na nauna nang pumunta sa nabanggit na bansa.

Makalipas ang dalawang taon, si Joebarr at ang kanyang mga kapatid ang bumiyahe sa Amerika kaya nagkasama-sama ang buong pamilya nila.

“Noong araw, uso ang professional visa. Apat sa mga kapatid ko ang naunang pumunta sa Amerika at nang maging U.S. citizens sila, ipinetisyon nila yung magulang namin noong 1975.

“Nang makapunta sa Amerika sina Papang at Mamang, kami naman ang ipinetisyon noong 1977.

“Si Papang, sa Amerika namatay noong August 12, 2001 sa edad na 86. Iniuwi siya sa Pilipinas pero ashes na lang. Si Mamang ang nag-uwi sa kanya pero after a year, namatay na rin si Mamang dito sa Pilipinas, 86 years old din siya.

Continue reading below ↓

Pedro Barrameda and Rosario Almeda Marfil.

“Sa aming dalawampung magkakapatid, labing-apat na lang ang nabubuhay dahil anim na ang namatay,” ang sabi ni Joebarr na kasama sa maraming anak na dinadakila ngayong araw ang mga ina.

Dinadakila ni Joebarr ang kanyang nanay sa pagiging magandang halimbawa nito sa kanilang magkakapatid.

Continue reading below ↓

“Naitaguyod ni Mamang ang maraming anak niya. Hanggang pagdating sa Amerika, nagtrabaho pa rin siya sa Woolworth Department Store. Superwoman siya, malakas siya.”

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Katulad ng maraming anak ngayong Araw ng mga Ina, dinadakila ng veteran showbiz writer na si Joe Barrameda (kaliwa) ang kanyang "superwoman" na ina nag-alaga at nagpalaki ng dalawampung anak.
PHOTO/S: Courtesy of Joe Barrameda
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results