Kanya-kanyang pakulo ang mga local government units (LGUs) para maengganyo ang mga residente na magpabakuna.
Sa COVID-19 Tracker ng Reuters as of May 29, 2021, 11:22 a.m., nasa 4,495,375 doses na ng vaccine ang na-administer, at tinatayang ang nabakunahan ay nasa 2.1% ng 111,046,913 na populasyon ng Pilipinas.
Base sa weekly average doses na na-administer, aabutin ng 138 days o apat na buwan para mabakunahan ang higit sa 10 milyong Pilipino.
Medyo mabagal na pag-usad ito.
Kaya naman, naglunsad ng raffle sa iba’t ibang lugar para mas tumaas ang turnout.
May Bahay sa Bakuna
Sa Las Piñas, house and lot ang posibleng mapanalunan ng mga residenteng magpapabakuna mula June 15 hanggang December 23, 2021.
Ito ay ayon kay Congresswoman Camille Villar sa panayam sa kanya ng TeleRadyo.
Aniya, "Naniniwala po ako na pag may wastong kaalaman ang ating mga kababayan tungkol sa benefits ng pagpapabakuna ay baka ma-encourage sila magpabakuna."
Bukod sa house and lot, may dalawang residente na mananalo ng motorcycles sa araw ng grand draw sa December 24.
Sampung nabakunahan rin ang mabibigyan ng pangkabuhayan package worth PHP5,000 buwan-buwan, simula sa July 15.
Eligible ang residente sa raffle ticket as soon as mabakunahan ito ng first dose.
Puwedeng i-drop ang raffle ticket sa mga barangay halls, pati na rin sa mga AllHome and AllDay Supermarket branches.
MAGPABAKUNA PARA MAGKABIGAS
Sa Barangay Sukat sa Muntinlupa City, pipili ng 20 mula sa mga nabakunahang residente ng mga mananalo ng 25 kilos of rice.
Weekly ang draw.
Nauna nang mabigyan ang 515 residente ng grocery packs matapos mabakunahan sa Ospital ng Muntinlupa noong May 10 at 11.
Ang Muntinlupa City Masonic Lodge 414 ang sponsor na nasabing proyekto.
BAKA PARA SA BAKUNA
Samantala, sa San Luis, isang farming town sa Pampanga, baka ang ipamimigay kada buwan, mula July 2021 hanggang June 2022.
Lahat ng mga nabakunahan na ng first dose ay magsadya lamang sa opisina ng mayor na si Dr. Jayson Sagum.
As of May 28, may 22 active cases sa bayan, dalawa rito ay new cases.
HUWAG MAGING BRAND-CONSCIOUS
Samantala, mas puspusan ang vaccination awareness campaign ng Department of Health, Department of Interior and Local Government, at iba pang sangay ng gobyerno.
Pero sa kabila nito, may agam-agam pa rin ang mga Pinoy lalo pa’t naglipana sa social media ang mga unverified information tungkol sa side effects ng iba’t ibang brands.
Ang payo ni Dr. Lulu Bravo, executive director ng Philippine Foundation for Vaccination, huwag maging “brand-conscious.
Sabi niya sa Teleradyo, “Ang bakuna, buhay mo ang nakasalalay diyan. Di bale kung sapatos lang iyan o handbag o something, hindi, e. Buhay ang nakasalalay dito at iyan ay pinag-usapan nang husto ng ating mga eksperto.”
Napansin ni Bravo na ang daming pumila noong nag-rollout ng bakunang Pfizer.
“Nakita mo naman hindi maganda ang epekto at nagkakagulo sila. Nawala social distancing, marami ang na-disappoint kasi hindi sila nakakuha. Hindi na nga nakakuha ng bakuna baka makakuha pa ng COVID.”
Tungkol sa side effects, huwag daw matakot.
Sa tatlong milyong naturukan ng bakuna, tatalong porsiyento lamang ang nag-report ng side effects, tulad ng lagnat, sakit ng ulo, sakit ng kalamnan, at pagtaas ng presyon.
“Ang bakuna pag iyan ay inirekomenda ng mga eksperto, hindi po iyan sasabihin na makakapagdulot ng harm o ng damage sa ating mga kababayan. Yes, may mga side effects, pero hindi po iyan makakapagdulot dapat ng pagkamatay.”
Diin niya, “Walang bakuna na sasabihin mo na walang side effect. Pero hindi dapat yun ang isipin nila, mahalaga ang bakuna.”