83 anyos na lola, umaakyat pa ng puno ng kawayan bilang hanapbuhay

by Bernie V. Franco
Jul 6, 2021
Lola Kawayan
Lola Gloria Gillado, 83, of Iloilo still works by climbing bamboo trees (right photo) and carries it back home to weave baskets which she sells in the market.
PHOTO/S: YouTube (KMJS)

Buwis-buhay ang trabaho ni Gloria Gillado, 83, ng Barangay Aguiauan sa bayan ng Miag-ao, Iloilo.

Sa kabila ng kanyang katandaan, inaakyat pa rin ni Lola Gloria ang mga puno ng kawayan para putulin at gawing basket.

Umaabot hanggang tatlumpung talampakan o katumbas ng tatlong palapag na gusali ang taas na kanyang inaakyat.

Kapag nasa taas na ng puno ng kawayan, ang isang kamay ni Lola Gloria ay nakakapit sa puno, habang ang isa naman ay hawak ang itak na ipinampuputol nito ng kawayan.

Naitampok ang kuwento ni Lola Gloria sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) nitong Linggo, July 5.

Alas otso pa lang ng umaga ay naghahanda na si Lola Gloria papunta sa kawayanan.

Bitbit ang kanyang baong pananghalian, isang oras siyang naglalakad papuntang bukid kung saan naroon ang kawayanan.

Sa video na ipinalabas sa KMJS, makikita si Lola Gloria na inaakyat ang matataas na parte ng lupa sa masukal na bukid, at sinusuong ang tubig patungong kawayanan.

Continue reading below ↓

Sa kanyang kaliwang kamay, bitbit ang plastic na kinalalagyan ng kanyang baon, habang ang bolo niya ay nakatali sa baywang, o kaya minsan ay ginagawang panungkod.

“Sampung taon pa lang ako, nagpuputol na ako ng kawayan. Gusto ko talaga magtrabaho para may maibenta ako,” hayag ni Lola Gloria sa salitang Ilonggo na isinalin sa Tagalog.

Continue reading below ↓

Lola Gloria Gillado, 83, climbs steep terrain in the fields on her way to the bamboo trees.

Habang naglalakad ay kinukumusta ng KMJS crew si Lola Gloria, at tinitiyak naman ng matanda na hindi pa siya pagod.

Nakapanayam din ng KMJS ang ilang babaeng kapitbahay ni Lola Gloria na mas bata sa kanya.

Kuwento ng isa, nagulat siya nang minsang makitang umakyat sa kawayan si Lola Gloria dahil ang bilis-bilis daw nito.

Sabi naman ng isa pang kapitbahay, hindi nito kayang gawin ang ginagawa ni Lola Gloria.

THE CLIMB TO THE BAMBOO TREES

Pagdating sa kawayanan, mapapanood si Lola Gloria na nag-sign of the cross muna bago simulan ang pag-akyat sa puno.

Sa pagpili niya ng puputuling kawayan, aniya, “Sa taas ang kinukuha ko para mabilis malaglag. Ang pinipili ko na kawayan ay yung bagong usbong.

“Sumasakit din ang katawan ko tuwing humihila ako ng kawayan.”

Makikitang delikado ang ginagawa ni Lola Gloria dahil isang maling hakbang ay maaaring magdulot ng peligro sa kanyang buhay.

Continue reading below ↓

“Wala akong tali. Kung umaakyat ako ng kawayan, yung itak ko lang ang gamit ko,” pahayag niya.

Sa naturang episode ng KMJS, ipinagpaliban ni Lola Gloria ang pagkain ng pananghalian para hindi na siya abutan ng katirikan ng araw.

Matapos maputol ang kawayan, pinutol niya ang mga sanga para kuminis.

May bigat na siyam na kilo ang kawayang naputol ni Lola Gloria, at binuhat niya ito sa balikat para iuwi.

Dahil matagal na niya itong ginagawa, simple ang solusyon ni Lola Gloria sa mga hamon sa kanyang trabaho gaya ng pagod, uhaw, at init ng araw.

Aniya, “Kung hinihingal ako, umuupo na lang ako.

“Kung mainit naman, nagdadala na lang ako ng isang litrong tubig para hindi ako mauhaw.”

Continue reading below ↓

Lola Gloria carries a bamboo weighing 9 kilograms on her way back home, which takes an hour.

LOLA GLORIA, THE PROVIDER

Limang dekada nang biyuda si Lola Gloria.

Mag-isa niyang pinalaki ang tatlong anak. Bumukod na ang mga ito nang magsipag-asawa.

Ang kasama ngayon ni Lola Gloria ay ang kanyang 18-anyos na apo na si Jennifer Gillado.

Sa episode, nakapanayam ang isa sa mga anak ni Lola Gloria na si Aristo Gillado.

Nakatira si Aristo sa Hamtic, Antique ngayon kasama ang kanyang pamilya. Paggawa rin ng mga basket ang hanapbuhay ni Aristo.

Paliwanag nito, marami na siyang nararamdamang sakit sa “utak at katawan.”

Nagsalita rin si Aristo tungkol sa delikadong trabaho ng kanyang 83-anyos na ina.

Saad niya, “Pinatigil na namin siya, kaso ayaw niya dahil yun ang kasiyahan niya. Yun kasi ang gusto niyang gawin.”

Nag-aalala silang baka raw lalong manghina ang ina kung titigil ito sa pagtatrabaho.

Ani Aristo, hindi nila masuportahan ang ina dahil walang-wala rin sila.

Continue reading below ↓

Sa kabilang banda, sinabi naman ng apo ni Lola Gloria na si Jennifer na naaawa rin siya sa ginagawa ng kanyang lola dahil delikado ito.

Lumalabas na tumutulong din si Lola Gloria sa pagpapaaral sa apo.

Sabi ni Jennifer, “Nahihirapan si Lola. Tinitiis niya kahit mahirap umakyat sa kawayan para makapag-aral kami.”

Paliwanag ni Jennifer, gusto niyang tulungan ang lola sa pagkuha ng kawayan, pero may asthma siya at pinagbawalan siya ng kanyang lola.

Kaya’t tinutulungan na lamang niya ito sa paghabi ng basket at bayong.

Continue reading below ↓

This admirable senior citizen (right) weaves baskets with the help of Jennifer, her 18-year-old granddaughter.

Wala ring sinasayang na oras ang matanda sa paggawa ng basket dahil inaabot siya ng gabi, gamit lamang ang ilaw mula sa lamparang de-gaas.

“Nagpupuyat din ako minsan sa paggawa kasi sayang din at para mas mapabilis ang gawa,” sabi ni Lola Gloria.

Kinabukasan, ititinda niya ang mga natapos na basket sa Miag-ao Market.

Bawat basket, nagkakahalaga ng P120.

Ani Lola Gloria, “Sa isang linggo, mga P720. Minsan nauubos din.

“At kung hindi maubos, dadagdagan ko pa para maibenta ulit.”

Continue reading below ↓

Lola Gloria sells her baskets in Miag-ao Market for PHP120.

Ang isa pang hamon para Lola Gloria ay bibihira na lamang ang mga tumatangkilik ng mga basket na gawa sa kawayan.

Pero hindi raw siya pwedeng tumigil sa pagkayod dahil wala silang kakainin.

HELP FOR LOLA GLORIA

Samantala, inilapit ng KMJS ang kalagayan ni Lola Gloria sa ilang ahensya ng local government unit ng Iloilo.

Kabilang ang Municipal Social Welfare and Development (MSWD) na nag-abot ng bigas para kay Lola Gloria.

Ipinaliwanag ni Rose Mueda ng MSWD kay Lola Gloria na hindi ito qualified sa 4Ps, dahil miyembro na rito ang anak niya kaya't bawal madoble.

Ang 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay inisyatibo ng pamahalaan na nagbibigay ng “conditional cash grants” sa mga mahihirap.

Ang 4Ps ay inisyatibo ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III.

Samantala, nangako naman ang Coalition for Services of the Elderly, Inc. ng P500 buwanang social pension para kay Lola Gloria, at isusulong na gawin itong P1,000.

Continue reading below ↓

Nangako rin ang pamunuan ng Tourism Office ng Miag-ao na susuplayan nila ng materyales si Lola Gloria sa paggawa ng basket sa tulong ng punong barangay ng Miag-ao.

Samantala, ipina-check up naman si Lola Gloria at inabutan ng pinansiyal na tulong ng KMJS.

Para sa kanyang panghuling mensahe, ani Lola Gloria, “Magpatuloy lang. Magdasal lang tayo sa Diyos na bigyan tayo ng malusog na katawan at mahaba pang buhay.”

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Lola Gloria Gillado, 83, of Iloilo still works by climbing bamboo trees (right photo) and carries it back home to weave baskets which she sells in the market.
PHOTO/S: YouTube (KMJS)
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results