Ang walang patid na pagmamahal ng anak sa ama sa panahon ng Alzheimer's

by KC Cordero
Jul 8, 2021
Napaka-cool at normal na kulitan lang kung titingnan ang selfies at videos ng mag-amang Angeline at Daddy Ceferino Estillore, pero may nakatagong lungkot sa likod nito.

Paano kung isang araw ay matuklasan mong hindi ka na kilala ng taong pinakamamahal mo?

Na tuluyan ka nang nabura sa alaala ng taong pinagkakautangan mo ng iyong buhay?

Paano nga ba?

Nakakapagpaisip, di ba?

Lalo na't ang sitwasyong ito ay maaaring mangyari kahit kanino.

Isang halimbawa rito ang kuwento ni Mary Angeline Estillore, 27, ng Quezon City.

Nakatutuwa ang mga post na photos at short videos ni Angeline sa social media. Dito ay lagi niyang kasama ang kanyang Daddy Ceferino.

Game na game naman ang ama sa mga selfie at video nila ng anak na dalaga.

Kung titingnan ay napaka-cool at normal na kulitan lang ng mag-ama ang mga posts. Pero ang nakagugulat, ang ama pala ni Angeline ay may Alzheimer’s disease.

Continue reading below ↓

Photos courtesy of Mary Angeline Estillore. Sa litrato ng mag-amang Angeline at Ceferino, titignan mong masaya lang silang nagmo-mall, ngunit nasa yugto na ng Alzheimer's ang ama kung saan di na niya nakikilala ang anak.

2016 NANG NAGING MAKAKALIMUTIN SI DADDY CEFERINO

Pagbabahagi ni Angeline sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal): “Back in 2016, nagkaroon ng mild stroke si Daddy at naggamutan ng three months para tunawin ang namuong dugo sa utak niya.

Continue reading below ↓

“Ilang buwan pagkatapos niyang gumaling ay nagsimula na siyang maging makakalimutin.

“Noong una, naisip lang namin na dahil sa edad niya ay normal lang na maging makakalimutin o ulyanin gaya nga nang sinasabi ng iba, kaya hindi namin naisip na mayroon siyang Alzheimer’s.

“Hindi namin siya agad pinatingnan sa doctor, hanggang sa ilang beses na siyang nawawala at hirap gawin ang mga bagay na normal niyang ginagawa katulad ng paliligo at pagkain.

“Nalaman namin sa kanyang internist [doctor na gumamot kay Daddy Ceferino noong na-mild stroke] na ang mga sintomas na ipinapakita ni Dad ay sintomas ng Alzheimer’s."

Nakausap ng PEP.ph si Angeline via Facebook Messenger. Mula June 24 hanggang July 7, may limang beses kaming nagkaugnayan.

Continue reading below ↓

Photo courtesy of Mary Angeline Estillore. Limang taon nang may Alzheimer's disease ang daddy ni Angeline, pero hindi ipinagkakait ng pamilya ang lumabas at kumain ito ng gusto noong wala pang pandemya.

NAHIHIRAPAN NANG GAWIN ANG MGA DATING AKTIBIDAD

Doon na rin nila unti-unting na-realize na ang mga unang signs na naobserbahan nila sa kanyang daddy ay manifestation na pala ng karamdaman nito.

Pagbabalik-tanaw ni Angeline, “Noong nagsisimula pa lamang ang kanyang Alzheimer’s, naalala ko na nagkuwento siya na papunta siya sa Makati City, ngunit bumaba siya ng Cubao, at hindi na niya alam kung nasaan siya. Pagkatapos ay naalala din naman niya kaagad at nakauwi siya ng bahay.

“Sa bahay naman, hirap siyang ayusin ang kanyang pagkain katulad na lamang ng pagtitimpla ng kape. Sa halip na kape ay nilalagyan niya ito ng toyo. Noong minsan ay gel sa buhok ang inilagay niya.

“Sa pananamit, laging baligtad ang suot niya. Sa paliligo naman ay hindi siya nakakapaghugas nang maayos at nangangamoy mapanghi.

Continue reading below ↓

“Minsan ay nakakaihi at nakakadumi na rin siya sa kanyang suot na damit. Madalas din siyang nawawala at inihahatid na lang ng tricycle driver or barangay dito sa bahay.”

NATATAKOT ANG PAMILYA PARA SA SAFETY NG AMA

Noong wala pang pandemya ay ginawan na raw nila ng paraan na huwag naglalabas ng bahay si Daddy Ceferino nang nag-iisa.

Pumapasok kasi silang magkakapatid sa trabaho. Lima silang puro babae at siya ang pangalawa sa bunso. Sinubukan nila noon na ikandado ang kanilang gate para hindi lumabas ang ama.

“Dahil nakasanayan na niyang magsimba araw-araw ay inaaway niya kami at minamartilyo ang kandado. Minsan ay bigla pa ring nawawala at tumatakas,” naluluha niyang kuwento.

Malakas man ang pangangatawan ni Daddy Ceferino, kinatatakutan daw nila ang kaligtasan nito sa labas ng bahay dahil baka masagasaan.

WALANG HISTORY NG ALZHEIMER'S DISEASE SA PAMILYA

Sa ngayon ay 82 years old na ang daddy ni Angeline. Ito ay 77 nang dapuan ng Alzheimer’s disease.

Continue reading below ↓

Natatandaan pa ni Angeline na nagulat siya sa mga pagbabago sa attitude nito noong umpisa.

“Noong unang mga taon na nagka-Alzheimer’s siya ay mainitin ang ulo at iritable si Daddy.

“Maaaring dahil ito sa mga bagay na hindi na niya nagagawa o mga bagay na hirap na siyang alalahanin."

Wala naman daw history si Daddy Ceferino na may kapamilyang nagkaroon din ng Alzheimer’s.

“Siya pa lamang ang nagkaroon nito sa angkan nila. Ang sabi ng isang doctor na eksperto sa ganitong sakit na nakausap namin ay maaaring ang stroke ni Dad noon ang dahilan kung bakit siya nagkaroon.”

Aminado si Angeline na nagdala ng matinding lungkot sa pamilya ang kalagayan ng ama dahil naroong hindi na sila nito nakikilala.

Lima silang babaeng magkakapatid.

“Napakalungkot po...,” sa puntong ito ay naging mas emosyonal pa si Angeline. “Hindi na niya kami naaalala... Hindi na kami kilala ni Daddy.”

Gayunpaman, ang ipinagpapasalamat nila sa Diyos ay wala itong ibang nararamdaman sa katawan.

Continue reading below ↓

“Maliban sa nagka-mild stroke at Alzheimer’s si Daddy, active siya at malakas ang pangangatawan,” nakangiti niyang sambit.

“Inisip na lang namin na dahil na rin sa katandaan kaya siya naging makakalimutin kaya unti-unti na rin naming natanggap na pamilya.”

MAKUWENTO NOON ANG DADDY NIYA AT PABORITO SIYANG TAWAGIN

Sa posts ni Angeline sa social media tungkol sa mag-ama, makikitang kahit hindi na siya natatandaan ni Daddy Ceferino ay naroon ang special fondness ng ama sa kanya.

Muling naging emosyunal si Angeline nang maalala ang mga panahong hindi pa nabubura ang memorya ng daddy niya.

“Ang daddy ko po ay sobrang makuwento. Mahilig din siyang tawagin ang pangalan ko. Ngayon, bigla na lang iyong nawala.

"Yung ang saya-saya ko pag naririnig kong tinatawag niya ako, tapos ay lalapit ako sa kanya at yayakap.

"Mahirap din dahil siya lang naman ang nag-iisang lalaki sa family namin.

“Kahit ngayon na limang taon nang may Alzheimer’s si Daddy, mga may moment na pag tinitingnan ko siya, bigla na lamang akong maiiyak dahil sa kalagayan niya.”

Continue reading below ↓

Photo courtesy of Mary Angeline Estillore. Ang ngiti ni Daddy Ceferino ay precious para sa Estillore family.

PINAKAMAHIRAP KAPAG PINAPALIGUAN

Wala raw hindi kayang gawin si Angeline para sa ama lalo sa kalagayan nito ngayon.

Ni ayaw niyang tawaging sakripisyo ang kanyang ginagawa, maging ng iba pa niyang kapatid.

Parehong senior citizens na ang parents nila.

Continue reading below ↓

“Hindi ko masasabing ito ay sakripisyo ngunit sa aming magkakapatid ay mas pinipili naming mag-work from home at mag-stay sa bahay kaysa lumabas.

“Hindi rin kasi puwedeng maiiwan ang aming parents dahil sa edad nila at mahirap nang alagaan si Daddy."

Ang oras ng ligo ang pinakamatindi sa hinaharap ng mga anak.

“Sa pag-aalaga naman sa kanya, ang pinakamahirap lang ay kapag pinapaliguan siya. Minsan kasi ay nagagalit siya at nakakapagsalita ng masasakit na bagay.

“Hindi rin maiiwasan na mahahampas ka dahil ayaw niyang magpahubad ng damit. Pero kaya ko... kaya naming magkakapatid. Kakayanin para kay Daddy...”

Wala rin daw sa priority niya ang love life.

Kuwento ni Angeline, noong wala pang Alzheimer’s ang kanyang daddy ay istrikto ito sa kanilang limang magkakapatid pagdating sa pakikipagligawan.

Sa ngayon, ito pa rin ang nag-iisang lalaki sa kanyang puso.

Continue reading below ↓

Photo courtesy of Mary Angeline Estillore. Ang kanyang daddy pa rin ang tanging lalaki sa buhay ni Angeline.

WALA PANG GAMOT SA ALZHEIMER'S DISEASE

Kapag napag-uusapan ang pagkawala ng memorya ng isang tao, lalo na kung may edad na ito, dalawang termino ang madalas mabanggit—Alzheimer's disease at dementia.

Ang dementia ay ginagamit bilang general term sa paghina ng mental ability ng isang tao, na napakalaki ng epekto sa kanyang pang-araw-araw na aktibidad.

Sa kabilang banda, ang Alzheimer's disease ay isa sa mga karaniwang sanhi ng dementia.

Isang “specific disease” ang Alzheimer's; ang dementia ay hindi.

Ginagamit ang dementia bilang katawagan o termino para sa grupo ng mga sintomas na may negatibong impact sa memorya.

Ang Alzheimer's ay isang “progressive disease of the brain” na unti-unting nagiging sanhi ng pagkawala ng memorya at ng cognitive function ng isang tao.

Hindi pa matukoy ang eksaktong dahilan ng kung bakit may mga tinatamaan ng Alzheimer's, at wala pang gamot na natutuklasan para rito—kaya mahalaga ang acceptance sa part ng mga taong nagmamahal sa sinumang may Alzheimer's.

Continue reading below ↓

IMPORTANTENG MA-EDUCATE ANG KAPAMILYA NG MAY ALZHEIMER's

Nang unang makipag-ugnayan kay Angeline ang PEP.ph noong June 24, 2021, para hilinging maibahagi sa publiko ang touching pero cute na kuwento nilang mag-ama, agad siyang pumayag.

Gusto raw talaga niyang malaman ng iba ang pinagdadaanan ng taong may Alzheimer's, at kung paano dapat mag-adjust sa kalagayan nito ang mga mahal nito sa buhay.

Ayon kay Angeline, “Sana ay magsilbi itong inspirasyon para mas alagaan ninyo ang inyong mga magulang, mayroon man silang Alzheimer’s o wala.

“Mahirap ang kondisyon ng mga gaya ni Dad dahil hindi nila nalalaman ang nangyayari. Kaya tayo dapat ang mag-adjust sa kanila.

“Kung ang mga magulang ninyo ay may parehas na sitwasyon, sana ay huwag kayong mapapagod na alagaan sila dahil ang pinakakailangan nila ay pang-unawa at suporta ng kanilang pamilya.

“Nakita naman natin kung gaano kaikli ang buhay lalo ngayong pandemic. Sana, i-treasure natin ang bawat araw na kasama natin sila, at mahalin natin ang ating mga magulang nang higit pa sa pagmamahal nila sa atin.”

Continue reading below ↓

Photo courtesy of Mary Angeline Estillore. Napapalibutan si Daddy Ceferino ng kanyang limang anak na dalaga.

Sa ngayon ay patuloy ang paglikha ni Angeline ng bagong memories nila ni Daddy Ceferino sa social media accounts ng dalaga.

Ganito niya napapanatiling normal pa rin ang lahat.

Nakalimutan na ng ama ang kanyang pangalan, maging ang mga alaala nila noon.

Continue reading below ↓

Pero sa tuwing titingin ito sa kanya at ngingiti—kahit hindi mapigilan ni Angeline ang pagluha—napapawi ng bawat smile sa kanya ni Daddy Ceferino ang lungkot na hatid ng Alzheimer’s disease sa kanilang tahanan.

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Napaka-cool at normal na kulitan lang kung titingnan ang selfies at videos ng mag-amang Angeline at Daddy Ceferino Estillore, pero may nakatagong lungkot sa likod nito.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results