Giant tilapia sa Kidapawan City, pang-world record ang laki!

by KC Cordero
Jul 10, 2021
Tumitimbang ng 5.2 kilos ang tilapia na nahuli sa isang fishpond sa Brgy, Balabag, Kidapawan City. (Photo courtesy of Williamor Magbanua)
PHOTO/S: courtesy of Williamor Magbanua

May nagtimbre kay Williamor Magbanua, 45, na may nahuling “giant tilapia” sa fishpond sa Barangay Balabag, Kidapawan City noong Hunyo 27, 2021.

Agad siyang nagpunta sa nasabing lugar.

Bilang programming director ng Notre Dame Broadcasting Corporation (NDBC), ganitong mga balita ang talagang hinahanap niya para sa kanyang segment na “Balitang Cute at Kakaiba.”

Ang fishpond ay pag-aari ng barangay captain ng Balabag. Inaalisan na raw ito ng tubig para mag-harvest nang makita nila ang giant tilapia.

Kuwento ni Williamor, “First time lang nilang magkaroon ng fishpond at inalagaan nila ang mga tilapia for eight months.

“Yung semilya [fingerlings] raw ay galing pang Davao Del Sur.

“At hindi lang isa iyung giant tilapia.

“Na-surprise nga ako kasi apat.

“Nang makita ko, pinaglalaruan na ng mga nakahuli yung sobrang laking isda.

“Nasa 5.2 kilos nang timbangin,” kuwento niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nang makausap siya sa telepono noong Hulyo 8, 2021.

Continue reading below ↓

GIANT TILAPIA SA PILIPINAS

Hindi ito ang unang pagkakataong may nahuling giant tilapia sa Pilipinas.

Noong July 11, 2019 ay may nabingwit din ang isang mangingisda sa Estero De San Miguel sa Maynila na bahagi ng Pasig River.

Nasa tatlong kilo ang timbang nito. Ibinalita ito ng malalaking pahayagan at TV network sa bansa.

Ang Central Luzon State University (CLSU) College of Fisheries na nagku-culture ng mga tilapia ay may malalaki ring alaga. Pero hindi sila for sale but for display purposes lang para sa mga bumibisita sa facility.

Nai-feature ni Pinoy Adventure Rider sa kanyang YouTube channel ang CLSU noong April 15, 2017 kung saan ipinakita niya ang malaking tilapia na inaalagaan sa nasabing facility.

BAKIT NGA BA MAY MGA TILAPIA NA SOBRANG LAKI?

Nakipag-ugnayan ang PEP.ph sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nang ilang beses, pero walang sumasagot sa mga linya.

Ayon naman sa isang supplier ng commercial feeds ng tilapia na ayaw magpabanggit ng pangalan, overfeeding ang kadalasang dahilan kung bakit may tilapia na mas lumalaki kaysa karaniwan.

Continue reading below ↓

Ito rin ang sinabing rason ng may-ari ng fishpond kay Magbanua.

Aniya, “Duda ni Kap, e, overfeeding. Mahusay sigurong mang-agaw ng pagkain iyong apat na sobrang laki.”

Ang regular na sukat ng isang piraso ng tilapia na ibinibenta sa mga palengke ay karaniwang hindi lumalampas sa isang kilo ang timbang, at haba na walong pulgada.

Sa ating mga Pinoy, mas gusto natin ang medyo maliit na tilapia sa paniniwalang mas malasa at masarap sila.

Pag inihaw o kaya'y iprinito na may palaman sa loob na hiniwang sibuyas at kamatis ay talaga namang napakalinamnam, at mapapakain ka ng extra rice.

Dahil baka walang bumili sa palengke ay iniluto na lang ng may-ari ng fishpond ang mga giant tilapia. Nang matikman, ang verdict ni Williamor, “Pareho pa rin daw ng lasa sabi ng mga tumikim...”

Ganito rin ang sinabi ng namamahala sa tilapia center sa CLSU—na maliit man o malaki ay iisa lang ang lasa ng naturang isda pag iniluto.

Continue reading below ↓

PANG-WORLD RECORD ANG SUKAT

Ang tilapia ay kilala rin bilang tilapia nilotica o Nile tilapia dahil nakikita na sila sa Nile River sa Egypt noon pa mang Bible era.

Ang Nile tilapia ang main species na inaalagaan sa buong mundo. Maaari itong mabuhay nang hanggang 10 taon at kayang lumaki nang hanggang limang kilo ang timbang.

Continue reading below ↓

Kaya hindi kataka-taka na from time to time ay may nabibingwit na hindi kasya sa kaldero o kawali ang laki.

Ang dokumentadong pinakamalaking tilapia sa buong mundo ay nabingwit ng American fisherman na si Bobby Kotch sa Lake Istokpoga, Florida, USA.

Iniulat ito ng Akron Beacon Journal noong April 2, 2014.

May sukat ito na 25 inches at 10.9 pounds, o may timbang na 4.94 kilos, na ayon sa Akron Beacon Journal ay “big enough to break the Florida state record and world record once properly weighed and certified.”

Iyun nga lang, matapos matimbang, masukat at makunan ng picture ay pinakawalan na ito ni Bobby dahil ang isdang bass talaga ang pakay niyang bingwitin noon.

Nang mag-research siya online, na-realize niyang pinakawalan niya ang “biggest tilapia ever caught.”

Ang nakita niyang official record ay 24 inches and 9.6 pounds, o timbang na 4.35 kilos, na nahuli ng isang Florida woman noong 2011.

Continue reading below ↓

Sayang at timbang lang ang naitala at hindi nasukat ang haba ng giant tilapia na nahuli sa Kidapawan City.

Pero kung pagbabatayan ang larawang kuha ni Williamor na halos kalahati ito ni Kuya na may hawak, maikokonsidera sa ngayon na ito na ang pinakamalaking tilapia sa buong mundo at kinabog ang nahuli ni Bobby Kotch.

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Tumitimbang ng 5.2 kilos ang tilapia na nahuli sa isang fishpond sa Brgy, Balabag, Kidapawan City. (Photo courtesy of Williamor Magbanua)
PHOTO/S: courtesy of Williamor Magbanua
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results