Tubig sa bundok, napadaloy ni Kap papunta ng buong barangay

by KC Cordero
Jul 19, 2021
Ang talon sa Mt. Labawan na pinagkukunan ngayon ng buong barangay nina Kap Nick (kaliwa) ng supply ng tubig. (Photo courtesy of Nick Ramos)

Unang namataan ni Kapitan Nick Ramos, 57, ang mga waterfalls ng Mt. Labawan noong Hulyo 2019.

Nang makita niya ang lakas ng waterfalls—na tinatawag ding busay at talon—nabuo sa isip niyang maaari itong maging pinaka-water source ng buong barangay ng San Roque, Mabini, sa Bohol.

Si Kap Nick, kung tawagin, ay ang chairman ng Barangay San Roque.

Kuwento ni Kap Nick, “Umakyat kami sa bundok. May kumpanya na maglalagay ng tower para sukatin ang lakas ng hangin.

“Pag pasado ang lakas ng hangin, magtatayo sila ng windmills para sa kuryente.”

Ang nasa isip daw niya noon, magiging tourist attraction ang windmills kung matutuloy ang proyekto.

“Parang sa Ilocos ba," aniya, na ang tinutukoy ay ang Bangui Wind Farm sa Ilocos Norte. Mayroon itong 20 wind turbines na 230 feet ang taas at nakatayo sa 9-kilometer shoreline ng Bangui Bay.

"Nang pabalik na kami, nakita ko iyung mga busay. Ang lakas ng buhos ng tubig—at ang linis!

Continue reading below ↓

“Naisip ko, dahil nasa itaas, sa pamamagitan ng gravity lang ba, mapapaagos papunta sa barangay namin ang tubig.”

Mahabang panahon nang problema ng kanilang lugar ang supply ng tubig.

“Nagbubutas lang kami sa lupa para gumawa ng balon," sabi ni Kap Nick. "Inaabot ng sampung tubo ang lalim. Minsan wala namang tubig.”

Unang nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kap Nick noong July 2, 2021. Hanggang July 18 ay nakakuha kami ng update mula sa barangay captain. Sa huli, apat na beses kaming nakapag-usap upang mabuo ni Kap Nick ang kuwento ng inaasam-asam na tubig ng mga residente ng San Roque.

Continue reading below ↓

NAHIRAPAN SA PAGHANAP NG PONDO

Inilapit niya sa kanilang local official ang kanyang plano tungkol sa nakitang waterfalls.

Nguni't hindi naging maganda ang kanilang unang pag-uusap.

Pag-alala nito sa local official, “Hindi kasi ako nag-support sa kanya noong eleksyon. Sabi ko sa kanya, hindi naman para sa akin iyung project na naisip ko kundi para sa buong barangay.”

Dahil hindi sila nagkasundo at dala na rin ng frustration, nakapagbitaw raw siya ng maanghang na salita sa opisyal.

“Sabi ko sa kanya, ‘Kung ayaw mong magbigay ng pondo, i-challenge kita. Magputol man ako ng mga kawayan, pagdugtungin ko. Ipakita ko sa iyo na mapaagos ko ang tubig sa barangay namin.’”

Hindi naman nagtagal ay nagkasundo rin sila ng local official, at pumayag na ito sa kanyang proposal.

“Iyung pondo para sa drilling ng mga balon sa amin, ini-realign na lang para sa linya ng tubig. May isa ring barangay chairman na tumulong sa akin, na iyung pondo naman para sa pagtatayo ng palengke, nag-sponsor siya na ma-realign din at magamit muna ng aming barangay.

Continue reading below ↓

“Ang iba kasing barangay, may sariling water source na. Kami, wala pa.”

Kaya nang magkaroon na sila ng pondo, nakapaglatag sila ng water line mula Mt. Labawan na may habang walong kilometro.

Continue reading below ↓

Continue reading below ↓

728 PAMILYA ANG MAKIKINABANG SA WATER PROJECT

Ayon kay Kap Nick, ang kanyang barangay ng San Roque ang pinakamalaki sa 22 barangay ng Mabini, Bohol.

Mayroon itong 728 households at 2,800-plus na residente—at lahat ay makikinabang sa tubig mula Mt. Labawan.

Taga-Jagna, Bohol, si Nick. Ang misis niyang si Lydia, na isang guro, ang taga-Mabini. May dalawa silang anak.

May signage business sila noon. Naging purok leader siya mula 2003 hanggang 2010.

Nang maka-graduate sa kolehiyo ang kanilang bunso, naisip niyang pasukin nang tuluyan ang public service.

“Sabi ko kay Kumander, ‘’Ma, tapos man na ang ating mga anak. Gusto ko talagang maglingkod sa barangay.”

Pumayag naman daw ang kanyang misis, at noong 2013 ay kumandidato siya bilang kagawad—at nanalo.

Taong 2018 ay tumakbo siya para maging barangay chairman, at awa aniya ng Panginoon ay nanalo siya.

Ayon kay Kap Nick, naging plataporma niya ang tubig ng Mt. Labawan.

“Sabi ko, bakit mag-drill lagi, e, andiyan naman ang tubig ng Mt. Labawan?

Continue reading below ↓

“Pagsikapan kong makahanap ng paraan para iyung tubig na iyan makarating sa ibaba, sa sentro ng barangay."

Kuwento niya sa PEP.ph, nang kagawad pa lamang siya noong 2016, bagama't di pa niya nakikita ay nalaman na niyang may tubig sa Mt. Labawan.

Bilang barangay planning officer, nai-suggest niya sa kanilang chairman na i-tap ito, pero pinagtawanan lang daw siya nito.

Sabi raw nito sa kanya, “’Mamamatay na lang tayo, hindi natin makukuha iyang tubig na iyan dahil milyon ang gastusin.’

“Sabi ko sa kanya, ‘Hindi naman tayo ang gagastos. Gagawa tayo ng papel para makapanghingi sa kung sino’ng malalapitan.’”

Kaya, iyon daw ang ginawa niya nang maupo siya bilang kapitan.

HINDI SUSTAINABLE ANG TUBIG MULA BALON

Bago pa man niya nakita ang waterfalls sa Mt. Labawan ay natupad na ni Kap Nick ang pangakong patubig.

“Bawat purok—may pitong purok ang aming barangay—may patubig naman. Balon na kinabitan namin ng one horsepower na makina.

Continue reading below ↓

“Thirty thousand pesos ang ini-allocate naming budget para sa Purok 1, 3, at 5, at may counterpart din ang LGU sa tulong ng butihin naming Mayor.

“May tangke iyon na kasya ang 1,500 liters na tubig.

“Pero malakas sa kuryente. Saka baka matuyo rin ang balon. Hindi sustainable ba.

“Kaya naisip ko, kung galing sa bundok, hindi na magastos sa kuryente. Dahil sa gravity, kusa nang aagos ang tubig.”

Photo courtesy of Nick Ramos.

Continue reading below ↓

MAY FAUCET NA SA BAWAT BAHAY

Sa wakas ay dumaloy ang tubig mula Mt. Labawan patungo sa mga tahanan ng kanilang barangay.

Enero 2021 nang mangyari itong pinakahihintay na pangyayari sa kanilang buhay.

“Ngayon bawat bahay may faucet na!” masayang pagbabahagi ni Kap Nick. "Sa pagtutulungan ng buong council ng Barangay San Roque kaya na-realize itong proyekto."

Laking pasasalamat din ni Kap Nick sa mga LGU officials sa pamumuno ni Mayor Jun L. Jayoma sa all-out support sa mga proyekto sa kanilang barangay.

Continue reading below ↓

Photos courtesy of Nick Ramos.

Pero, hindi pa tapos ang problema.

“Sa sobrang lakas ng agos, madalas nasisira ang mga coupling na nagdudugtong sa mga tubo.

“Kaya hindi namin isinasarado nang todo ang faucet kasi pumuputok ba. Kailangan ma-release iyung pressure.”

Continue reading below ↓

Hindi rin daw niya ipinapayo sa mga kabarangay na inumin ang tubig,

“Malinis iyung tubig kasi malinis ang source. Wala ring nakatira sa bundok kaya hindi contaminated. Pero, mabuti na ang mag-ingat.

“Sabi ko gamitin lang munang panlaba at panlinis. Huwag munang iinumin.”

Continue reading below ↓


Photos courtesy of Nick Ramos.

Continue reading below ↓

IDEYA MULA SA LA MESA DAM

Kuwento ni Kap Nick, noong sa Metro Manila pa sila nakatira, napag-alaman niyang ang tubig ng National Capital Region (NCR) ay sinu-supply ng mga dam mula kalapit na mga probinsiya.

Naiipon ang supply ng tubig sa La Mesa Dam, at iyon ang nakararating sa consumer.

“Naisip ko, dapat meron kaming maliit na reservoir. Sa ganoon, makokontrol ang pressure ng tubig.”

Isa pang local official daw ang nilapitan niya at, gaya ng sa nauna, naging isyu nila ang hindi niya pagsuporta rito.

“Sabi ko sa kanya, ‘Paano naman kita suportahan? Ilang taon na ako sa barangay namin di ka naman nakapagpagawa kahit isang dipang kalsada? Iyung ibang barangay, may farm-to-market road, kami ay wala.’”

Ang naging sagot daw sa kanya ng opisyal, “Gano’n?”

“Sabi ko sa kanya, ‘Oo, gano’n.’”

Gayunpaman, malawak daw ang diplomasya ng nasabing opisyal at nagbigay naman ng budget kahit hindi kalakihan.

Idinagdag ni Kap Nick iyon sa savings ng barangay para makapagpagawa ng mini-reservoir.

Continue reading below ↓

Dito naman nagkaroon ng kakaibang twist sa mga pangyayari.

NAKAKUHA NG MAS MALAKING PONDO

Kasama ang mga kapwa barangay captain ng Mabini, gumawa ang mga kapitan ng joint resolution, tapos ay nakipagpulong kay Congresswoman Alexie Tutor—ang kinatawan ng Third District ng Bohol.

Continue reading below ↓

Sa mismong barangay ni Kap Nick idinaos ang meeting.

Inilapit nila rito na mapondohan ang water-impounding project. Maglalagay ng catch basin sa ilog na binabagsakan ng tubig mula sa waterfalls, at doon ikokonekta ang water line.

Kung maitatayo, hindi lang ang San Roque ang makikinabang sa tubig mula sa Mt. Labawan kundi ang walong barangay na humihiling ng proyekto.

Hindi raw nangako ang kongresista na matutulungan agad sila, pero titingnan daw nito kung makakakita ng pondo.

Kaya gayon na lang ang gulat ni Kap Nick nang isang araw ay tawagan siya ng staff ng kongresista para sabihang may nahanap nang pondong P10 milyon.

KOOPERATIBA ANG MAMAMAHALA

Dahil sa pondo, nagkaroon ng bidding para sa proyektong patubig.

“Na-award na ang project,” kuwento niya nang makausap ng PEP.ph noong July 15. “Antay na lang kaming matapos.”

May mga kuntador na rin daw ang mga bahay.

“Para disiplinado ba. Pag walang kuntador, baka may gagamitin sa pagsasaka ang tubig, baka wala nang umagos sa iba. Para fair.”

Continue reading below ↓

Mura rin lang ang magiging singil. Gumawa sila ng ordinansang P10/cubic meter lang ang babayarang konsumo.

Sa ngayon ay inaamin niyang marami pang prosesong daraanan ang water project.

“Hindi pa perfect,” ayon na rin kay Kap Nick.

Pero ikinatuwa niya ang tulong ng kanilang kinatawan dahil nangangahulugang mga propesyunal na ang hahawak ng proyekto.

Mareremedyuhan na ang isyu sa water impounding, reservoir, at filtration para matiyak na kontrolado ang pressure at malinis at safe inumin ang tubig na dadaloy sa mga tahanan.

Dala ng magagandang kaganapan, lumawig pa lalo ang vision ni Kap Nick. Ngayon ay may kooperatiba na siyang nasisilayan.

“Pag fully operational na," sabi nito, "magpulong kami sa barangay para magkaroon ng kooperatiba na siyang magpatakbo riyan. Bahala na ang coop sa management, di ko na pakialaman iyan. Basta ako, okey na ako na nagawa ko iyung pangako ko sa barangay ko na patubig.”

Photo courtesy of Nick Ramos.

Continue reading below ↓

Sa pagtatapos ng panayam, sinabi ng PEP kay Kap Nick na nakakatuwa at naging prangka siya sa dalawang local officials sa pagsabing hindi para sa kanya kundi para sa barangay ang ipinaglalaban niya.

Kuwento nito sa PEP, “Sabi ko nga doon sa isa, ‘Pag nakita ng mga tao na ang ginagawa mo napapakinabangan nila, kahit di mo man ilagay ang pangalan mo, ang pagmumukha mo sa tarpaulin, alam nila na ikaw ang nagpagawa niyan. Kahit di ka mangampanya, iboboto ka nila.”

Tunay na malayo na ang nalakbay ni Kap Nick Ramos ng San Roque, Mabini, Bohol.

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Ang talon sa Mt. Labawan na pinagkukunan ngayon ng buong barangay nina Kap Nick (kaliwa) ng supply ng tubig. (Photo courtesy of Nick Ramos)
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results