May forever sa tabo! Ito ang love story nina Rain at Jolo Argales

by Bernie V. Franco
Aug 7, 2021
MAY FOREVER SA TABO. When Rain Argales knocked on the door of her neighbor to borrow a dipper, the young man who opened the door changed her life forever. The lad, Jolo Argales, on the other hand, was instantly smitten with Rain.
PHOTO/S: YouTube (GMA Public Affairs) / Facebook (Jolo Sudario Argales)

Kilalanin ang mag-asawang sina Rain Argales, 30, at Jolo Argales, 31.

Ikinasal sila nito lamang June 2021 pagkatapos ng siyam na taong pagsasama.

Ipinagbubuntis ngayon ni Rain ang kanilang ikatlong anak.

Ang kanilang love story ay nagsimula sa tabo.

RAIN NOT LOOKING FOR LOVE

Sampung taon na ang nakalilipas nang si Rain, 21, ay nagtungo sa Cebu para magtrabaho bilang call-center agent.

Tubong Leyte si Rain at breadwinner ng pamilya.

Hindi prayoridad ni Rain ang pag-ibig dahil sa responsibilidad na tulungan ang mga magulang at pag-aralin ang mga nakababatang kapatid.

Lahad ni Rain sa Brigada ng GMA Public Affairs, “Focused ako sa pag-support sa family ko. ‘

"Yun talaga ang purpose ng pagpunta ko sa Cebu—mag-work ‘tapos mag-support financially sa family ko.

“Wala po sa isip ko ang maghanap ng pag-ibig.”

Gayunpaman, may idea na si Rain tungkol sa mga katangian na gusto niya sa magiging kapalaran niya: maunawain, maalaga, at supportive.

Continue reading below ↓

Sabi niya, “Hindi ako masyadong tumitingin sa pisikal na anyo. Bonus na lang iyon.”

Hindi naman ipinagkait ng tadhana kay Rain ang bonus na iyon.

JOLO, THE BOY NEXT DOOR

Hindi akalain ni Rain na ang lalaking nakatadhana pala para sa kanya ay nasa kabilang pader ng nilipatang boarding house.

Kuwento niya, “Itong roommate ko kailangan naming maglinis dahil bagong lipat. Kailangan maglinis, walang tabo.”

Binola raw siya ng roommate niya na may kapitbahay daw silang matangkad.

“Inuto ako na may guwapo sa kabilang kuwarto, matangkad na model.

“Na-curious naman ako. Pumunta ako. Kapal ng mukha, di ba?” natatawang pagbabalik-tanaw ni Rain.

“Pumunta ako doon para manghiram ng tabo.”

Kumatok daw si Rain sa kapitbahay at pinagbuksan siya ng pinto ni Jolo.

“Nung pagbukas nung pinto, siya yung nakita ko. ‘Tapos sabi ko, 'Guwapo naman nito.’”

Continue reading below ↓

It was instant attraction when Rain Argales and Jolo Argales saw each other for the first time a decade ago.

Natipuhan raw agad ni Rain si Jolo, pero hindi niya ito pinahalata.

Pagbalik sa kuwarto, kaagad daw nagkuwento si Rain sa kanyang roommate na wala ang sinasabi nitong matangkad na lalaki, pero pinagbuksan daw siya ng pinto ng isang guwapong lalaki.

THE FEELING WAS MUTUAL

Samantala, mukhang nabighani rin si Jolo nang masilayan si Rain.

Si Jolo ay tubong Lapu-Lapu City at nagtatrabaho ngayon bilang medical ancillary staff member sa isang ospital sa Cebu.

Pagbabalik-tanaw ni Jolo, “Pagbukas ko po ng pintuan, nagulat ako, e.

“Siyempre, kakapanalo pa lang no’n ni Leila Lopes sa Miss Universe,” pagtukoy ni Jolo kay 2011 Miss Universe Leila Lopes ng Angola.

“May pagkahawig siya doon, e—mahaba yung buhok, kulot, ‘tapos sexy.

“Nagulat ako, e. Kaya, ayun, nagkaintres din ako sa kanya.”

Continue reading below ↓

Bagamat nabighani sila sa isa’t isa sa unang pagkikita, pareho rin silang nakaramdam ng inis sa isa’t isa.

Kuwento ni Rain, “Nung binigay niya sa akin yung tabo medyo maldito kasi nagsasalubong yung kilay. Parang ayaw yatang magpahiram.”

Ito naman ang panig ni Jolo, “Di ba, typically, pag naghihiram tayo ng gamit, e, talagang nagpapakilala muna tayo?

“Siya, hindi, e. Kumatok agad na manghihiram ng tabo. Hindi man nagpakilala, e.”

CONSTANT BORROWER

Ang panghihiram na ito ni Rain ay naulit daw nang maraming beses.

Hanggang sa tuluyan na silang magkakilala at magkapalagayan ng loob.

Sabi ni Jolo, “Mahilig pumunta sa kuwarto namin. Manghiram ng kung anu-ano lang, e.”

Hanggang sa nakakita ng pagkakataon si Jolo at gumawa ng first move sa dalaga.

“’Yung hindi ko makalimutan, yung papasok na siya sa trabaho, maulan iyon.

“Kumatok na siya sa pintuan namin nanghihiram ng payong kasi nga wala siyang payong.

“Sabi ko, ‘Sige, papahiramin kita ng payong pero sa isang kondisyon. Ihahatid kita.’

Continue reading below ↓

“Baka kasi hindi niya isauli yung payong. Iyon, doon nagsimula nung hinatid ko siya.”

Kalaunan ay nagtapat ang binata kay Rain na kursunada niya ito.

Wala naman raw pagsidlan ng tuwa si Rain dahil interesado naman talaga kay Jolo noong una pa lang silang nagkita.

Bulalas ni Rain, “Super saya, di ba? Crush ko, ‘tapos sasabihin sa akin nagkaka-interes din pala sa ‘kin."

Hindi nga raw makapaniwala si Rain noong magtapat si Jolo.

“Sabi ko, ‘Sure ka, ha? Baka dyino-joke mo lang ako.’ Sabi niya, ‘Hindi nga, seryoso nga.’”

Ang sabi ni Jolo, nagustuhan niya ang pagiging responsableng anak ni Rain.

“Pagdating ng sahod niya, palagi ko iyan pinapagalitan, ‘Bumili ka ng damit mo.’

“Hindi iyan bumibili. Lahat ng sahod niyan napupunta sa pamilya niya.

"Gano’n siya ka-attach sa mga magulang niya.”

Malaking bagay daw kay Jolo ang pagiging family-oriented ni Rain.

Paliwanag niya, “I was a product of broken family. Naghahanap talaga ako na family-oriented na babae.

Continue reading below ↓

“Ayoko kasing maranasan yung naransan ko, sa magiging pamilya ko.”

Naging magkarelasyon ang dalawa hanggang sa tuluyan na silang magsama sa iisang buong.

At nito ngang Hunyo, ikinasal sa huwes ang dalawa, at ipinagbubuntis ni Rain ang kanilang pangatlong anak.

Lubos naman ang pasasalamat ni Jolo na nangyari ang panghihiram ng tabo sa kanya ni Rain noon.

“Thankful ko po na nangyari yung ganong sitwasyon, yung nanghiram siya sa akin,” sabi ni Jolo.

“Kasi ngayon, meron akong sariling pamilya. Naransan ko kung paano maging kumpleto yung hindi ko naranasan dati.”

Noong June 19, ipinost ni Jolo ang civil wedding photo nila ni Rain.

Caption ni Jolo: “Nanghiram ng tabo, ngayon asawa ko na.”

Continue reading below ↓

Napa-“sana all” naman ang mga netizens.

Sa pakikipagpalitan ng mensahe ng PEP.ph kay Jolo ngayong Biyernes, July 6, 2021, masaya niyang ibinalita na ipinanganak ni Rain ang kanilang youngest nito lamang Huwebes.

Ang kanilang panganay ay five years old, habang ang pangalawa ay two years old.

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
MAY FOREVER SA TABO. When Rain Argales knocked on the door of her neighbor to borrow a dipper, the young man who opened the door changed her life forever. The lad, Jolo Argales, on the other hand, was instantly smitten with Rain.
PHOTO/S: YouTube (GMA Public Affairs) / Facebook (Jolo Sudario Argales)
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results