Makakatulong tayo sa ating kapwa kahit sa maliit na paraan.
Ito ang pinatunayan ng netizen na nagpakilala lang sa pangalang Chel.
Noong August 30, 2021 ay nadaanan niya ang isang lolo na gumagawa ng mini bahay kubo mula sa upcycled materials.
Nakapuwesto ang lolo sa may Davila Street corner Primo Rivera Street sa gilid ng Makati Coliseum.
Ang matandang lalaki ay nagpakilalang si Lolo Genio.
Dalawampung taon na raw itong gumagawa ng mini bahay kubo.
Nakausap si Chel ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong September 3 sa pamamagitan ng Facebook Messenger.
Kuwento niya, naisipan niyang tulungang magbenta si Lolo Genio kaya nag-post siya sa Facebook Marketplace ng mga tinda nitong mini bahay kubo.
NAGLALAKAD SI LOLO GENIO NANG MALAYO PARA LANG MAKABENTA
Pagbabahagi ni Chel, “Dalawang tao na po ang napabili ko. Tuwang-tuwa si Lolo!”
Nadaanan pala niya minsan si Lolo Genio. Hinintuan niya ito at nakipagkuwentuhan.
“Sabi niya, mahal kasi ang upa niya sa bahay. At buong araw siyang nasa gilid ng kalsada. Eighty-six years old na po si Lolo pero ang ganda ng likha niyang bahay kubo.
“Nagpaalam ako sa kanya na pipiktyuran ko at ipo-post ko. Pumayag po siya.”
Sa kanilang pag-uusap ay may mga naibahagi pa kay Chel si Lolo Genio kaya lalo siyang naawa rito.
Aniya, “Nasabi niya rin po sa akin na nilalakad niya hanggang EDSA Buendia para itinda sa mga dumadaan yung mga gawa niya.
“Malayo po yun sa puwesto niya at may kabigatan yung gawa niyang bahay kubo.
“Bihira siyang makabenta at madalas ay may nag-aabot lang sa kanya ng barya-barya na nakakakita sa kanya sa Buendia.
“Halos maiyak siya noong nakabenta siya ng dalawang piraso.”
FREE DELIVERY SA MGA BIBILI
Umaasa si Chel na ngayong may online presence na ang mini bahay kubo ni Lolo Genio ay mas marami na ang bibili nito.
Masaya pa niyang kuwento, “August 31 ay binalikan ko siya kasi may bumili pa ng isa.
“Sana marami pa ang tutulong sa kanya.
“Pag may bibili po sa inyo ng tinda ni Lolo, chat niyo po ako, at di ko kayo sisingilin sa delivery fee. Toktok rider po ako.”
Sa mga gustong bumili ng mini bahay kubo at makatulong kay Lolo Genio, naririto ang numero na maaaring i-text o tawagan: 09274570917.