Kakaiba ang pagtulong na ginawa ng negosyante at vlogger na si Rey Moncada Bayagusa sa homeless na si Jun Empalmado.
Pinakain muna niya ito, pinapaligo, at pinagupitan.
Binilhan rin niya ito ng mga bagong damit.
Ang makeover ay ini-upload niya sa kanyang YouTube channel noong September 23, 2021.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Rey noong October 7, 2021 sa pamamagitan ng Facebook Messenger.
Kuwento niya, “Dinala ko si Jun sa kaibigan kong may barber shop. Gupit saka ahit ang gagawin sa kanya. Yung kaibigan kong barbero, marunong ding mag-makeup nang konti.”
Nagkaroon siya ng interes kay Jun dahil nalaman niyang pareho sila ng church sa Catarman, Northern Samar.
Bumilib si Rey rito nang mapanood niya ang video ni Jun sa YouTube habang kumakanta ng "Just Once" ni James Ingram.
“Isa siyang dating mang-aawit. Talagang magaling siyang kumanta.
“Nang malaman ko ang sitwasyon niya ngayon na homeless, isa iyon sa nagpaantig ng damdamin ko.”
Namukhaan niya si Jun dahil nakikita niya itong dumadaan sa kanyang tindahan sa Catarman.
"Sobrang galing ng taong ito. Mukhang may pinagdaraanan lang.”
Nang bumisita siya sa mga kamag-anak ni Jun, nalaman niyang dumanas umano ito ng depression nang masaksihan ang pagkamatay ng mga magulang at kapatid.
Pagbabahagi pa ni Rey, "Hindi na rin siya nakapag-asawa dahil parang siya talaga yung umaalalay sa mga magulang niya. Sa pagkakaalam ko, 25 years old pa lang siya, na-depress na."
PASYAL, BONDING, AT GROCERY CHALLENGE AFTER MAKEOVER
Matapos magupitan at mabihisan si Jun ay dumaan sila sa isang fast-food restaurant para sa takeout.
Habang nasa sasakyan, nagkuwento na si Jun.
Ayon dito ay nagkaroon ito ng trauma.
Takot daw ito sa bola. “Oo, natatakot ako. Kaya nga ilag ako.
“Kaya nga takot ako sa ano... sa lahat.”
Inisip daw nito noon na sapat na ang buhay na nag-iisa.
“Saan man ako mapunta, yun...”
Para malibang si Jun ay dinala ito ni Rey sa isang pasyalan sa kanilang lugar, at pagkatapos ay sa isang grocery store para sa one minute challenge.
Lahat ng makukuha nito sa loob ng isang minuto ay sagot na ng vlogger.
Pero dahil kokonti ang nakuha ni Jun, pina-extend pa ni Rey ng 20 minutes ang challenge para madagdagan ng canned goods at biscuits ang maiuuwi nito.
Nakipagkita rin siya kay Fernan Fabrigaras, ang nag-upload ng video na kumakanta si Jun.
Si Fernan ay isa ring negosyante.
Nagulat ito at tuwang-tuwa sa malaking pagbabago ni Jun dahil sa makeover.
Kay Fernan na rin ibinigay ni Rey ang mga pinamili para kay Jun, at nag-iwan pa ng PHP5,000 na panggastos.
PLANONG BIGYAN NG PANGKABUHAYAN
Sa ngayon ay nanunuluyan kay Fernan si Jun, na maging ang isang kapatid ay palaboy rin.
Patuloy naman si Rey sa pagtulong sa magkapatid na dating palaboy.
"Yung pa-check-up at reseta ng doktor, sinagot ng isang kapatid ko. Bibigyan namin sila ng pangkabuhayan pag magaling na sila totally."
Galing din pala sa hirap sina Rey kaya alam niya ang pakiramdam ng maging kapos sa buhay.
Payo niya sa iba pang may mabubuting kalooban, "Huwag nating bibilangin kung ilan o ano yung naitulong natin. Huwag tayong magsawang tumulong hangga't meron.
“Sabi nga nila mas maganda na ang tumulong sa ating kapwa na labis na nangangailangan kaysa ibili mo ng mga mamahaling bagay.”