Seventeen years old pa lang si Brix Verzosa ng Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, pero 6'8" na ang kanyang height.
Nang magpabakuna siya ng laban sa COVID-19, kinailangan pa ng nurse na nagturok sa kanya na tumuntong sa silya para lang maabot ang kanyang balikat.
Tampok si Brix sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) noong December 14, 2021. Dito ay sinabi niyang size 19 ang kanyang paa.
Aniya, “Kasabay ko pong lumalaki ang mga paa ko.”
Wala na halos magkasyang sapatos sa kanya. Mabilis din niyang masira ang kanyang mga sapatos at tsinelas.
“Nahihirapan din po ako sa mga damit ko dahil hindi magkasya.”

DISADVANTAGES NG PAGIGING MATANGKAD
Dahil bata pa si Brix, malaki ang posibilidad na tatangkad pa siya.
Aminado naman siya na sa ngayon, may mga pagkakataong disadvantage sa kanya ang pagiging matangkad, lalo na kapag nasa biyahe.

“Yumuyuko po ako kapag sumasakay po ako.”
Madalas din siyang maumpog sa pintuan ng kanilang bahay—na mas mataas pa siya kaysa sa pinaka-frame.
Maging sa pagtulong sa mga gawaing bahay ay nahihirapan siya, dahil kailangan niyang yumuko nang todo sa kanilang lababo kapag naghuhugas siya ng mga pinggan.
Kuwento pa niya, “Minsan yumuyuko talaga kapag nagluluto. Sa pagtulog naman, sa sahig na ako nahihiga kasi lampas na po yung mga paa ko sa kama.”
LAHI NG MATATANGKAD
Naramdaman ni Brix ang pagbilis ng kanyang pagtangkad noong grade six siya.
“Nang gagraduate na po ako, 12 years old, 5’ 8” o 5’ 9” na ako.”
Ayon sa kanyang ina na si Aling Janet, hindi nito akalaing tatangkad nang todo ang anak.
“Maliit lang po siya nang ipanganak ko, nasa 2.8 kilos,” pagbabahagi ng ina.
Gayunpaman, nasa lahi pala ng mga ito ang pagiging matangkad.
Ani Brix, “Yung mga lolo ko po, mga uncle, mga 6'1," mga 7 flat.”
May isa namang factor na itinuturing niyang dahilan sa kanyang pagtangkad.
“Natutulog po ako kada tanghali.”
At biro pa niya, “Baka sa margarine din po kaya ako tumatangkad.”
NABU-BULLY KAHIT MALAKI
Nang nag-aaral na si Brix, hindi raw niya naranasang umupo malapit sa blackboard.
“Ako po yung parating nasa likod. Sabi kasi ng teacher namin, hindi daw po ako puwede sa harapan kasi yung mga classmates ko di makakita [ng nasa blackboard].”
Madalas din siyang ma-bully ng mga kaklase.
Sambit niya, “Kasi nga po sobra kong laki, tinatawag po akong kapre, gunggong, bakulaw.”
MAAGANG NAGSERYOSO SA BASKETBALL
Dahil matangkad, maaga ring nahilig sa basketball si Brix. Nagseryoso na siya sa paglalaro simula noong grade seven.
“Bigla na kasi akong lumaki. 'Tapos sinasabihan ako na, ‘Maglaro ka, sayang ang height mo.’”
Malaking asset si Brix sa team na sinasalihan, at ayon sa kanya ay madalas silang manalo.
“Hindi po ako maabutan [ng mga kalaban] kasi sobrang taas ng mga kamay ko.
“Minsan kapag natapakan ko sila, masakit daw.”
Ang good news, may nakatuklas na sa kanyang potential.

Pagbabahagi ni Brix, “Meron pong nakadiskubre sa akin. Ipinakilala niya po ako sa mga coach ng San Beda, 'tapos kinuha po ako nila.
“Binigyan po nila ako ng scholarship. Masaya kasi libre na rin lahat.”
Nitong Disyembre ay lumuwas ng Maynila si Brix kasama ang kanyang ina para magpasuri sa espesyalista.
Bahagi ito ng pagtiyak sa kanyang kalusugan bago siya sumabak sa collegiate basketball.
Sa inisyal na pagsusuri sa kanya ay lumalabas na wala namang health issue na kaugnay sa kanyang pagtangkad. Posibleng dahil sa genes kaya siya patuloy na lumalaki.
NA-MEET ANG IDOL NA PBA PLAYER
Pangarap ni Brix na maging professional basketball player gaya ng kanyang idol na si June Mar Fajardo ng PBA (Philippine Basketball Association).
Aniya, “Gusto ko talaga mag-PBA, makapasok din sa Gilas Pilipinas.”
Umaasa siyang sa paglalaro ng basketball ay mababago ang takbo ng kanilang buhay.
“Gusto ko din talaga na matulungan ang mga pamilya ko dito. Mahirap po kasi si Mama din lang ang nagtataguyod sa amin.”

Sinorpresa naman ng KMJS si Brix nang personal niyang makaharap ang idol na si June Mar.
Nangako ang PBA player na padadalhan ng mga sapatos, pantalon, at T-shirt ang binatilyo.
Niyaya rin nito si Brix sa court para magpakita ng laro. Humanga si June Mar sa kanyang shooting skills.
Payo ni June Mar kay Brix, “Dapat mag-aral nang mabuti. Hindi naman habambuhay ang basketball.
“Kung gusto niyang mag-PBA, hindi ganoon kadali ang magiging journey niya. May process yun... may small steps.
“Kailangan talaga ang sipag, tiyaga, at sakripisyo. Focus lang sa goal.”
At ang isang sinambit ni June Mar na sobrang na-touch si Brix: “Gusto kitang makita sa PBA balang araw.”