Napapansin na ang mga obra ng 19-anyos na si Hanna Kaye Morales dahil sa kanyang mga likhang realistic miniature models.
Sa totoo lang, para sa kanyang school projects ang mga ginawa niyang miniature landmarks, pero dahil makatotohanan ang pagkakagawa ng mga ito, napamangha ang mga netizens.
Marami ang humanga sa talento at pinaghirapang miniature models ni Hanna, isang first-year Fine Arts college student sa University of Baguio.
Mapapamangha ka talaga sa “barong-barong” model na nilikha ni Hanna.
Kung titingnan ang mga larawan, aakalain mong isa itong tunay na makeshift house sa isang squatters' area.
Detalyado ang pagkakagawa nito, mula sa hitsura hanggang sa posters at maliliit na figures na ginamit.
Ang naturang obra ay isa lamang sa mga plate requirements niya para sa kanyang Materials 1 class.
Isang linggo niya itong pinlano at dalawang linggo ang inabot para mabuo ang miniature.
May taas itong 13.5 inches.
“Nakabase ito sa mga barong-barong na nakikita sa Metro Manila,” ani Hanna sa panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) noong December 22, 2021.
Paliwanag ng dalaga, pinagplanuhan talaga niya para magmukhang makatotohanan ang kanyang project.
Mula sa “lumang kahoy na tila naanay na,” at “lumot dulot ng mga ulan,” nakuha niya ang hitsura sa pamamagitan ng pagkulay at paggamit ng shadows “para may intensity ang details.”
Mga recycled materials lamang ang ginamit ni Hanna para sa kanyang model, gaya ng kahoy para sa base ng miniature model, cardboard, buhangin, alambre, papel, paper clips, at sako.
Kuhang-kuha ang maliliit na posters na ginamitan niya ng photo paper.
Gumamit siya ng retaso para sa mga maliliit na damit, straw ng milk tea, at takip ng glitter tubes para sa miniature plastic jars.
Hindi raw birong pagod at puyat ang inilaan ni Hanna para sa kanyang likha.
May napagtanto si Hanna habang ginagawa niya ang miniature barong-barong:
“Everybody deserves a safe and comfortable place to live in and no one should be left behind ngunit sa kasamaang palad ay may kahirapan pa rin sa ating lipunan.”
Aniya, “Meron pa rin struggle sa poverty in today’s society.
“Marapat lang na tayo ay manatiling maging boses ng lipunan at mahikayat pa ang iba para sa ating ikabubuti.”
THE MINIATURE MANILA CATHEDRAL
Isa pang likha ni Hanna na kinabiliban din ng netizens ay ang miniature replica niya ng Manila Cathedral.
Isa rin itong school project.
Isang linggo niya itong pinlano at tatlong linggo bago niya natapos.
Nilikha niya ito gamit ang popsicle sticks, toothpicks, at barbecue sticks.
Pero simple man ang materyal, nilinaw ng estudyante na madugo ang paggawa nito.
“Mahirap talaga ang paggawa nito, lalo na at wala akong proper materials sa paghati ng wood.
“Gunting at cutter lang ang meron ako.”
Pagbabahagi ni Hanna, “Minsan paggising ko ay nagkakaroon ako ng joint pains after a progressive working day.
“Nakailang paso at sugat din ako rito.”
HOW HANNA GOT INTO ARTS
Kuwento ni Hanna, nagsimula ang kanyang hilig sa arts noong siya ay apat na taong gulang.
Kinopya niya noon ang isang larawan mula sa kanilang telephone book.
Na-enjoy niya ito nang husto at nagsimula ang kanyang interes sa arts.
Pagsapit ng elementary, sumasali na siya sa school competitions para sa editorial cartooning.
Nagtuluy-tuloy ito sa high school. Sumasali siya sa mga kumpetisyon. Na-express din niya nag kanyang artistic side sa pamamagitan ng pagiging cosplayer.
Balang araw, pangarap niyang maging set stylist o maging layout artist ng isang fashion magazine company.
Dahil bata pa, nangingibabaw ang positibong pananaw ni Hanna sa buhay.
Simpleng mensahe niya pagdating sa passion: “Ang pangarap gamit ang talent ay hindi talaga madaling makamit ngunit posible.
“There will always be setbacks and there will always be burnouts, but always remember the main reason why you started and the people who have boosted you along the way.”
Use these Lalamove promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.