Isang sawa na may habang 15 feet at tumitimbang ng halos 35 kilos ang nahuli sa Batangas City.
Noong February 28, 2022, natagpuan ito ng mga construction workers sa isang bahay na kanilang kinukumpuni.
Sa Facebook post ni Poblacion 10 Barangay Chairman Charlon Gutierrez, sinabi niyang rumesponde siya at ang mga tanod sa bahay ng isa nilang kabarangay matapos makatanggap ng report tungkol sa napakalaking sawa.
Humingi rin siya ng tulong sa Batangas Environment and Natural Resources Office (ENRO).
Ayon sa kuwento ng mga construction workers, nagtaka sila nang bumagsak ang mga kahoy mula sa kisame. May naririnig din silang kumikilos sa loob.
Napasigaw sila nang biglang lumabas sa kisame ang malaking sawa.
Katulong ang mga kawani ng ENRO Batangas, nagawa nilang hulihin at tanggalin sa kisame ang malaking sawa, na anila ay napakahaba at napakabigat.
Nang silipin naman ang loob ng kisame para alamin kung may iba pang sawa, natuklasan na may mga kalansay ng pusa, na posibleng kinain ng sawa habang doon namamalagi.
Ayon sa ENRO Batangas, mabuti na rin na nahuli agad ang sawa. Sa sobrang laki umano nito, kaya nitong makalingkis at lumulon ng tao. Kaya naman masyadong mapanganib ito sa mga nakatira sa bahay.
Ang sawa na pinangalanang "Barrion"—isinunod sa family name ng may-ari ng bahay—ay pansamantalang dinala sa DENR Lipa City.