Dating pinupuri si Nick na maganda at seksi, pero ngayon ay guwapo at maskulado na siya.
Ito ay dahil dati siyang babae. Ngayon ay ganap na siyang lalaki.
Si Nick ay five years nang transgender man o trans man.
Sa unang tingin, mapagkakamalang lalaking-lalaki si Nick at matipuno.
Noon ay unica hija si Nick ng kanyang mga magulang.
Pero sa murang edad, may kakaiba na raw siyang nararamdaman.
“Bata pa lang ako, alam ko na,” kuwento ni Nick sa interview niya sa “Bawal Judgmental” ng Eat Bulaga, March 1, 2022.
“Pinanganak din kasi ako sa Saudi, so sobrang clueless ako sa LGBTQ [lesbian, gay, bisexual, transgender, queer].
“Alam ko lang sa sarili ko, na feel ko dati na lalaki ako. Pero sinasabi ng mom ko na mali,” pagbabahagi niya.
Sa katunayan, isinasali pa siya ng ina sa beauty pageants.
“Sa Saudi po kasi sinasali ako ng nanay ko,” ani Nick.
Pinagbibigyan naman ng Nick ang ina kaya’t sumasalang ito sa mga beauty pageants.
Ani Nick, nakaramdam pa siya ng gender dysphoria—isang clinical distress na nararamdaman ng tao dahil gusto niyang ma-identify as ibang gender.
Hindi raw niya nagustuhan kapag sinasabihan siyang sexy.
Ani Nick, “Parang sobrang ilang since nag-pageant ako dati, yung mga tao laging sinasabi seksi, ganyan-ganyan.
“Pero hindi ako natutuwa kahit nung time na iyon. Medyo mabigat siya sa dibdib ko.”
Dahil hindi pa full ang transition niya, may mga personal struggles pa rin daw na nararamdaman si Nick.
“Hanggang ngayon meron pa rin akong struggle with my body kasi hindi pa ako nakakapag-chest surgery.
“Medyo nali-limit yung pag-explore ko sa fitness dahil sa chest ko.”
Dahil ang hangad ay makita siya bilang lalaki, may mga pag-aalala si Nick sa kanyang appearance.
“Yung anxiety minsan masyado akong worried na baka mukhang babae pa rin ako, ganoon, yung body figure…
“Kaya lagi din ako nagdyi-gym. Nakakatulong sa akin yung pagwo-workout kasi nababawasan yung image na tinatatak sa akin dati na seksi, ganoon.”
Pero ang lubos na nakatulong kay Nick ay ang pagtanggap sa kanya ng kanyang pamilya sa kanyang katauhan.
Kung dati ay pinipilit siya ng ina na sumali sa beauty pageants, ngayon ay kinikilala na siyang anak na lalaki.
"Sobrang suporta niya sa akin ngayon. Tinatawag na niya akong 'son,' ginagamit na niya yung tamang pronouns," ani Nick.
Nagmarka raw sa kanya nang mag-post ang kanyang ina at kinilala siyang anak na lalaki.
“Nung first time ko na nakitang post niya, na tinawag niya akong son, sobrang na-touch ako.
“’Tsaka yung ginamit na niya yung pronouns po na 'he,' 'him,' ganoon…"
Malayo si Nick sa kanyang pamilya na nasa Amerika.
Pero balak niyang sumunod doon sa 2024 kaya tinatapos niya ngayon ang kanyang second degree, ang multimedia arts.
Mayroon din siyang degree sa culinary arts.
Pero pagdating sa kanyang estado ngayon, sabi ni Nick, “Masaya na po ako ngayon.”