Binabansagan ngayong “the bravest woman in Russia” ang Russian TV producer na si Marina Ovsyannikova, 44.
Habang ongoing kasi ang live news sa Channel One, isang state-run TV network sa Russia, pumasok sa eksena si Marina at iprinotesta ang giyera ng Russia laban sa Ukraine.
May hawak siyang placard na may sulat na Russian, “NO WAR… Don’t believe the propaganda. They’re lying to you here.”
Sumisigaw rin si Marina: “No war. Stop the war. No to war.”
Sinikap ni Ekaterina Andreeva, ang nakasalang na anchor, na lunurin ang pagsigaw ni Marina sa pamamagitan ng pagbasa sa teleprompter.
Makalipas ang ilang segundo, pinalitan ng Channel One ang broadcast nito sa isang pre-recorded segment.
(Hawak ng TV producer Marina Ovsyannikova ang isang placard at binulabog ang isang news live para iprotesta ang giyera ng Russia sa Ukraine.)
Naglunsad ng giyera si Russian President Vladimir Putin kontra Ukraine para sakupin ito noon lamang February 24, 2022.
READ: Staff ng independent Russian TV station, nag-resign on-air bilang protesta
MARINA REPORTEDLY detained
Kasunod nito, napaulat na na-detain si Marina ng Russian authorities dahil sa ginawa niyang protesta sa TV studios sa Ostankino, Moscow.
Kamakailan ay isinabatas sa Russia na ikonsiderang krimen ang pagpapakalat ng “fake news” tungkol sa Russian military.
Ang ikinokonsiderang “fake news” ay ang pagpapakalat ng impormasyong kontra sa paninindigan ng Russia ukol sa giyerang inilunsad nito laban sa Ukraine.
Ang sino mang mapatunayang guilty nito ay maaaring makulong ng hanggang labinlimang taon.
Sinabi naman ng Russian lawyer at human rights activist na si Pavel Chikov via Twitter na siya ang hahawak sa kaso ni Marina.
MARINA’S PRE-RECORDED VIDEO
Pero bago pa man ang ginawang protesta ni Marina sa live TV, naglabas na siya ng video.
Sa halos one-minute video, naghayag si Marina kung bakit kinokontra niya ang giyera ng Russia sa Ukraine.
Tinawag niyang krimen ang giyerang sinimulan ni Putin kontra Ukraine.
“Russia is a country-aggressor,” ani Marina.
Sinisisi ni Marina si Putin sa nangyayaring giyera.
Sabi pa ng TV producer, “My father is Ukrainian, my mother is Russian. They were never enemies.”
Nasabi rin ni Marina na maraming taon siyang nagtrabaho sa Channel One, at nagsisisi siya dahil hindi niya napigilan ang propagandang ginawa ng Russian government.
"I am ashamed that I allowed lies to be told from TV screens, that I allowed Russian people to be zombified.
"We stayed quiet when all of this was just getting started in 2014,” sabi ni Marina.
Himutok ni Marina, tinalikuran ng mundo ang Russia dahil sa inilunsad nitong giyera.
(Naglabas ng pre-recorded video si Marina kung bakit kontra siya sa giyera ng Russia sa Ukraine.)
Mahihirapan daw ang mga susunod na henerasyon ng Russia na burahin ang mga sugat na nilikha ng kanilang bansa.
WHO IS MARINA OVSYANNIKovA?
Ayon sa kanyang Facebook account, si Marina ay nag-aral sa Kuban State University at Presidential Academy of National Economy and Public Administration.
Nagtrabaho siya sa state television ng Russia sa loob ng maraming taon at nag-on-cam sa Kuban TV noon.
Siya rin ay mother of two, at naging competitive swimmer habang nasa university.
Sa social media ay tinagurian din siyang human rights advocate.