Gusto ng bride na si Therise Ildefonso Manahan na kumpleto ang pamilya sa picture sa kanyang wedding day.
Kaso hindi nakauwi ang bunsong kapatid na si Trexy Ildefonso na nagtatrabaho bilang teacher sa Singapore.
Ang naging solusyon: nagpagawa si Therise ng lifesize standee ni Trexy. Tinatayang PHP1,600 hanggang PHP1,800 ang presyo nito online.
Ikinasal sina Therise at ang asawa nitong si Shem Manahan sa Negros Occidental noong February 27, 2022.
At ang pakiramdam ni Trexy ay para na rin siyang nakadalo sa wedding day ng kanyang ate.
“Yung leave ko po ay kulang pa sa quarantine period sa pagbalik ko sa Pilipinas at pagbalik po dito sa Singapore,” paliwanag ni Trexy sa interview niya sa TeleRadyo noong March 30, 2022.
Inisip din niya ang kaligtasan ng kanyang pamilya at babalikang mga estudyante at kapwa guro sa Singapore.
Pero sang-ayon siyang agaw-eksena ang kanyang standee sa kasal ng kapatid.
“Yung human standee yung nagbigay ng kulay doon sa wedding day niya, so na-amaze po ako nung nakita ko yung human standee doon sa mismong kasal," ani Trexy.
Kumpleto ang family picture ni Therise Ildefonso Manahan sa kanyang wedding day nang pagawan ng standee ang kapatid na nasa abroad.
Di rin daw niya maiwasang matawa na makitang bitbit-bitbit ng kanyang ama at isa pang kapatid ang standee sa kasal.
Sinabi naman ni Therise, na isa ring teacher, na nakuha niya ang ideya sa Facebook.
“Naghahanap po ako ng ibang tips sa wedding, nakita ko po sa Facebook na merong example din ng wedding na di rin nakadalo yung kapatid ng groom.
"Sinuggest ko po sa family namin na gawan po siya ng human standee. Nag-okay yung pamilya ko.
“Sinuportahan po ng pamilya ko yung ideya ko po at iyon, pinagawan namin siya ng standee to complete the family po during the wedding," sabi ng bagong-kasal na si Therise.
Isang buwan bago ganapin ang kasal, naghanap pa ng dusty blue gown si Trexy sa Singapore para matiyak na nakasunod sa motif ang kanyang standee.
Sa mensahe ni Therise, mahihinuhang close sila ng nakababatang kapatid.
“Hindi mo talaga nakalimutan ang mga occasions dito sa amin, lagi kang sumusuporta,” ani Therise kay Trexy.
“Very generous po siya. Todo support, all out po siya mag-support. Hopefully, and praying, makauwi ka na this year.”
At habang hindi pa nakakauwi sa Pilipinas, umaasa si Trexy na ipo-proxy muna siya ng kanyang standee.
“Pag kumakain po sila nandon pa rin yung standee ko. Pag may bisita tumutulong din ang standee na mag-entertain.”