Pinakawalan na ang male Philippine eagle na pinangalanang “Sarangani” sa kagubatan ng Maitum, Sarangani noong June 13, 2022.
Si Sarangani, na unang tinawag na “Salagbanog” ay na-rescue ng isang T’boli farmer noong January 8, 2021.
Na-trap ito sa matinik na rattan malapit sa Salagbanog Falls sa Barangay Ticulab na sakop ng Maitum.
Dinala ito sa Philippine Eagle Foundation (PEF) para gamutin.
Ayon kay Abdul Cariga, head ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng bayan ng Kiamba, “Sarangani survived an injury inflicted on its wing by illegal hunters for more than a year in the forests of the province.”
Sinaksihan ni Cariga at iba pang stakeholders ang pagpapakawala kay Sarangani sa natural habitat nito matapos sumailalim sa rehabilitasyon sa loob ng 18 buwan sa Philippine Eagle Center sa Davao City.
Nilagyan din si Sarangani ng electronic tracker para ma-monitor ito ng PEF sa susunod na dalawang taon.
Ang PEF ay naka-rescue na ng 12 Philippine eagles mula nang lumaganap ang pandemya. Karamihan sa mga agila ay nabaril o nahuli sa patibong ng mga hunters.
Ipinagbabawal ang mangaso ng Philippine eagle dahil kabilang ito sa mga protektado sa ilalim ng Republic Act No. 9147, o “An act providing for the conservation and protection of wildlife resources and their habitats, appropriating funds therefor and for other purposes,” na nagkabisa noong July 30, 2001.