Malapit sa loob ng pamilya ni Norvin Granada ang rare Visayan spotted deer na namataan sa Panay kamakailan.
Nakipag-ugnayan si Norvin sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) matapos niyang mabasa ang artikulo tungkol sa nasabing rare Visayan spotted deer. Nalathala ang artikulo noong April 25, 2022.
Sa panayam ng ng PEP.ph kay Norvin noong June 29 sa pamamagitan ng Facebook Messenger, sabi nito, “Parang may connect kasi sa akin ito dahil sa stories from my late lolo.”
Batay umano sa kuwento ng nanay niya at tiyahin, maraming Visayan spotted deer noon, at nagkaroon pa ang lolo niya ng alaga sa farm nito sa Pingot, Dancalan, Negros Occidental.
At para umano mas detalyado ang kuwento, ibinigay niya sa PEP.ph ang link ng Facebook account ng kanyang tiyahin na si Judith Granada. Mas marami aniyang maibabahagi ang kanyang tiyahin.
ANG TRAHEDYA SA JUVENILE VISAYAN SPOTTED DEER
Noong June 30 ay nakapanayam ng PEP.ph si Tita Judith sa pamamagitan ng Facebook Messenger.
Aniya, nag-iisa ang alaga nilang Visayan spotted deer noon sa farm ng kanyang ama.
Binigyan ito ng pangalan na George.
Bungad ni Tita Judith, “Hindi agad ako naka-open sa chat niyo po kasi nagtanong pa ako sa mga kapatid ko at pinsan tungkol sa totoo about George.
“Kasi nang dumating ang deer sa bahay namin, elementary pa lang po ako.”
Year 1967 nang dumating sa kanilang farm si George.
“Ang tatay ko na si Melecio Gayanilo Granada, isa po siyang hunter. Nabaril niya ang nanay ni George.”
Bisiro o juvenile pa lang umano si George noon.
“Hindi alam ng tatay ko na may anak itong nabaril niyang deer, si George nga. Lumapit siya sa nanay niya para magdede sana.
“Ang ginawa ng tatay ko, kinuha siya at inalagaan.”
Dinala ito ng kanyang ama sa kanilang farm.
LOVABLE NA VISAYAN SPOTTED DEER
Pagbabahagi pa ni Tita Judith, “Naging okey naman si George sa farm.”
Wala aniyang idea ang kanyang mga kapatid kung bakit George ang ipinangalan ng kanilang ama sa Visayan spotted deer.
“Mabait at malusog si George. Kalaro namin siya.”
Maraming magagandang alaala si Tita Judith kay George.
“Pati sa aso namin, nakikipaglaro siya. At mataas pa siya sa aso kung tumalon.
“Pag isinasama siya sa bakery, binibigyan siya ng tinapay ng may-ari ng bakery kasi naaaliw sa kanya.”
At ang diet umano nito sa kanilang farm, “Kangkong at bread ang kinakain niya.”
HOUSE PET ANG TURING
Kuwento pa ni Tita Judith, naisipan ng tatay niya na iuwi si George sa bahay nila sa Dancalan, Ilog, Negros Occidental.
“Pero malaki na siya noon. Nasa bahay na namin siya nang tubuan ng sungay.”
Pet talaga ang naging turing nila sa Visayan spotted deer.
“Malaki ang lugar ni George sa bahay namin. Marunong lumabas sa gate, at marunong ding bumalik sa loob.”
Iisa ang larawan ni George na na-save ng pamilya ni Tita Judith.
“May mga picture pa sana siya, kaso lang di na alam kung saan napunta kasi palipat-lipat na kami ng tirahang magkakapatid simula nang sabay mamatay ang mga parents namin.
“Iisa lang, at nakuha ko pa ito sa Canlaon, sa anak ng yaya namin.”
Ang babae aniya sa larawan na kasama ni George ang anak ng kanilang yaya noon.
IPINAMIGAY SI GEORGE
Hindi rin alam ni Tita Judith kung ilang taon ang itinagal ni George.
“Kasi nang makausap ko ang ate ko kanina, ibinigay daw ito ng tatay ko kay [dating pangulong] Fidel Ramos. Hindi rin niya matandaan kung anong year ibinigay.”
Wala rin aniyang nabanggit sa mga nakatatanda niyang kapatid ang kanyang ama kung bakit nito ipinamigay si George.
Ani Tita Judith, laging bahagi ng kanilang kuwentuhang magkakapamilya si George, at lagi nila itong naaalala with fondness.
Ayon naman kay Norvin, naikuwento sa kanya ng isang kamag-anak na close si George sa mga workers ng lolo niya sa farm noon.
Alam din siya na kakaunti na sa ngayon ang mga kalahi nito.
“Sadly nga, medyo maliit na numbers nila. How I wish na protektahan ito dahil endemic na sa Pilipinas. Let’s spread awareness po.”
Kung noong dekada 70 at sa mga sumunod na panahon ay puwede pang mang-hunting ng Visayan spotted deer, ngayon ay hindi na.
Kabilang ang Visayan spotted deer sa mga protektado sa ilalim ng Republic Act No. 9147, o “an act providing for the conservation and protection of wildlife resources and their habitats, appropriating funds therefor and for other purposes,” na nagkabisa noong July 30, 2001.
Bawal na ring gawing pet ito na gaya ni George.