Mga palaka ang nakikitang isa sa mga solusyon ng barangay captain sa Old Balara, Quezon City para kontrolin ang dengue cases sa lugar na nasasakupan.
May isandaang palaka ang pinakawalan sa mga damuhan at kanal sa Old Balara nitong Sabado, July 23, 2022, bilang bahagi ng kanilang anti-dengue drive.
Bukod pa rito, may 400 pa ang ikinalat sa iba pang bahagi ng barangay.
Inaasahan nilang susuot ang mga palaka sa masisikip na lugar na pinamumugaran ng mga lamok.
Kakainin naman ng mga palakang ito ang mga lamok, ulat ng ABS-CBN News.
Hindi ito ang unang beses na nagpakalat ng mga palaka sa Brgy. Old Balara para sa anti-dengue operation nito.
“Yung palaka ang maglilinis ng masusukal na lugar at yung mga drainage system na kulob at hindi namin mapasok ng tao para linisin,” paliwanag ni Bgy. Old Balara Captain Allan Franza.
Ginagawa na nila ito mula pa noong 2016.
“Bagamat wala pa namang tiyak na pag-aaral, pero base sa aming observation ay nakakatulong siya,” ani Franza sa ulat ng Ulat Bayan ng PTV.
Tinatayang 19 na kaso na ang naitala sa lugar, 80 porsyentong mas mataas kesa noong 2021.
Sa buong bansa naman, nakapagtala na ng 65,190 dengue cases mula Enero hanggang nitong Hulyo at nagmula sa mga Regions III, VII, at IX.
Nasa 274 naman ang namatay.
Sa Maynila, nakapagtala na ng 6,000 cases mula Enero hanggang July 17 o 37 percent higher kumpara noong 2021.
Marami sa mga kasong ito ay mula sa Malabon, Pateros, at Quezon City.
EXPERTS DO NOT SUPPORT FROGS VS. DENGUE
Pero kinukuwestiyon pa rin ng Department of Health (DOH) ang hakbang na ginagamit ang palaka sa pagkontrol ng dengue.
Paliwanag ng Institute of Biology sa UP Diliman, hindi sapat ang nakakaing lamok ng mga palaka para makontrol ang populasyon ng mga lamok.
Ang pinangangambahan kasi ay posibleng makalason ang mga uri ng palakang ito kapag nakain ng mga hayop kagaya ng aso at pusa.
Sa Maynila, ang mga anti-dengue operations nila ay misting at paglinis ng mga lugar na maaaring pamugaran ng mga lamok.
Sa Tanza, Cavite ay nag-distribute ang health units ng mga anti-dengue chemicals na ipinamahagi sa 41 barangays.
Ang iminumungkahi ng DOH ay ang 4S: search and destroy (sa mga pinamumugaran ng mga lamok); self-protection measures; seek early consultation (pag nagkaroon ng symptoms); at support fogging/spraying only in hotspot areas.