Viral sa TikTok ang short video clip ng isang bride sa Davao City na nakunan na mukhang ninenerbiyos sa reception ng kanyang kasal.
Ang dahilan: Mas marami kaysa sa inaasahan ang dumating na bisita!
Umabot na sa 5 million views at press time ang TikTok video na ito ng wedding and events organizer na si Vonric Layese.
Ipinost ni Vonric ang kuhang video niya sa bride. Mas pinili niyang huwag nang pangalanan ang newlywed couple.
Caption sa video: “Akala mo 100pax lang ang dadalo? Pero?
“Buong barangay ang pumunta.”
Bakas sa mukha ng bride ang pag-aalala.
Naglabas pa ito ng malalim na buntong-hininga, namilog ang mga mata, at napahawak pa siya sa kanyang tagiliran.
THE REAL STORY
Samantala, ibinunyag ng wedding organizer na totoong kinabahan ang bride.
Nangyari raw ang kasal nito lamang July 23, 2022.
Nagkaroon pa nga ng pagbabago sa programa dahil sa dami ng tao.
“Yes, kinabahan ang bride,” mensahe ni Vonric sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong July 27, 2022.
“At first kasi, sobrang dami ng guests. Na-change ang original plan. Dapat program first bago magpakain ng mga bisita.
“Dahil request ng parents na dapat kumain muna bago ang program, hindi naiwasang nerbiyusin ng bride."
Paliwanag ni Vonric, “Sa video na nakita, first dance nila yun. At the same time, pumipila na ang mga bisita sa food. Hindi maiwasang magsiksikan.”
Pero paglilinaw din ni Vonric, marami naman talaga ang imbitado at maraming handa.
“More or less 100 guests lang ang kilala ng couple. The rest, taga-barangay na po."
Sa speech ng bride, inamin niyang naging kabado talaga siya at nagbiro na parang ngayon lang nakakakita ng artista ang mga dumalo sa kasal dahil sa dami ng dumating.
Pero di naglaon, nakahinga na siya nang maluwag dahil naging successful ang kanyang wedding.
Sabi naman ni Vonric sa PEP.ph, “Invited ang buong barangay, maraming handa man din ang na-prepare. Kaya nakakain lahat. At ang iba ay may nabaon pa.”