Isang juvenile o inakay na Philippine crested serpent eagle ang na-rescue at naibalik sa kabundukan ng Sarangani province.
Ito ang iniulat ng DENRSoccksargen nitong August 3, 2022.
Ang Philippine crested serpent eagle ay nailigtas mula sa pagkaka-trap ni Herly Chavez, residente ng Kiamba, Sarangani province noong August 2.
Dinala niya ang ibon sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Kiamba.
Ayon kay Abdul D. Cariga, Kiamba CENRO chief, agad nilang sinuri ang agila.
Ang wingspan nito ay nasa 107 centimeters at may taas na 30 centimeters.
Pinakawalan ito matapos matiyak na nasa magandang kondisyon.
Ikinatuwa ni Cariga ang ginawang pagliligtas at pagtu-turnover ni Herly sa Philippine crested serpent eagle dahil nagbubunga aniya ang kanilang pagsisikap na mabigyan ng impormasyon ang publiko sa kahalagahan ng pagsagip sa endangered birds, at mapanatili ang ating balanseng ecosystem.
“We are now more enthusiastic to teach the locals about saving the environment for the future generation,” ani Cariga.
Nanawagan naman si Department of Environment and Natural Resources–Soccsksargen Region Director Felix S. Alicer sa lahat ng tauhan ng DENR na ipagpatuloy ang pagtuturo sa publiko na pangalagaan ang mga endangered species para manatiling ligtas ang mga ito sa kanilang habitat at maparami ang populasyon.
Ani Alicer, “This is the first crested serpent eagle that was rescued this year, and the second to be sent back so far to its natural habitat in Sarangani.”
Ang Philippine crested serpent eagle ay isang uri ng agila na matatagpuan sa malalaking isla ng Pilipinas maliban sa Palawan.
Endemic ito sa ating bansa, at bagaman hindi pa kasama sa endangered species ay patuloy na lumiliit ang populasyon.
Naninirahan ang mga ito sa hindi masyadong masukal na mga gubat, kakahuyan, at mga taniman na may malalaking puno.