Ngiti ng tagumpay ang makikita sa mukha ng Cebuana scholar na si Rosemarie “Rose” Villarin.
Mula sa Naga City, si Rose ay nagtapos bilang cum laude sa kursong Bachelor of Elementary Education, Major in General Content, sa Cebu Technological University-Naga Extension Campus.
Proud naman ang kanyang inang si Nanay Senda Villarin, na isang magbubukid.
Sa katunayan, sa halip na bouquet of flowers ang iabot kay Rose, bouquet of vegetables na may magandang arrangement ang ibinigay ni Nanay Senda sa anak.
Marahil ay simbolo ito ng mga sakripisyo ni Nanay Senda para mapagtapos sa kolehiyo ang anak.
Rosemarie Villarin (left), hawak ang gulay bouquet na regalo ng proud niyang inang si Nanay Senda (right).
Ang mga larawan ni Rose na proud na bitbit ang gulay bouquet ay ipinost sa Facebook page ng Government of Naga, Cebu.
Bahagi ng post, “Sobrang kaligayahan ang pakiramdam ni Nanay Senda na nagtapos ang kanyang anak sa college at bouquet ng gulay ang kanyang ibinigay upang ipagmalaki ang kanyang natapos mula sa pagsisikap sa pagtatrabaho sa bukid.”
Panglima si Rose sa walong magkakapatid at scholar sa naturang eskuwelhan.
Sa post ay nag-iwan ng mga komento si Rose na punung-puno ng pasasalamat.
Samantala, may sariling Facebook post din si Rose tungkol sa kanyang tagumpay.
Aniya (published as is): “When you sow, you reap! First step has done. To God be all the glory and praises”