Nahuli sa La Union kamakailan ang isang pagong na maaring makapinsala sa ating local marine ecosystem.
Ang Chinese softshell turtle (Pelidiscus sinensis) ay nahuli sa isang ilog sa Brgy. Nagsabaran, San Juan, La Union noong August 24, 2022.
Ayon sa Coastal Underwater Resource Management Actions (CURMA), isang conservation group sa San Juan na nangangalaga sa mga sea turtle, naglilinis ang mga taga-barangay ng mga kalat na dulot ng bagyong Florita sa mga anyong tubig sa lalawigan nang makita ang pagong.
Dinala na ito ng barangay captain sa Municipal Disaster Risk Reduction And Management Office-LGU-San Juan, La Union.
Ang Chinese softshell turtle na native sa China ay itinuturing na isang invasive alien species (IAS).
Ayon sa DENR-Biodiversity Management Bureau, ang IAS ay mga “organisms that are spread outside their natural distribution and become a threat to native ecosystems and biodiversity.”
Kaya sila threat ay dahil sa mabilis nilang pagdami at sa pagiging "good dispersers."
Mahigpit na ipinagbabawal ang Chinese softshell turtle sa Pilipinas simula pa noong 1990s.
Batay sa DENR-Biodiversity Management Bureau (BMB) Technical Bulletin No. 2013-02, itinuturing itong malaking banta sa ating indigenous fish and aquatic animals.
Panganib din ang hatid nito sa local fishponds and fishery operations.
Ang sinumang mahuli na mag-alaga o magpakawala nito sa wetlands at iba pang bahagi ng ating bansa ay posibleng makulong sa loob ng walong taon, magmulta ng PHP5 milyon, o mapatawan ng parehong kaparusahan.
Ang ganitong uri ng pagong ay karaniwang ginagawang pet sa China.
Lumalaki ito ng hanggang 10 inches.
Itinuturing din itong isang delicacy sa ibang bansa, at niluluto bilang soup.
Pansamantala namang aalagaan ng DENR ang nahuling Chinese softshell turtle, na pinangalanang Florita.
Wala pang impormasyon kung paano napadpad si Florita sa La Union.