Matapos mag-graduate ng anak sa senior high school noong June 2022, ang ama naman ngayon ang nag-graduate.
Noong Hunyo ay nag-viral ang post ni Guillerma “Jill” Idias, 20, ng Manlapay, Dalaguete, Cebu, dahil sa kanyang ama na si Florentino Idias, 50.
Mula kasi sa trabaho ni Mang Florentino bilang backhoe driver, dumiretso siya sa graduation ni Jill sa Manlapay National High School.
Ang suot ni Mang Florentino ay basa at medyo marumi, pero tumuloy pa rin ito bagamat nag-alinlangan dahil kahilingan ng kanyang anak na magpa-picture sila.
Bahagi ng post ni Jill: “Sabi ni Papa ‘Wag na lang kasi hindi ako nakapagbihis, ang dumi at ang basa ko pa.’
“Pero sabi ko sa kanya, ‘E, ano naman kung marumi ang damit at basa na, wala akong paki, hindi kita ikinahihiya, bahala na kahit hindi ka pa nakapagbihis.'
“'Thankful ako na nandito ka sa graduation ko, kahit na pagod ka galing sa trabaho, dumiretso ka talaga sa graduation ko, kahit na basa ka pa, Pa. I love you Papa.”
Pinusuan ng maraming netizens ang post ni Jill.
MANG FLORENTINO GRADUATES
Makalipas ang tatlong buwan, nag-viral ulit si Mang Florentino.
Sa pagkakataong ito, nakagayak ang padre de familia at siya naman ang may suot ng toga.
Isa siya sa mga nagtapos ng junior high school via Alternative Learning System (ALS) sa Dalaguete, Cebu noong September 12, 2022.
Second year high school lamang kasi ang inabot ni Mang Florentino noong siya ay kinse anyos.
Kahit na 50 na siya ngayon, pinursige niya ang bumalik sa pag-aaral para maipakita sa mga anak ang pagpapahalaga niya sa edukasyon.
Nag-viral noon si Florentino Idias dahil hindi siya nakaayos nang magpunta sa graduation ng anak. Ngayon, siya naman ang nagtapos.
Gusto ni Mang Florentino na maging huwarang ama siya sa siyam na anak: sina Flordeliza 29, Jerome 27, Armando 24, Albert 23, Guillerma 20, Genevieve 18, Florenda 14, Amelia 12, at Janice 9.
Isang housewife ang kanyang misis.
Aminado si Mang Florentino na hindi madali ang sabay na magpa-aral ng anak at mag-aral.
Kahit sa pagbili ng kanyang mga kailangan sa school, kinakailangan niyang unahin ang kanyang mga anak.
Pero nagbunga ang pagsusumikap ni Mang Florentino.
Kaya naman ang mensahe niya sa kabataan, huwag sayangin ang pagkakataon at mag-aral habang bata pa.
Alam kasi ni Mang Florentino na iba ang may pinag-aralan.
"Tingnan niyo ako kahit matanda na, nakatapos pa rin ng junior high school,” aniya.