Bentang-benta sa netizens ang ipinatupad na “No Bag Day” ng St. Joseph Academy-Senior High School Department sa Sariaya, Quezon, noong September 12, 2022.
Sa halip na backpack, ang faculty at mga estudyante ay pinayagang makapasok sa nasabing school bitbit ang kanilang libro at school supplies gamit ang ibang lalagyan.
Nag-post ang Supreme Student Government sa official Facebook Page nito ng mga larawang mga ginamit na alternatibo ng mga estudyante sa kanilang backpack.
Ang caption: “This week started with something new and interesting as Josephinians and Mission Partners participated in the challenge that showcased their creativity and uniqueness.
“As a part of the season of creation celebration, Josephinians brought unusual bags to carry their books, portfolios, and food.”
Nag-level up sa pagiging creative ang mga estudyante, at pinalitan ang kanilang backpacks ng kung anu-anong puwede nilang mahagilap sa bahay na maaaring pagsidlan ng school supplies at iba pang essentials.
May mga gumamit ng microwave, housing ng electric fan, bayong, trash bags, kulungan ng aso at manok, at kung anu-ano pa.
Nagpiyesta ang mga netizens.
Hirit ng iba, sana gawin din yun sa kanilang school.
Kanya-kanya rin silang pili kung aling lalagyan ang pinakapatok.
Ang St. Joseph Academy sa Sariaya ay miyembro ng Franciscan Missionaries of Mary.
Ang isinagawang No Bag Day ay bilang paggunita rin sa isang buwan na selebrasyon ng kapaligiran.
Tinatawag itong “season of creation” o ang pista ni St. Francis of Assisi, ang patron saint ng kalikasan at mga hayop, na magtatapos sa October 4.