Pinagpipiyestahan ngayon ng netizens ang kuwento tungkol sa naka-unipormeng pulis na may ka-date na babae.
Viral ang post na ito at maka-ilang beses na-share sa social media.
Sinasabing ang nag-post umano ay ang babaeng ka-date na, it turned out, ay totoo palang pulis.
At ang blind date ay mistulang entrapment dahil ang naka-uniporme ay isa palang pekeng police.
Hindi natuloy sa magandang pagtitinginan ang date dahil sa presinto dinala ang lalaki.
Bawal kasi ang paggamit ng “official uniform” sa maling paraan, tulad ng nakasaad sa Article 117 ng Revised Penal Code.
Sabi rito: “Any person who, under pretense of official position, shall perform any act pertaining to any person in authority or public officer, without being lawfully entitled to do so, shall suffer the penalty of prision correccional in its minimum and medium periods.”
Sa kumalat na screenshot ng Facebook post ng policewoman, ganito ang caption: “Blind date [heart, kiss, laughing emojis] sa lahat ng dates ko, ikaw ang memorable. #kiligtothebars."
Kalakip sa post ang stolen shot ng babaeng pulis kasama ang pekeng pulis na kumakain sa isang fast-food restaurant.
Ang pangalawang picture ay ang lalaki na kinunan ng mugshot at may hawak na papel.
Tinakpan ang mukha at pangalan ng lalaki.
Diumano, ilang linggo nang nagkakausap online ang policewoman at pekeng pulis.
At sa pag-uusap nila, umamin na hindi totoong pulis ang lalaki, kaya ipinaalam ito ng babae sa mga kasamahang pulis.
Nagyaya ng meet-up ang policewoman at nagkita sila ng lalaki na suot pa ang police uniform.
Wala umanong naipakitang ID nag magpapatunay na alagad ng batas ang lalaki.
Sa mugshot ng lalaki, ito ang nakasulat sa hawak niyang papel: “FOR VIOLATION OF ART. 177 (USURPATION OF AUTHORITY OR OFFICIAL FUNCTION) AND ART 179 (ILLEGAL USE OF UNIFORMS AND INSIGNIA) OF THE RPC"
Pero makikita na ang date sa hawak na papel ay February 1, 2021.
Sinaliksik namin at hinanap ang Facebook account ng sinasabing policewoman na nag-post, pero hindi na ito searchable. At kung nabago man ang context ng kuwento, ito ay dahil halos dalawang taon na itong kalat sa social media.
STRONG REACTIONS FROM NETIZENS
Bagamat tila binuhay ang lumang post, umani pa rin ito ng strong reactions, at umabot sa libu-libo ang recent comments.
May punchlines, may hugot, may joke, may seryoso.
Sabi ng isa, ehemplo raw ito na “huli at kulong” at "kilig to jail."
May mga puma-punchline na “bilanggo ng pag-ibig,” “bihag ng puso,” at “nakarehas na puso.”
May iba namang nagalit dahil sa “love scam” at “manloloko” na pekeng pulis.
“ITO UNG I LOVE YOU GOODBYE,” hirit naman ng isa pa ukol sa naunsyaming pag-ibig.
Ang sabi ng isang netizen (published as is): “Dapat lahat Ng nagpapanggap at manloloko nakukulong Noh e d Wla sanang manloloko.”
May mga seryoso naman na nagpayong sana ay nagpakatotoo na lang ang lalaking nagpanggap na pulis.