Ano ba itong “Matigas na Bakery HINDI KAYA Bayaran Ni SM” sa Google Maps, Waze, o alinmang web mapping platform?
Dadalhin ka nito sa Eastward Bakery na nakasingit sa 20,000-square meter mall ng SM Center Sangandaan, Caloocan City.
Sa social media, tinagurian din itong "The bakery that can't be moved."
Ang mahigit 50-year-old bakery na sinasabing pagmamay-ari ni Edward Basa Ong ay ang kaisa-isang establisyemento na hindi nabayaran ng SM Prime Holdings, Inc. nang itayo ang SM Center Sangandaan noong 2015.
Ang mall branch na ito ang ika-55th branch ng SM.
Ayon sa mga ulat, dating palengke ang site ng mall sa Sangandaan intersection.
Ang dating tenants na nabayaran, binigyan ng one-year notice upang makalipat sa mga developed buildings sa area bago tibagin ang kanilang mga puwesto.
Ngunit hindi natibag ang Eastward Bakery na dating Elsol Bakery, dahil umano sa “failure of negotiation” o pagtanggi ng may-ari nito.
Kaya’t walang nagawa ang giant mall chain kundi iwanang nakatayo ang “matigas na bakery.”
Agaw-pansin ang four-floor building ng bakery na animo’y ginaya pa ang taas ng itinayong SM Mall na four floors din.
Kapansin-pansin din ang gusali dahil sa kulay nito na beige, na hiwalay sa signature color blue ng SM building.
Sa unang floor matatagpuan ang mismong bakery.
“THE BAKERY THAT CAN’T BE MOVED” DOCUMENTARY
Noong March 19, 2016, isang grupo ng mag-aaral ng kursong Bachelor of Arts in Journalism ng Polytechnic University of the Philippines ang nagtampok ng documentary tungkol sa Eastward Bakery.
Ang 5PM Productions ang nag-produce ng documentary na prerequisite para sa course subject na Broadcast Journalism.
Pinamagatang The Bakery That Can’t Be Moved, tinalakay ng documentary ang pagiging matatag ng bakery sa kanyang puwesto kahit pa uminog na ang mundo sa paligid nito.
“Sabi nila… Ang pera ay madaling ubusin. Pero ang property ay nandiyan habambuhay.”
Mukhang iyan ang nais patunayan ng Eastward Bakery.
IBA PANG SM NA MAY KATULAD NA SITWASYON
Pero hindi nag-iisa ang SM Center Sangandaan na itinayo kahit may original tenant na hindi napaalis sa site.
May ilang SM malls na makikitaan ng non-affiliated businesses sa mismong lugar kung saan nakatayo ang branches ng pinakamalaking mall chain sa Pilipinas.
Isa na riyan ang SM North EDSA, kung saan matatagpuan ang building ng Philippine College of Surgeons.
Read: VIRAL: Funny tweets tunkol sa laki ng masasakop ng SM City North EDSA sa year 2045
Sa SM Cagayan De Oro Downtown Premier naman ay matatagpuan ang Red Planet Hotels na naka-sandwich sa pagitan ng dalawang buildings.
Samantala, sa SM Dagupan sa Pangasinan ay may isang hilera ng iba’t ibang shops at tindahan na nakapagitan sa SM Center at SM Hypermarket.