Ang Pilipinas ay may sariling “national breed” ng aso. At hindi ito ang “askal” o asong kalye, o kaya ay ang “aspin” o asong Pinoy.
Ito ay ang Philippine forest dog—na kilala rin sa tawag na "asong gubat" o "witch dog."
Sa ulat ng GMA News Online noong January 12, 2023, nakatakda nang ipetisyon ang Philippine forest dog para kilalanin na national breed ng Pilipinas.
Kasalukuyan nang inihahanda ang mga dokumento na isusumite sa Fédération Cynologique Internationale (FCI).
Ang FCI ay itinatag noong 1911 sa ilalim ng sponsorship ng kennel clubs ng Austria, Belgium, France, Germany at Netherlands.
Layunin nitong magkaroon ng global uniformity sa breeding, exhibiting, and judging ng pure-bred dogs sa buong mundo.
Ayon kay Fred Salud, corporate secretary ng Philippine Canine Club, Inc., "Yung kanyang kuko, nagse-shed every year. Di ginagawa ng mga aso iyon.
“Tawag diyan witch dog kasi napakahusay daw niyang mang-akyat."
Pagbabahagi pa ni Fred, "Ginagamit siya ng mga katutubo, kasama sa pag-hunt.
“Nagha-hunt sila ng mga bayawak. Ang husay niyang mag-akyat sa puno.
"Ang kulay, na-recognize rin na yellow, parang sa tigre kaya yung isang pangalan din niya, tiger dog."
Ang Philippine forest dog ay mataas tumalon. Matutulis at tirik ang tainga nito.
Ang buntot ay nagkokorteng pabilog dahil sa sobrang haba.
Ngayong January 14 ay opisyal nang ipakikilala ang Philippine forest dog sa Philippine Circuit, isa sa mga prestihiyosong dog shows sa Asia.
Ayon naman sa article na lumabas sa Esquiremag.ph, ang Philippine forest dog ay isa sa pinakamatandang dog breeds sa buong mundo.
Tinatayang ang breed na ito ay 36,000 years nang in existense, at nag-iisang indigenous wild dog sa ating bansa.
Mailap at matapang, hindi ito nakikipagtalik sa ibang breed ng aso kaya napapanatili nitong puro ang bloodline.
Kadalasang natatagpuan ito sa Bukidnon sa Mindanao.
Ang indigenous canine researcher na si Tom Asmus ay nag-alaga ng Philippine forest dog sa kanyang conservation area.
Aniya, ang breed na ito ang tanging naka-survive independently sa jungle.
May kahirapan din umano itong gawing pet.
Ayon kay Tom, “They have little resistance to common domesticated canine illnesses.”
Sabi pa niya kailangan din na lagi itong bantayan, “If I let them loose, they kill domestic dogs, goats, cats, and all kinds of poultry.
“They see no difference in a rat and a cat.”
Gayunpaman, kahanga-hanga aniya ang Philippine forest dog.
Bukod sa ito ang tanging local pure breed sa Pilipinas, mataas din ang killer instinct nito.
At dahil sobrang rare, marami ang nag-aakalang alamat lang ang Philippine forest dog.
Ani Tom, “Most Filipinos think that the asong gubat is only a myth and doesn’t exist.
“The Lumads of Bukidnon believe them to be a legend that can curse your family if they are killed.
“The Lumad also see these dogs as forest spirits more than living creatures, believing they should be respected.”
Bukod sa Bukidnon, may Philippine forest dog din sa Luzon at Vizayas, na kadalasang ginagamit ng mga mangangaso sa panghuhuli ng ibon.
Inaalagaan din ito ng mga magsasaka at isinasama sa mga palayan dahil magaling manghuli ng cobra at iba pang ahas.
Kapag nasa bahay, kailangan na lagi itong nasa kulungan dahil malaki ang posibilidad na mangagat ng tao o manghabol at manlapa ng mga hayop.
Isang netizen ang nagpatotoo ng mga katangiang ito ng Philippine forest dog.
Sa comment niya noong September 7, 2022 sa isang Facebook post ng Rising Philippines, inilakip niya ang larawan ng kanyang alagang Philippine forest dog.
Ayon sa kanya, “We once have this kind of breed, and yeah, it’s very notorious and savage all the chicken of the neighborhood.
“Especially when you don’t bring them to the forest to hunt.”
Marami ring netizens ang nag-post ng mga larawan ng kanilang alagang Philippine forest dog. Ang iba ay nagkaroon naman ng interes na mag-alaga.
Excited din sila na opisyal na kilalanin ng FCI ang Philippine forest dog.