Isang lalaking Hong Kong national ang nasibak sa kanyang trabaho noong isang taon.
Pero araw-araw ay nagpapanggap siyang pumapasok pa rin sa trabaho.
Natatakot kasi siyang ipagtapat ang totoo sa kanyang misis at pamilya.
Ayon sa balitang nalathala sa South China Morning Post noong January 16, 2023, ang lalaki ay 46 years old. Hindi siya pinangalanan, at hindi rin binanggit kung ano ang dati niyang trabaho.
Nag-apply siya sa halos lahat ng job vacancies na alam niyang gawin, na naka-post sa Hong Kong employment websites.
Wala siyang natanggap na reply kahit isa.
MAYROONG DOUBLE LIFE
Ang kanyang predikamento ay nai-post niya anonymously sa Facebook page ng Office Daily noong January 5, 2023.
Ayon sa post ng lalaki, “I thought my phone was broken because there were no return calls.”
Nang masibak siya sa trabaho, nagpanggap siyang naka-leave lang sa loob ng tatlong linggo.
Pagkatapos, nagsimula na siyang umalis ng bahay para kunwari ay papasok na sa trabaho.
“I dare not tell my wife,” ayon sa lalaki.
Nahihirapan na siyang pasanin ngayon ang kanyang double life.
Lagi umano siyang naghihintay na magkaroon ng public holidays para lang mayroon siyang lehitimong dahilan na hindi umalis ng bahay.
Para naman kunwari ay may suweldo pa rin siya, kinukuha niya iyon sa kanyang savings.
Pero nangangamba ang lalaki na hindi niya kayang tagalan ang pagkukunwari kung wala siyang totoong trabaho at hindi siya sumusuweldo.
Aniya, magpapanggap na lang siya hanggang sa pagsapit ng Lunar New Year.
Ang Lunar New Year ngayong taon ay sa January 22.
Ibibili pa rin umano niya ng mga bagong damit ang mga anak, at aabutan ng red China packet o hóng b?o—mas kilala nating mga Pinoy bilang ang pao.
netizens react
Maraming netizens ang nakisimpatya sa lalaki.
Mensahe sa kanya ng isa, “I hope you find a good job soon. Add oil!”
May nagpalakas din ng kanyang loob na nagsabing, “There will be more job opportunities after the Chinese New Year.
“Meanwhile, you can get a temporary part-time job to ease your pressure. A lower income is better than no income at all.”
Gumaganda na rin kasi ngayon ang job market sa Hong Kong matapos ang halos tatlong taon na pananalasa ng COVID-19.
Inirekomenda naman ng isa na maging tapat ang lalaki sa kanyang pamilya.
Payo nito, “Coming clean with your family will help reduce the pressure on you. They might have different opinions regarding your situation.
“The end of something means a new beginning. Life is unpredictable and you never know what’s coming next.”
Hindi nakapagtataka ang ganitong daloy ng mga simpatya at pagpapalakas ng loob sa mga nawalan ng trabaho sa Hong Kong.
Noong nakaraang taon, mula September hanggang November 2022, ang unemployment rate sa Hong Kong ay nasa 3.7 percent, ayon sa kanilang Census and Statistics Department.
Noong May 2022, sa kasagsagan ng fifth COVID-19 wave sa Hong Kong, ang unemployment rate doon ay umabot pa sa 5.4 percent.
Sa ngayon ay unti-unti nang nakakabawi ang ekonomiya ng Hong Kong kasunod ng bahagyang pagluluwag sa COVID-19 restrictions.
Inaasahan din na gaganda ang job market kasunod ng tuluyang pagbubukas ng Hong Kong-mainland China border noong January 8, 2023.