Sinong mag-aakalang ang mga patapong bagay ay pwedeng pang maging nakakabilib na obra?
Pulido at mahusay ang mga ukit ni Mang Romulo Revilla Sr., 65, ng mga wooden animal pieces, kaya hindi mo iisiping gawa ang mga ito sa niyog o coconut husk, o patapong kahoy.
Ang ilan sa kanyang inuukit ay agila, leon, pagong, palaka, ahas, unggoy, dragon, at barko.
Nakaagaw pansin ang mga obra ni Mang Romulo nang i-post ng kanyang anak na si Jhun Revilla Jr., ang larawan ng mga gawa ng tatay niya sa isang artists community group sa Facebook.
Hiling ni Jhun, sana mapansin ang mga nililok ng kanyang ama.
Hindi naman siya binigo ng netizens.
Sa katunayan, kahit ang media outlets ay naitampok na ang mga likha ng kanyang ama bago matapos ang December 2022.
Nagsimulang maglilok ng sculptures si Mang Romulo noon lamang 2016.
Gamit niya ay recycled materials na napupulot sa tabing-dagat at bundok, ulat ng ABS-CBN News.
Nagtayo na sila ng isang driftwood shop sa kanilang tahanan sa Banaybanay, Davao Oriental, ulat ng Inquirer.net.
"Ewan ko [bakit] naisipan ng tatay ko [na gumawa ng obra mula sa] niyog. Namangha na lang ako noong natapos niya po—na pwede palang gawing art ang niyog," ani Jhun.
Katuwang na rin ni Mang Romulo ang anak na si Jhun sa pag-ukit ng mga obra.
Dagdag kita ito para sa pamilya, bukod sa trabaho ni Mang Romulo bilang construction worker.
HOW MANG ROMULO GOT INTO sculpting
Sabi ni Mang Romulo, napansin niyang may pakinabang pa ang mga patapong bagay na ito.
“Nakikita ko lang po na medyo mapagkukunan rin ito ng kabuhayan, kung sakali maigawa ko ng klase-klaseng anyo ng hayop ang buko, dahil alam ko naman na ito po ay walang kabuluhan…” kuwento ni Mang Romulo sa interview ng Rise and Shine Pilipinas nitong January 13, 2023.
“Pero gawa ng kahirapan, siguro nagawa ko ito dahil alam ko rin na mapagkukunan ko rin ito ng kabuhayan.”
Kung hindi naman daw siya naglililok ay gumagawa siya ng mga bahay ng kanyang mga kapitbahay.
Bagamat noon 2016 lamang niya nagsimula, bata pa lang daw ay mahilig na siyang maglilok gamit ang bolo ng kanyang lolo.
Ang paggawa naman ng sculpture ay depende sa laki at anyo ng uukitin.
Mas tumatagal daw siya kapag mas malaki at mas kumplikado ang anyo ng sculpture.
Sa mga nais umorder ng mga likha ni Mang Romulo, makipag-ugnayan sa anak niyang Jhun sa telephone number: 0963 571 9732.