Sa kagustuhan ng dalawang vloggers na makagawa ng viral na video, nahaharap sila ngayon sa mga kasong kriminal.
Ito ay matapos nilang i-prank ang mga service crew sa Green Planet gasoline station sa Davao de Oro noong January 18, 2022.
Inaresto ng mga tauhan ng Mawab Police Station sina Jonel Cordero at ang kasabwat nito na si Arnold Rabi.
Kilala ang dalawang vloggers sa social media bilang nasa likod ng Cordero Brothers Vlog.
Karaniwang ang content ng kanilang vlogs ay puro prank.
Ang pinakahuling ginawa nila ay nagdulot ng pangamba sa mga empleyado ng gas station.
Sa video na umiikot ngayon sa social media, makikita si Jonel na bumili ng PHP10 halaga ng gasolina.
Sinabi niya sa attendant na ilagay ang gasolina sa isang maliit na bote ng softdrinks.
Makikita sa video na matapos matanggap ni Jonel ang maliit na bote mula sa attendant, inilagay niya ito sa kanyang bulsa sa likod.
Kinuha naman niya ang isa pang maliit na bote ng softdinks, saka ininom ang laman.
Umakto siyang nahihilo at nasusuka matapos “malason.”
Naalarma ang mga empleyado ng gasolinahan.
Agad nilang ini-report ang “insidente” sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) para mabigyan ng pangunang lunas si Jonel.
Nagpatuloy naman si Jonel sa pagkukunwaring nahihilo kahit dumating na ang mga tauhan ng MDRRMO at dinaluhan siya.
Nang magsasagawa na ng medical assessment ang mga rumesponde, saka lang sinabi ni Jonel na gumagawa lang sila ni Arnold ng prank.
Aniya, sa bote ng energy drink siya uminom, hindi sa boteng may gasolina.
Sasampahan ng mga awtoridad sina Jonel at Arnold ng reklamong alarms and scandals batay sa Article 155 of the Revised Penal Code.
Ang mga ganitong insidente na may epekto sa public peace ay itinuturing na crimes of disturbance.
May katapat itong parusa na 30 araw na pagkakabilanggo at multang PHP40,000.
Umapela naman ang pulisya sa publiko na iwasan ang paggawa ng social media content na magiging sanhi ng “chaos, alarm and disturbance,” at makakaantala sa trabaho ng mga rerespondeng ahensiya ng pamahalaan.
Humingi na ng paumanhin si Jonel, at sinabing pansamantala muna silang hindi gagawa ng vlog.