Si Rodney Pampag ay isang security guard sa Noveleta, Cavite na nagtayo ng kanyang fruit store.
Pero dahil madalas siyang naka-duty, hindi nababantayan ni Rodney ang kanyang tindahan.
Self-service ang customers na pumili, magtimbang, bumili, at magbayad ng bibilhin nilang prutas sa tindahan ni Rodney.
Kaya ang fruit stand ay pinangalanan niyang Honesty Fruit Store.
Related article: Honesty store sa Cavite, tapat ang mga suki; wala pang lugi
Naitampok ang kuwento ni Rodney sa ulat ni Oscar Oida para 24 Oras nitong January 27, 2023.
Nakapaskil sa tindahan ang listahan ng mga prutas at ang presyo ng bawat isa.
Reminder lang ni Rodney, tiyakin ng mga customers na tama ang bibilhin nilang prutas.
Ang lalagyan ng benta ay isang empty biscuit container.
Ang mga mamimili na rin ang kukuha ng sarili nilang sukli.
FRUIT STORE, HINDI PA NANANAKAWAN
Convenient naman ang ganitong set-up para sa customers, tulad ng medical personnel na nagtatrabaho sa mga katabing ospital.
Patotoo ni Anna Gay Salonga, isang chief nurse: “Malaking bagay iyan kasi healthy.
“Tatakbo lang kami dito pag gusto naming kumain ng prutas anytime. Bibili lang po kami.”
Nakakatanggap din ng papuri si Rodney sa kanyang honesty store.
“Dahil siya ay nagtitiwala, magandang pangitain iyon kung maraming taong may ganyang katangian. Mas makakatulong sa ating lipunan,” sabi naman ni Dr. Arnulfo Zenarosa, isang medical director.
Sa kabutihang palad naman, hindi pa nananakawan si Rodney.
At hindi rin siya nag-aalala kung sakaling magkaroon ng ganoong insidente.
Katuwiran ng butihing security guard, “Iniisip ko na lang prutas lang iyan, e.
“Kung nagawa man niya [magnanakaw] iyon, e, siguro nagugutom siya.
“E, sa nababasa ko, pag nagugutom, pakainin na lang.”
Sinabi ni Rodney na naniniwala siyang likas na mabuti ang tao.
“Ang tiwala kasi number one iyon sa lahat ng bagay.
“Ituro natin sa kanila kahit sa maliit na paraan o bagay, manatiling nasa tama.”