Pinaalalahanan ng aktres na si Jasmine Curtis-Smith ang publiko na hanggang sa Lunes, September 30, na lang ang voter’s registration sa bansa.
Magkakasabay na ipinost ni Jasmine sa kanyang Instagram, Facebook, at Twitter accounts ngayong Biyernes, September 27, ang litrato niya habang hawak ang acknowledgment receipt na bahagi ng application form ng Commission on Elections (Comelec).
Sa kanyang Instagram post, ikinuwento ng 25-anyos na Filipino-Australian actress at renewable energy ambassador na ngayong Biyernes lang siya nagparehistro bilang botante—anim na taon ang nakalipas simula nang magbalik-Pinas siya.
Kuwento ni Jasmine, “It's been six years since I ‘suddenly’ moved back to Manila, I finally registered to vote. (I love you hand emoji)”
Sa Australia isinilang si Jasmine, na nagpabalik-balik sa Pilipinas at Melbourne simula 2010, hanggang sa tuluyang manirahan sa Metro Manila noong 2013.
“EXERCISE YOUR RIGHT AND POWER”
Kasunod nito, pinaalalahanan ni Jasmine ang kanyang followers na hanggang sa Lunes, September 30, na lang maaaring magparehistro sa Comelec para makaboto.
“For those who haven't yet done so, registration is until September 30. Habol naaaaa,” saad pa sa post ni Jasmine.
Hinikayat niya ang mga Pilipino na gamitin ang karapatan at kapangyarihang iluklok sa puwesto ang mga susunod na mamumuno sa bansa.
“Let's use our voices, rights and power as citizens for the better of our country.”
Pareho ring nanghihikayat sa mga bagong botante ang posts ni Jasmine sa Facebook at Twitter.
Si Jasmine ay may 3.5 million followers sa Facebook, 2.8 million sa Instagram, at 2.5 million naman sa Twitter.
Happy Friday, everyone!!! I finally registered to vote ???????? Excited to exercise this right and power in the next elections, with hopes that we collectively bring about the best.
— Jasmine (@jascurtissmith) September 27, 2019
Registration is open til September 30. Let's be heard and be part of our nation's future! ???????????? pic.twitter.com/cLRvyzb8mA
FUTURE VOTERS HAVE TWO DAYS LEFT
Kasabay ng posts na ito ni Jasmine, nagpaalala rin ang Comelec ngayong Biyernes tungkol sa pagtatapos ng voter’s registration sa Lunes.
Batay sa opisyal na pahayag ng Comelec ngayong Biyernes sa Facebook page nito, dalawang araw na lang maaaring magparehistro ang mga botante—bukas, Sabado, September 28, at sa Lunes.
Magtungo lang sa Office of the Election Officer sa inyong lugar, at magdala ng kahit isa lang na valid identification card (ID).
Tiniyak din ng Comelec na may express lane para sa mga senior citizens, may kapansanan, at buntis na magpaparehistro.
Matatandaang muling binuksan ng Comelec ang voter’s registration nitong August 1 para sa susunod na halalan sa bansa sa May 11, 2020, ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
As of September 21, 2019, umaabot na sa 2.6 milyong voter’s applications ang naiproseso ng Comelec, ayon sa poll body.