Abut-abot ang pasasalamat ni KZ Tandingan kay Angel Locsin dahil naging maagap ang aktres sa pagtulong sa mga taga-Mindanao na apektado ng lindol.
Ayon sa 27-anyos na singer-actress na tubong Digos City, Davao del Sur, hindi niya kayang tapatan ang “grabeng ibinigay ni Miss Angel.”
Sa panayam ng entertainment press kay KZ sa red-carpet premiere ng kauna-unahan niyang pelikula, ang The Art of Ligaw, sa Quezon City nitong Martes ng gabi, November 5, nagpaabot ng pasasalamat ang singer kay Angel.
Mensahe ni KZ kay Angel: “Miss Angel, maraming-maraming salamat po pala sa inyong pagpunta dun.
“Alam namin na galing pa kayo sa Halloween party, pero dumiretso kayo dun.”
ANGEL INSPIRES
Biyernes, November 1, nang kumalat sa social media ang mga litrato ni Angel, kasama ang fiancé na si Neil Arce, habang namimili ng relief goods sa NCCC Uyanguren Mall sa Davao City.
Nagtungo si Angel sa Davao isang araw matapos ang ikatlo sa serye ng mahigit magnitude 6.0 na lindol sa iba’t ibang dako ng Mindanao nitong October 31. Una nang niyanig ang rehiyon nitong October 16 at 29.
Sa kanyang sariling paraan, namahagi rin ng tulong si KZ sa mga apektado ng lindol sa Davao del Sur kamakailan.
Nanawagan din si KZ ng ayuda para sa daan-daang libong naapektuhan ng lindol sa Mindanao.
"Kailangan po nila ng tolda, ng trapal, ng tent, ng water," apela ni KZ, habang katabi ang leading man niya sa The Art of Ligaw na si Epy Quizon.
Bukod kay KZ, ilang celebrities na rin ang aktibong nangangalap ngayon ng anumang donasyon para sa mga taga-Mindanao.
CELEBRITIES UNITE FOR MINDANAO
Nagtungo si Robin Padilla sa bayan ng Makilala sa North Cotabato—isa sa pinakamatitinding sinalanta ng pagyanig—para sumama sa pagkakaloob ng tulong sa mga nilindol, batay sa kanyang Instagram post nitong Lunes, November 4.
Sa nabura na ngayong Instagram Story, sumama naman si Gerald Anderson sa militar nang bumisita sa kanyang bayan sa General Santos City, North Cotabato, upang mamahagi ng relief goods.
Sa Instagram at Twitter nanawagan si Senator Manny Pacquiao ng cash donations para sa mga nilindol, na idadaan sa kanyang pacquiaofoundation.org.
Kasabay nito, kinumpirma ng misis ng senador na si Jinkee Pacquiao nitong November 4, na mamamahagi ng relief goods sa mga taga-Mindanao ang Jinkee and Manny Heart Foundation.
Nagkani-kanya rin ng post sa kanilang Instagram accounts ang iba pang celebrities upang umapela ng tulong para sa Mindanao.
Suportado ni Derek Ramsay ang donation drive ng Philippine Red Cross; “Bangon Mindanao” ng Kaya Natin ang kay KC Concepcion; GMA Kapuso Foundation, Inc. kay Janine Gutierrez; Drinking Water for North Cotabato kay Solenn Heussaff; Rock Ed Philippines kay Bianca Gonzalez; at Yes Pinoy kay Marian Rivera.
METRO MAYORS TO THE RESCUE
Una nang nagkaloob ng tulong pinansiyal sa mga Mindanao earthquake victims sina Manila Mayor Isko Moreno at Pasig City Mayor Vico Sotto.
Nitong Sabado, November 2, nagkaloob si Mayor Isko ng P5 million halaga ng talent fees sa mga sinalanta ng lindol, habang tiniyak naman ni Mayor Vico nitong Lunes na magdo-donate ng P14 million cash at relief goods ang kanyang lungsod.