Kumakalat ngayon sa social media ang video ng pagwu-walkout ng singer na si Morissette Amon sa isang concert kung saan guest performer siya.
Nangyari ang insidente sa birthday concert ng newbie singer na si Kiel Alo, na pinamagatang Kiel Alo: Ako Naman (A Hugot King Birthday Concert), sa Music Museum, San Juan City, nitong Miyerkules ng gabi, November 6.
Sa simula ng video ay makikita sa entablado ang talent manager/radio host/entertainment columnist na si Jobert Sucaldito na nagpapaliwanag sa audience na hindi na makakapag-perform si Morissette.
Nag-cue si Jobert na lalabas si Morissette para patunayan sa audience na dumating ang singer, pero nagkaroon ito ng “emergency.”
“Hindi makalabas ng boses, talagang she’s so devastated.
"So, para makita lang [na dumating siya], ‘tapos para tayo tuloy ang ating ligaya, di ba?” sabi niya.
“David, can we do that?” baling ni Jobert sa business manager ni Morissette na si David Casico.
Dagdag niya, “Palabas lang, baka kasi sabihin ng ibang tao niloko namin sila, e.”
Si Jobert ang producer ng concert ni Kiel.
Ilang sandali ay makikita ang paglabas ni Morissette sa gilid ng audience area.
Pero sa halip na sa stage dumiretso si Morisette, na sinusundan ng kanyang personal assistant, ay dire-diretso itong naglakad palabas ng venue.
EXPLANATION TO THE AUDIENCE
May video ring lumabas sa YouTube na nakunan bago ang pagwu-walkout ni Morissette.
Sa naturang video, mapapanood na nag-uusap si Jobert at ang business manager ni Morissette na si David, na nagpaliwanag kung bakit hindi natuloy ang pagpe-perform ng Kapamilya singer.
Sa simula, pinaakyat ni Jobert si David sa stage para sa isang announcement.
Umakyat si David at bumati muna sa mga nanood ng show.
Kasunod nito ay inanunsiyo ni David na hindi na makakapag-perform si Morissette.
Aniya, “Morissette was here this afternoon until this evening, she rehearsed with Tito Butch with Kiel.
"But I would like to apologize on her behalf, but there is a medical emergency that we have to attend to."
JOBERT REVEALS HIS VERSION OF THE STORY
Pagkatapos ng concert ay nagpa-interiew sa press si Jobert upang ilahad ang kanyang bersiyon kung bakit hindi natuloy ang pagpe-perform ni Morissette.
Dito ay binanggit niya na ilang minuto bago magsimula ang concert ay in-interview sina Morissette at Kiel ng ABS-CBN entertainment reporter na si Mario Dumaual.
Bahagi ng pahayag ni Jobert, “Ngayon, ang problema, naisingit yata ni Mario ang tungkol sa love life.
“Alam naman natin na may pinagdadaanan si Morissette…”
Ang tinutukoy ni Jobert ay ang hidwaan ni Morissette at ng kanyang ama na si Amay Amon, na inakusahang bad influence sa anak ang boyfriend nitong si Dave Lamar.
Maayos daw na nagtanong si Mario kay Morissette.
“It was handled so well…” ani Jobert tungkol sa pagtatanong ni Mario.
Maayos at "very safe" din daw ang sagot ni Morissette tungkol sa isyu.
Natapos daw ang interview at umalis na si Mario.
Pagkalipas ng ilang sagit, habang may pinapanood si Jobert ay may naririnig siyang may pumupukpok sa dingding.
Aniya, “I saw Morissette, inuuntog ang ulo niya… sa dingding.”
Narinig din daw niyang humagulgol si Morissette.
Ikinagulat daw ito ni Jobert, pero hindi na siya nanghimasok dahil baka may “personal problem” daw ang singer.
Ilang sandali pa raw ay hinila siya ni David.
Kuwento ni Jobert, “Sabi niya, ‘Tito, may sasabihin ako sa ‘yo, emergency. Importante lang.’”
Sabi raw ni David sa kanya, “Morissette cannot sing. She is so devastated.”
Tinanong ni Jobert kung ano ang nangyari.
Sabi raw ni David, “Kasi she felt she was attacked by the media, by the interview.”
Inamin ni Jobert na siya ang humila kay Morissette para samahan si Kiel nang ma-interview ni Mario.
Ayon kay Jobert, wala siyang nakitang problema dahil maayos namang sinagot ni Morissette ang mga tanong sa kanya sa interview.
Binanggit din ni Jobert na, bago mangyari ang insidente, gusto raw ni Morissette na mag-perform nang mas maaga.
Pero hindi pumayag si Jobert dahil si Morissette ang main guest performer.
Matapos ipaalam sa kanyang hindi na makakapag-perform si Morissette, tinanong daw ni Jobert si David kung ano na ang mangyayari.
Sagot daw ni David, “She cannot sing.”
Nawalan daw kasi ng boses si Morissette.
Pinakiusapan daw ni Jobert si David na umakyat sa stage at magpaliwanag sa audience.
“Ang gusto ko lang makita ng tao because, as a producer, ayokong magmukhang niloko ko kayo, na naglagay ako sa ticket at sa poster na pangalan ni Morissette Amon 'tapos wala pala siya sa show.”
Sinikap daw kumbinsihin ni David ang umiiyak na si Morissette na umakyat sa stage, pero ayaw raw ng singer.
Sabi ni Jobert tungkol dito, “Kung artist ka, the show must go on.
"Lahat naman tayo may mga problema, pinagdadaanan sa buhay.
"We have even worse. Iba nga namamatayan nagso-show, kasi may commitment ka, e.”
Nagpadala ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng mensahe kay Carlo Orosa ng Stages Talents, ang talent management company ni Morissette, at kay David para kunan sila ng pahayag.
Ipinadala namin ang mensahe ngayong Huwebes ng umaga, November 7, subalit makalipas ang ilang oras ay hindi pa rin kami nakatatanggap ng sagot.
Ganunpaman, mananatiling bukas ang PEP.ph sa panig ni Morissette at lahat ng nabanggit sa artikulong ito.