Maricel Soriano warns Ion Perez not to cheat on Vice Ganda

by Rachelle Siazon
Nov 21, 2019
Maricel Soriano on Vice Ganda finding someone who's proud to be in a relationship with him: "Sa wakas wala na tayong sakit ng ulo na, 'E, kasi, hindi naman niya ako puwede ipakilala, e.'"
PHOTO/S: Screengrab from It's Showtime

Hindi pinalampas ni Maricel Soriano ang pagkakataong personal na makilala ang boyfriend ni Vice Ganda na si Ion Perez.

Tiyempong may guest appearance si Maricel sa ABS-CBN noontime show na It's Showtime ngayong araw, November 21.

Pabirong sinita ni Maricel si Vice na "naisahan" daw siya ng comedian-host dahil hindi nito naiharap sa kanya si Ion nang mag-guest ang Diamond Star sa Gandang Gabi Vice, na umere noong Linggo, November 17.

Ipinakausap lang kasi noon ni Vice si Ion kay Maricel sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono.

Si Maricel ay itinuturing na "ina, best friend, at confidante" ni Vice mula nang magkatrabaho sila sa pelikulang Girl, Boy, Bakla, Tomboy noong 2013.

Sabi ni Maricel, "Kasi hindi ko pa rin nakakausap, e, si Ha-Ion.

"Di ba, dapat 'yan makilala ako. Asan ba?"

Sa puntong ito ay tinawag si Ion sa stage upang makaharap si Maricel.

Sabi ni Vice kay Ion, "Hala ka, first meeting!"

Continue reading below ↓

Sabay sabi ni Vice kay Maricel, "Inay, ito po si Ion, ang kabiyak ko. Ang nanay ko."

Aprubado agad ni Maricel si Ion, "Guwapo naman pala talaga sa personal ang bata! Nakakaloka!"

Tuwang-tuwa naman si Vice sa positive feedback ni Maricel.

Maya-maya pa ay ininterbyu na ni Maricel si Ion.

"Anak, may itatanong ako sa 'yo, 'Mahal mo ba ang anak ko?'"

Sagot ni Ion, "Eto lang po talaga ang masasabi ko sa inyo. Yung anak niyo, mamahalin ko nang lubos, nang sapat, at tapat.

Paniniguro ni Maricel, "Nang walang pag-iimbot at buong katapatan."

Ulit ni Ion, "Sapat at tapat."

Continue reading below ↓

MARICEL'S WARNING TO ION

Binalaan din ni Maricel si Ion na mananagot ito sa oras na saktan nito ang damdamin ni Vice.

"Anak, maging mabuti ka sa anak ko. Huwag mo siyang lolokohin. Iyon lang ang hinihiling ko, anak.

"Alam mo, masarap ang maging maligaya.

"Sabi nga nila, masarap lang lahat sa umpisa. Pero huwag mo gaganunin si Vice. Hahanapin kita.

"Gusto ko, kapag sinabi mong mahal mo siya, mahal mo na siya forever."

Siniguro naman ni Ion na masaya siya sa piling ni Vice.

Sabi niya, "Yung pagsasama namin parang halu-halo, e. Habang tumatagal, mas lalo siyang sumasarap."

Namamanghang napapitik naman si Maricel, "Aba! Aba!"

ON ION DECLARING HIS LOVE FOR VICE

Saka sinabi ni Maricel na malayung-malayo raw si Ion sa mga dating karelasyon ni Vice na hindi kayang ilantad sa publiko ang pagkakaroon ng ugnayan sa comedian-TV host.

"Tuwang-tuwa ako para sa 'yo, anak. Sa wakas magiging maligaya ka na rin nang walang pag-iimbot at buong katapatan.

Continue reading below ↓

"Sa wakas wala na tayong sakit ng ulo na, 'E, kasi, hindi naman niya ako puwede ipakilala, e.'

"Ayoko na ng ganung nararamdaman mo. Gusto ko ang nararamdaman mo puro pagmamahal."

Saksi sa usapan nila ang iba pang It's Showtime hosts na sina Vhong Navarro, Jhong Hilario, Anne Curtis, at Kim "Kuya Kim" Atienza.

Hirit ni Jhong kay Maricel, "Ina, tanggalin niyo yung barang!"

Pinagbibidahan kasi ni Maricel ang pelikulang The Heiress, kunsaan isa siyang mambabarang na gumagamit ng mas matinding klase ng pangkukulam sa isang tao.

Sumegunda rin si Vhong na baka ginayuma ni Vice si Ion, "May barang ata, e."

Natatawang kontra ni Vice, "Uy, huwag! Nabarang ko nga, e! Baka matanggal yung barang!"

VICE STILL ON CLOUD NINE

Maging si Kuya Kim ay nagbigay rin ng mensahe para kay Vice.

Napansin kasing panay ang ngiti ni Kuya Kim habang nakikinig sa usapan nina Vice, Ion, at Maricel.

Continue reading below ↓

Sabi ni Kuya Kim, "Nata-touch lang ako. Ilang taon na ako dito sa Showtime, ngayon ko lang nakita si Vice na ganito kasaya."

Sagot ni Vice, "Thank you, Kuya Kim!"

Nagpasalamat din si Vice kay Maricel at sa lahat ng masaya sa estado ng kanyang love life ngayon.

"I am so happy and I am so loved," pagtatapos ni Vice.

Mahigit isang taon nang magkarelasyon sina Vice at Ion, na nagdiwang ng kanilang anniversary bilang couple noong October 25.

Read Next
Recommended Videos
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Maricel Soriano on Vice Ganda finding someone who's proud to be in a relationship with him: "Sa wakas wala na tayong sakit ng ulo na, 'E, kasi, hindi naman niya ako puwede ipakilala, e.'"
PHOTO/S: Screengrab from It's Showtime
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results