Kinumpirma ng Binibining Pilipinas Charities, Inc. (BPCI) na tinapos na nito ang 55-taong partnership sa Miss Universe Organization (MUO).
Sa official statement na ipinost sa Instagram ngayong Martes, December 10, inihayag ng organisasyon ni Ms. Stella Marquez de Araneta na hindi na ni-renew ng MUO ang lisensiya ng BPCI.
Inilabas ng BPCI ang official statement nito isang araw makaraang ihayag ng MUO nitong Lunes, December 9, na hindi na hawak ng organisasyon ni Madame Stella ang Miss Universe franchise.
Ito ang inihayag ng MUO ilang oras makaraang koronahan si Miss Universe 2019 Zozibini Tunzi sa Atlanta, Georgia.
SHAMCEY HEADS NEW MISS UNIVERSE PHILIPPINES ORG
Kasabay nito, sinabi ng MUO na simula sa 2020, ang Miss Universe Philippines Organization (MUPO) na ang pipili ng ilalaban ng bansa sa itinuturing na pinakaprestihiyosong beauty pageant sa mundo.
Ang MUPO ay pinamumunuan ng national director nitong si Miss Universe 2011 3rd runner-up Shamcey Supsup.
Simula 1964, binigyang kapangyarihan ng MOU ang BPCI na piliin ang mga naging kinatawan ng Pilipinas sa taunang Miss Universe pageant.
Sa parehong statement, nagpasalamat ang BPCI sa 55 Pinay na lumaban para sa Miss Universe crown simula 1964.
PINAY MISS UNIVERSE WINNERS
Nakasaad sa BPCI statement na sa nakalipas na 55 taon ay nagbigay ito sa bansa ng apat na Miss Universe titlists, siyam na runners-up, at sampung Top 20 finalists.
Ang apat na Miss Universe winners ay sina Catriona Gray (2018), Pia Wurtzbach (2015), Margie Moran (1973), at Gloria Diaz (1969).
Isa sa siyam na Pinay Miss Universe runners-up si Shamcey, ang bagong may hawak ng Miss Universe franchise.
Nilinaw naman ng BPCI na bagamat wala na ang kanilang Miss Universe license, ipagpapatuloy nito ang pagpili sa mga ilalaban ng Pilipinas sa iba pang international pageants.
Kabilang dito ang Miss International, Miss Supranational, Miss Intercontinental, Miss Grand International, Miss Globe, at iba pa.
View this post on Instagram