Deadma lang ba talaga ang mga Pilipino o sadyang masayahin lang tayo?
Ganito ang ipinunto ng magkakaibang reaksiyon ng netizens sa tweet ni Ethel Booba nitong Miyerkules ng gabi, January 8.
Ang observation ng 43-anyos na singer-comedienne, habang nahaharap sa magkakaibang problema ang ibang mga bansa, abala ang mga Pinoy sa pag-a-upload sa social media ng sarili nilang dance cover ng usung-uso ngayong “Tala.”
Tweet ni Ethel: “Nagkakagulo na sa ibang bansa pero tayo dito sa Pinas chill lang sa pagsayaw ng Tala. Charot!”
THE DANCE CRAZE
Tinukoy ni Ethel ang dance craze ng usung-uso ngayong “Tala” ni Sarah Geronimo.
Taong 2015 pa na-release ang kanta, pero bigla itong naging sentro ng isang patok na dance challenge noong 2019.
Sa social media, maraming netizens ang nag-post ng kani-kanilang dance cover ng “Tala.”
May mga celebrity ring kumasa sa dance challenge, kabilang sina Loisa Andalio, Maris Racal, Sue Ramirez, ang dating Sexbomb dancer na si Izzy Trazona at anak niyang binatilyo na si Sebastian Dewey, at ang magkasintahang Maine Mendoza at Arjo Atayde.
Ilang Twitter users ang sumang-ayon sa observation ni Ethel.
Ang isa naman, sinabing bagamat nakakatawa ang opinion ng singer-comedienne, nakakabahala na hindi ito nangangahulugang masayahin ang mga Pilipino, kundi alipin na ng kultura ng kawalang pakialam sa kapwa tao.
WAR THREAT: USA VS IRAN
Gaya ng isang netizen, na nagsabing “World War 3 na sila tayo chill lang.”
Sa kasalukuyan, delikadong sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Amerika at Iran kasunod ng target killing na ipinag-utos ni US President Donald Trump laban kay Iranian Major General Qasem Soleimani, na ikinasawi ng heneral nitong January 3, 2020.
Bilang ganti, pinaulanan ng missile ng Iran nitong Miyerkules ang US military base sa Iraq. Wala namang nasugatan o namatay.
Sakaling sumiklab ang pinangangambahang digmaan—na tinawag ng netizens na "World War 3"—maaapektuhan nito ang buong Middle East, kung saan nagtatrabaho ang milyun-milyong Pinoy.
Ang isang Twitter follower ni Ethel, nagbiro na dapat na mag-"Tala" showdown na lang ang Amerika at Iran.
Ang isa pa, sinabing isang war dance daw ang “Tala,” at “kaya nitong pigilan ang giyera.”
AUSTRALIA WILDFIRES
Sagot ng isang netizen, kung mapipigilan ng kanta ni Sarah ang giyera sa Middle East, sana ay “mag rain dance na rin para sa Australia.”
Tinukoy ng netizen ang patuloy na paglamon ng malawakang wildfires sa ekta-ektaryang lugar sa Australia, na ikinasawi ng 27 katao at 500 milyong wild animals, bukod pa sa 2,000 bahay na ang nasira.
Maraming Pinoy at international celebrities ang umapela ng tulong at dasal para sa mga apektado ng wildfires.
Dahil dito, sumabat ang isa pang Twitter user na “nauubos na mga animals sa Australia puro tala pa rin inaatupag.”
Ang isa naman, humingi ng panalangin para sa mga bansa sa Middle East at sa mga lugar at mamamayang apektado ng wildfires sa Australia.
Pero maraming netizens ang nagsabing wala namang masama kung mahumaling man ang mga Pinoy sa dance craze, bilang “pambalanse” sa mga negatibong nangyayari sa bansa, at simbolo na rin ng “positivity.”