Kabilang si Manila Mayor Isko Moreno sa stranded passengers sa Hong Kong International Airport kagabi, January 12.
Inabutan ng pagsasara ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang flight sana niya pabalik ng Pilipinas kagabi.
Kahapon ay nag-alburoto at nagbuga ng abo ang Taal Volcano na nakaapekto sa buong Metro Manila at karatig-probinsiya.
Hindi rin malapagan ang mga runway ng airport kaya minabuting isara muna ang paliparan para sa kaligtasan ng mga pasahero.
Sa pamamagitan ng Facebook live, inanunsiyo ni Mayor Moreno ang kanyang sitwasyon.
Sabi niya sa Facebook live kagabi, “I'm about to go home, na-delay lang ho kami, hindi kami makasakay dahil wala pang clearance sa Manila.”
Kaagad din siyang nakipag-meeting sa mga opisyales ng Maynila sa pamamagitan pa rin ng Facebook live.
Nakabalik na si Mayor Isko sa Pilipinas ngayong araw.
RUFA MAE QUINTO
Si Rufa Mae Quinto ay isa rin sa mga stranded sa Hong Kong kasama ang kanyang anak at pamilya.
Sa kanyang Instagram, ibinahagi ni Rufa Mae ang isang video na kuha sa Hong Kong airport.
Sabi niya sa kanyang caption (published as is): “Kami naman dito sa Hongkong airport , stranded... na cancel ang flight naming mag-ina at family.
“Ang Tagal namin sa airport nag wait and also, kagulo.
“Hinde sure when uuwi, I was not feeling well, And was hungry , Basta I prayed for Taal volcano eruption, sana walang masaktan.
“Kaya ako , simple na lang , ang important safe kaming family, kahit anong pag daanan... basta niyakap ko Anak ko ... sabi ko basta kasama ko sya healthy kami, to make me feel better...
“Tinawagan ko ang asawa ko. Para makalma din ako. in fairness na kalma ako dahil sa kanya.
“Rufa May kalma Lang , go go go! Lord God please save the Philippines [sad face emoji]”
Inanunsiyo na rin ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang partial opening ng airport kaninang tanghali, January 13.