Alex Gonzaga asks Jennylyn Mercado amid ABS-CBN franchise woes: "Susuportahan mo ba kami?"

by Rachelle Siazon
Feb 16, 2020
Kapamilya star Alex Gonzaga asks Kapuso star Jennylyn Mercado amid ABS-CBN franchise woes: "Susuportahan mo ba kami?"
PHOTO/S: Jayzon Villafuerte

Idinaan ni Alex Gonzaga sa kulitan ang bantang pagpapasara sa ABS-CBN nang makaharap niya si Jennylyn Mercado.

Si Alex ay exclusive star ng ABS-CBN at kasalukuyang napapanood sa The Voice Teens: Season 2.

Si Jennylyn ay exclusive star ng GMA-7 at pinagbibidahan ang ongoing prime-time series na Descendants of The Sun.

Inimbitahan ni Jennylyn si Alex bilang isa sa celebrity guests sa CoLove Live, ang first concert ni Jennylyn kasama ang nobyong si Dennis Trillo.

Ginanap ito sa New Frontier Theater, Sabado ng gabi, February 15.

Panay ang tukso ni Alex sa kaseksihan ni Jennylyn sa suot nitong revealing green gown.

Si Alex ay nakasuot ng maroon long-sleeved top at pants.

Maya-maya pa ay humirit si Alex patungkol sa color scheme ng damit nila, "Si Dennis ba ay naka-blue? Kasi parang pa-ABS-CBN na tayo. Susuportahan mo ba kami?"

Ang tanging sagot ni Jennylyn ay isa siyang solid Kapuso.

"Huwag kang ganyan. Huwag kang ganyan, " saad ni Jennylyn.

Continue reading below ↓

Sabay kanta ng lyrics mula sa theme ng GMA-7, "Kami ay Kapuso. Makulay ang buhay..."

Sabi ulit ni Alex, "Nakita mo na nga na namumrublema na nga kami, e!"

Tawanan ang audience sa kulitan nina Alex at Jennylyn.

Kamakailan lang ay naging viral ang color scheme ng outfits ng GMA-7 news anchors na sina Vicky Morales, Pia Arcangel, at Atom Araullo.

Hindi nakaligtas sa mapanuring netizens na kakulay ng ABS-CBN logo ang suot ng mga ito sa February 11 live telecast ng 24 Oras, ang prime-time news program ng Kapuso channel.

Walang kumpirmasyon mula kina Vicky, Pia, at Atom tungkol sa kanilang green, red, at blue outfits.

Pero ikinatuwa ng ABS-CBN stars na sina Lea Salonga at Martin Nievera ang umano'y pakikiisa nina Vicky, Pia, at Atom kahit pa nasa karibal na TV network ang mga ito.

ABS-CBN SHUTDOWN ISSUE

Hindi lingid sa publiko ang problemang kinahaharap ng ABS-CBN na mag-e-expire ang 25-year franchise sa March 30, 2020.

Continue reading below ↓

Mahigit siyam na panukala para sa franchise renewal ng ABS-CBN Corporation ang nakabinbin pa rin sa Kongreso hanggang ngayon.

Hindi pa rin ito tinatalakay gayong 43 araw na lang ang natitira bago ang expiration ng lisensiya ng giant network para maipalabas sa telebisyon.

Kasabay nito ay nahaharap sa legal battle ang Kapamilya network na nais ipasara ng Office of The Solicitor General (OSG), ang nagsisilbing abogado ng gobyerno.

Noong February 10, mismong si Solicitor General Jose Calida ay naghain sa Supreme Court ng quo warranto petition na makansela ang ABS-CBN franchise.

OSG'S COMPLAINT VERSUS ABS-CBN

Diumano, ilang taon nang sangkot sa "highly abusive practices" ang ABS-CBN at ABS-CBN Convergence, Inc., ang subsidiary at communications arm ng Kapamilya network.

Isa na raw dito ang paglunsad ng ABS-CBN ng pay-per-view KBO Channel sa ABS-CBN TV Plus nang walang permiso ng National Telecommunications Commission.

Nilabag din umano ng ABS-CBN ang "foreign ownership restrictions," alinsunod sa 1987 Constitution, na Filipino citizens lamang ang maaaring magmay-ari ng mass media companies.

Continue reading below ↓

Ayon sa OSG, maituturing daw na violation ang pag-isyu ng Philippine Deposit Receipts (PDRs) ng ABS-CBN sa foreign investors.

ABS-CBN'S STATEMENT

Nanindigan naman ang ABS-CBN na walang katotohanan ang akusasyon ng OSG.

Sa kanilang official statement, sinabi ng pamunuan ng ABS-CBN na dumaan sa tamang proseso ng "government at regulatory approvals" ang KBO Channel at ibang pay-per-view options.

Wala rin umanong nilabag na foreign ownership restrictions ang ABS-CBN.

Aprubado raw ng Securities and Exchange Commission (SEC) at ng Philippine Stock Exchange ang PDRs na iniisyu ng giant network sa foreign investors nito.

Ang PDR, ayon sa 2018 report ng Philippine Daily Inquirer, ay isang dokumentong patunay ng "stocks" na binili ng "holder" nito mula sa isang kumpanya.

Lumalabas na isa itong investment na may karampatang halaga.

Pero kahit na maaaring kumita ang "holder" sa PDRs nito ay wala itong karapatang magmay-ari ng titulo ng kumpanyang pinagbilhan ng stocks.

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Kapamilya star Alex Gonzaga asks Kapuso star Jennylyn Mercado amid ABS-CBN franchise woes: "Susuportahan mo ba kami?"
PHOTO/S: Jayzon Villafuerte
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results