Nora Aunor reacts cautiously to ABS-CBN franchise renewal woes

by Arniel C. Serato
Feb 17, 2020
Superstar Nora Aunor on ABS-CBN franchise renewal problem: "Kung anuman ang magiging desisyon ng bawat isa, bawat panig, at mapagkakasunduan, dapat irespeto natin.”
PHOTO/S: Noel Orsal / Courtesy: ABS-CBN News Online

Maingat sa pagbibitaw ng pahayag si Nora Aunor nang matanong tungkol sa pinag-uusapang franchise renewal ng ABS-CBN.

Sa presscon ng pagbibidahan niyang bagong teleserye sa GMA-7 na Bilangin ang Bituin sa Langit, inusisa ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilan pang media ang Superstar kung ano ang masasabi niya sa usapin ng prangkisa ng ABS-CBN.

Pahayag ng 66-year-old award-winning actress, “Ay naku, ako’y walang… nasa gobyerno ‘yan, e.

“Sila ang dapat mag… kung ano yung desisyon nila, siyempre irerespeto natin.

“Kung anuman ang magiging desisyon ng bawat isa, bawat panig, at mapagkakasunduan, dapat irespeto natin.”

Bago napanood sa mga teleserye ng Kapuso network, naging Kapamilya rin si Nora kung saan nagbida siya sa mga palabas na Star Drama Presents (1992) at Bituin (2002).

Nagkaroon ng isyu noon sa pagitan ni Nora at ng ABS-CBN noong 2002.

Sa kanyang panayam sa October 2011 issue ng YES! magazine, sinabi ng Superstar kung bakit ayaw na niyang magtrabaho sa ABS-CBN.

Continue reading below ↓

Ito ay dahil sa isyu diumano ni Nora sa kontrata niya na hindi tinutupad ng network.

Paliwanag naman ng dating ABS-CBN TV Entertainment head na si Linggit Tan, kailangang tapusin nang maaga ang mga programa ni Nora dahil sa "unprofessional working habits" nito.

Ngunit noong 2016 ay nakipagkasundo si Nora sa mga boss ng ABS-CBN, at pumayag na lumabas sa isang episode ng drama anthology na Maalaala Mo Kaya.

ABS-CBN FRANCHISE WOES

Namimiligrong hindi makakakuha ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN dahil tatlong linggo na lamang ang natitira bago mag-summer break ang Kongreso sa March 14.

Sa March 30, 2020 na magtatapos ang franchise ng ABS-CBN.

Sa huling panayam kay House Speaker Alan Peter Cayetano, sinabi nitong hindi nila prayoridad ngayon ang pagtalakay ng franchise renewal bills ng ABS-CBN dahil maaari naman daw mag-operate ang Kapamilya network kahit pending pa ang prangkisa nito sa Kongreso.

Maliban sa pag-aapruba ng panibagong prangkisa, may hinaharap ding balakid ang Kapamilya network mula mismo sa pinakamatataas na opisyal ng gobyerno.

Continue reading below ↓

Naghain ng quo warranto petition sa Supreme Court si Solicitor General Jose Calida upang bawiin ang license to broadcast ng ABS-CBN dahil may mga nalabag daw itong probisyon sa kanilang franchise.

Ilang beses na ring idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na haharangin niya ang anumang panukala na magpapalawig ng prangkisa ng network.

Nag-ugat ito sa panggagantso diumano ng ABS-CBN nang hindi nito inere ang kanyang campaign ads noong 2016 presidential elections.

Kaugnay ng isyung kinahaharap ngayon ng ABS-CBN, umaapela ang ilang Kapamilya stars sa mga mambabatas upang bigyan ng panibagong prangkisa ang kanilang home network.

Kabilang sa kanila sina Piolo Pascual, Angel Locsin, Anne Curtis, Vice Ganda, Kim Chiu, Boy Abunda, Gary Valenciano, Regine Velasquez, Ogie Alcasid, Coco Martin, at marami pang iba.

Pati ilang Kapuso stars ay nakisimpatiya rin sa Kapamilya celebrities.

Kabilang sa kanila sina Dingdong Dantes, Eugene Domingo, at Aiko Melendez.

LAURICE GUILLEN ALL PRAISES FOR NORA AUNOR

Samantala, puring-puri ng direktor na si Laurice Guillen si Nora na matagal bago niya muling nakatrabaho.

Continue reading below ↓

Si Laurice ang direktor ng Bilangin Ang Bituin Sa Langit, na pinagbibidahan ng Superstar.

Saad ni Direk Laurice, "As I said kanina, I'm very happy to be handling this show.

"I'm so happy na binigyan ako ng ganitong cast.

"I'm very happy to be working with miss Nora Aunor after so many years."

Continue reading below ↓

Dagdag pa nito, "Alam ko na more or less alam ko na ang mga ups and downs ng career niya.

"And I must say na it gives me great pleasure to be working with a survivor.

"And sa bawat trabaho namin, pag nadiyan sa eksena si Guy [palayaw ni Nora], lagi ko nga sinasabi sa kanila, 'Tingnan niyo, kahit na hindi na makahinga minsan sa pinaggagawa niya, hindi nagka-cut. Hindi niya kina-cut ang sarili niya.'"

Inusisa naman ng press si Nora kung ano ang reaksiyon niya sa papuring binitawan ni Direk Laurice.

Saad ng Superstar, "Wala nga ako masabi, e, nahihiya nga ako.

"Pero napakaganda ng mga sinasabi niya tungkol sa akin.”

Ang Bilangin ang Bituin sa Langit ay TV remake ng award-winning film ni Nora na ipinalabas sa mga sinehan noong 1989.

Mapapanood na ito simula February 24 sa GMA Afternoon Prime.

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Superstar Nora Aunor on ABS-CBN franchise renewal problem: "Kung anuman ang magiging desisyon ng bawat isa, bawat panig, at mapagkakasunduan, dapat irespeto natin.”
PHOTO/S: Noel Orsal / Courtesy: ABS-CBN News Online
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results