Namimiligrong malugi ang ilang celebrities at iba pang kilalang personalidad sakaling magsara ang ABS-CBN Corporation.
Ito ay dahil ilang Kapamilya personalities ang kabilang sa Top 100 stockholders ng ABS-CBN Corporation, as of March 31, 2019, base sa mismong website ng Lopez Holdings Corp.
Sakaling hindi ma-renew ang franchise ng ABS-CBN, maaapektuhan ang shares of stocks ng mga celebrities na ito.
Ang stockholder, ayon sa accountingcoach.com, ay ang "owner of one or more shares of a corporation's capital stock. A stockholder is considered to be separate from the corporation and as a result will have limited liability as far the corporation's obligations."
Ang stock naman, ayon sa Investopedia, ay "type of security that signifies proportionate ownership in the issuing corporation. This entitles the stockholder to that proportion of the corporation's assets and earnings."
Dagdag pa rito, "Stocks are bought and sold predominantly on stock exchanges, though there can be private sales as well, and are the foundation of nearly every portfolio. These transactions have to conform to government regulations which are meant to protect investors from fraudulent practices."
Sa listahan ng Top 100 stockholders ng ABS-CBN Corpration, makikita ritong nasa pangsiyam na puwesto ang singer na si Jose Mari Chan.
Bukod sa pagiging singer, si Jose Mari ay chairman at CEO din ng Binalbagan Isabela Sugar Company, Inc. (BISCOM) at A. Chan Sugar Corporation.
Siya rin ang chairman at presidente ng Signature Music, Inc.
Base sa ibinigay na halimbawa sa Facebook page ng MONEY Abundance, si Jose Mari Chan ay kasalukuyang may hawak na 1,257,130 shares.
Kung minultiply ito sa kasalukuyang presyo na P16.56 per share, ang suma tutal nito ay P20,818,072.80.
Nasa No. 13 ang chairman ng ABS-CBN Corporation na si Carlo Lopez Katigbak, samantalang nasa No. 14 ang Chief Operating Officer (COO) ng Kapamilya network na si Ma. Socorro "Cory" Vidanes.
Panglabing-anim sa listahan si Laurenti Dyogi, ang head ng TV Production ng ABS-CBN.
Nasa ika-20 puwesto si Olivia Lamasan, ang managing director ng Star Cinema.
No. 25 naman ang TV Patrol anchor at dating Vice President ng Pilipinas na si Noli de Castro.
Sinusundan siya ni Quezon City Mayor Joy Belmonte at ang ama nitong si former House Speaker Feliciano Belmonte Jr., na nasa ika-26 na puwesto.
Nasa No. 29 si Angelica Colmenares o mas kilala bilang si Angel Locsin.
Pang-54 naman si Daniel John E. Ford o si Daniel Padilla, at pang-55 si Phylbert Angellie Ranollo o Bea Alonzo.
Ang dating Kapamilya contract star na si Kris Aquino ay pang-64 sa listahan.
May investments din sa ABS-CBN sina Aiza "Ice" Seguerra (76), Vic Sotto (77), Angelica Panganiban (79), John Estrada (88), at Kim Chiu (96).
Hindi ito nalalayo sa ranking ng Top 100 stockholders ng ABS-CBN Corporation noong September 30, 2018, na makikita sa kanilang Notice of Disclosure noong Oktubre ng nasabing taon.
ABS-CBN FRANCHISE RENEWAL PROBLEM
Nag-ugat ang malaking problema ng ABS-CBN noong taong 2014 nang hindi pinansin ng 16th Congress ang House Bill 4997 ni Representative Giorgidi Aggabao na naglalayong mabigyan ng panibagong prangkisa ang network.
Noong 17th Congress naman, inupuan lamang diumano ng mga kongresista ang House Bill 4349 ni Nueva Ecija 2nd district representative Micaela Violago.
Natulog lamang daw sa House Committee on Legislative Franchises ang nasabing panukalang batas kaya naman naabutan ito ng pagsasara ng 17th Congress noong June 4, 2019.
Ngayon, may 11 panukalang batas na nakabinbin sa Kongreso na naglalayong mabigyan ng panibagong prangkisa ang network.
Mapapaso na ang kanilang 25-year franchise sa March 30, 2020.
Pero baka pagkatapos pa ng State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo ito matatalakay.
Sinabi naman si House Speaker Alan Peter Cayetano na maaari pa ring mag-broadcast ang ABS-CBN kahit naka-pending pa ang prangkisa nila sa Lower House.
May isa pang labang kinakaharap ang ABS-CBN sa Supreme Court.
Ito ay ng quo warranto petition si Solicitor General Jose Calida laban sa broadcast giant dahil sa paglabag daw ng network sa ilang probisyon ng kanilang prangkisa.
Inutusan ng Korte Suprema ang ABS-CBN na sagutin ang mga bintang ng SolGen sa loob ng sampung araw.
Maliban dito, ilang beses nang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya papayagang ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.
Ito ay dahil sa sinasabi ng Presidente na panggagantso sa kanya ng network nang hindi nito inere ang kanyang campaign ads noong 2016 presidential elections.
(Unang inilathala ang artikulong ito sa PEP.ph noong February 17, 2020.)