ABS-CBN official contradicts report saying network has only 4401 employees

by Arniel C. Serato
Feb 24, 2020
ABS-CBN executives face the Senate today, February 24, to tackle their franchise renewal problems.
PHOTO/S: Courtesy: ABS-CBN News

Hindi 11,000 ang kabuuang numero ng mga empleyado at kawani ng ABS-CBN Corporation.

Ito ay kung pagbasehan ang listahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR), kung saan nasa 4,401 lamang ang nakatalang mga empleyado at kawani ng ABS-CBN.

Sa BIR nagri-report ang mga kumpanya ng kanilang regular employees para sa withholding tax o babayarang buwis.

Sa pahayag ni ABS-CBN President and CEO Karlo Lopez Katigbak noong Huwebes, February 20, sinabi nitong mayroon silang 11,000 empleyado.

Bahagi ng kanyang pahayag: “My Kapamilya, I am one of the 11,000 employees of ABS-CBN and I am grateful for the opportunity to be of service.

“In the coming days, we will be given the opportunity to clarify issues about our franchise. We see no reason why ABS-CBN’s services should be stopped. Nevertheless, we are ready to follow the process as required by law.”

Ngunit sa ulat ng The Daily Tribune kahapon, February 23, nakasaad ditong wala pa sa kalahati ng bilang na ipinapalabas ng ABS-CBN ang mga empleyado nila.

Continue reading below ↓

Batay sa ulat, sa listahang ipinadala ng BIR sa Office of the Solicitor General (OSG) noong Biyernes, February 21, lumalabas na 4,401 ang kabuuang regular employees ng ABS-CBN Corporation at ang subsidiary nitong ABS-CBN Convergence.

Ngunit kinontra ito ng isang opisyal ng Kapamilya network sa ginanap na hearing sa Senado ngayong araw, February 24.

May kinalaman ang pagdinig sa franchise ng ABS-CBN.

Ayon sa Human Resources head ng network na si Mario Carlo Nepomuceno, nasa 11,017 ang kabuuang numero ng workforce ng network.

Kasama na sa numero ang kanilang regular employees na may bilang na 5,918; project employees na umaabot sa 1,717; independent contractors na may 705 tauhan; content creators na 676; at talents.

Kasama rin sa kanilang mga tauhan ang project based-employees na bumubuo sa mga palabas ng ABS-CBN.

THE ABS-CBN FRANCHISE RENEWAL WOES

Kasalukuyang ginaganap ang Senate hearing ukol sa ABS-CBN franchise renewal.

Layunin ng hearing ang mahimay ang naging problema ng network kung bakit hindi pa umuusad ang 11 franchise bills nito sa Kongreso.

Continue reading below ↓

Sa March 30, 2020 magtatapos ang 25-year legislative franchise ng istasyon.

Inihayag din ng mga senador ang kanilang suporta upang mabigyan ng panibangong prangkisa ang ABS-CBN Corporation.

Ngunit ayon sa Kongreso, “unconstitutional” ang isinasagawang Senate hearing dahil lahat ng mga panukalang batas ukol sa legislative franchises ay kailangang manggaling sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Iginiit naman ng Senado na wala silang nilabag na batas.

Nag-ugat ang problema ng ABS-CBN noon pang 16th Congress nang inupuan lamang diumano ng House Committee on Legislative Franchises ang panukalang batas na inihain ni Congressman Giorgidi Aggabao ng Isabela.

Noong 17th Congress naman, dalawang panukalang batas ang inihain nina Congresswoman Micaela Violago ng Nueva Ecija at ng magkapatid na sina Congressman Karlo Nograles ng Davao at PBA Party-list Representative Jericho Nograles ngunit hindi rin ito umusad.

Ngayong 18th Congress, may 11 panukalang batas na inihain ng ilang mambabatas ang nanatiling pending pa rin sa House Committee on Legislative Franchises.

Continue reading below ↓

Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, hindi urgent ang franchise renewal bills ng ABS-CBN kaya baka sa Mayo o pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo ito matalakay.

Ang isa pang kinakaharap na problema ng ABS-CBN Corporation ay ang inihaing quo warranto petition ni Solicitor General Jose Calida.

Layon ng quo warranto na ipawalang bisa ang kasalukuyang prangkisa ng broadcast giant dahil sa mga paglabag daw ng network sa ilang probisyon ng kanilang franchise.

Ngunit ang pinakamatinding balakid na kinahaharap marahil ng ABS-CBN ay ang ilang ulit na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na haharangin niya ang anumang panukalang magbibigay ng bagong prangkisa sa Kapamilya network.

Nag-ugat ito sa panggagantso diumano ng network sa kanya nang hindi umere ang kanyang political ads noong 2016 presidential elections.

Sakali mang makapasa sa Kongreso ang mga panukalang batas na magpapalawig ng prangkisa ng ABS-CBN, kinakailangan pa rin itong dumaan sa Senado bago ito maging batas.

Continue reading below ↓

Ngunit kailangan pa rin itong pirmahan ni Pangulong Duterte.

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
ABS-CBN executives face the Senate today, February 24, to tackle their franchise renewal problems.
PHOTO/S: Courtesy: ABS-CBN News
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results