Sarah Geronimo’s bodyguard recounts skirmish with Matteo Guidicelli following secret wedding

by Arniel C. Serato
Feb 24, 2020
Jerry Tamara (left), personal bodyguard of Sarah Geronimo, says Sarah (right, with husband Matteo Guidicelli) was very affected by the commotion on her wedding day: "Umiiyak po, umiiyak po si Ma'm Sarah. Malakas po iyak niya. Iyak siya nang iyak. Naawa ako kay Ma'm Sarah."
PHOTO/S: Screen grab from TV5 / Instagram

Idinetalye ni Jerry Cortes Tamara, 31, ang personal bodyguard ni Sarah Geronimo, ang nangyaring sigalot sa kanila ni Matteo Guidicelli, 29, noong gabi ng February 20.

Ito ang araw na sikretong ikinasal sina Sarah at Matteo matapos ang halos pitong taong relasyon.

Inilahad ni Jerry sa segment na "Ipa-Raffy Mo!," ng programang Aksyon ni Raffy Tulfo sa TV5, ngayong araw, February 24, ang kabuuang pangyayari sa secret wedding ng Popstar Royalty at ng Viva actor.

Continue reading below ↓

Sinabi niyang pati siya, kahit maghapon silang magkasama ng binabantayang si Sarah, 31, ay walang kaalam-alam na may magaganap na kasalan matapos ng taping ng singer-actress sa The Voice ng ABS-CBN.

Panimulang kuwento ni Jerry, “Sinabihan po ako ni Ma'm Sarah na mauna na kami umuwi.

"Tapos nag-text na po ako sa Mommy ni Ma'm Sarah, ‘Ma'm, for info lang po, pinapauna na po kami umuwi ni Ma'm Sarah—ano po gagawin namin?’”

Inamin naman niyang si Divine Geronimo—o Mommy Divine—ang nag-hire sa kanya at siyang nagpapasuweldo rito bilang bodyguard ng Kapamilya singer.

Sagot daw ni Mommy Divine sa kanya, "Huwag kayo aalis diyan, malapit lang kami sa area niyo. Pupunta na ako.”

Hindi naman daw niya ito nasabi kay Sarah dahil nasa dinner ito sa isang private room kasama si Matteo at ang pamilya ng huli.

Nasa may reception lang daw siya nakatambay, at meron din daw mga bodyguards si Matteo na nakapuwesto sa exit ng Ministry of Crab restaurant, Shangri-La at The Fort, Bonifacio Global City (BGC), Taguig City.

Continue reading below ↓

THE SECRET WEDDING

Naitanong kay Jerry kung saan nga ba nangyari ang kasal.

Tugon nito: “Hindi ko rin po alam, Sir, kung saan nangyayari ang totoong kasal.

"Ang pagkakaano ko lang dun, nagpunta kami ng Victory Church, All Nation dun sa BGC, tapos nagtaka ako kung bakit nila ni-lockdown ang second floor.

“E, pag pumupunta naman kami dati pa, hindi naman nila ginagawa yun.”

Hindi daw talaga niya nakita, kaya baka lang daw nangyari ang secret wedding sa pinuntahan nilang Victory Church, Every Nation ng BGC.

Dagdag pa ng bodyguard, “Hindi ko po talaga nakita kasi, yung suot naman ni Ma'm Sarah, nung damit nung The Voice, yun pa rin hanggang sa magkagulu-gulo.”

Mga 10:30 ng gabi raw ng araw na yun nang malaman niyang nag-bill out na sila Sarah sa restaurant.

Matapos daw nito, tinext siya ng driver ng singer, na kasamahan din niya, tungkol sa text ng singer na pinapauna na sila.

Continue reading below ↓

Wala raw siyang personal na number ni Sarah.

Ngunit nais daw niyang tanungin kay Sarah kung bakit sila pinapauna nito upang may masabi silang rason kay Mommy Divine.

Ang balak din daw sana niya ay kausapin si Sarah na ipagbigay-alam din nito sa ina na pinapauna na nito ang kanyang bodyguard at driver para hindi sila mapagalitan ni Mommy Divine.

Dito na raw nila tinext si Mommy Divine na pinapauna na sila ni Sarah, pero ang sabi daw nito ay huwag silang umalis dahil malapit na siya.

Pagkalipas ng 15-20 minutes, dumating na raw si Mommy Divine sa Shangri-La at The Fort.

DIVINE INTERVENTION

Pagdating ni Mommy Divine sa hotel, sinundo raw ito sa kanyang sasakyan ni Jerry, tapos sinamahan kung saan may family dinner sina Sarah at Matteo.

Pagdating daw ni Mommy Divine sa lugar, doon na umano nag-umpisa ang komosyon.

Base sa kuwento ni Jerry, sabi raw ni Mommy Divine kina Sarah, Matteo, at sa pamilya Guidicelli: “'Traydor kayo, mga walanghiya kayo, bakit niyo ako niloko.' Yun po.”

Continue reading below ↓

Kasunod nito, nag-usap daw sina Mommy Divine at ang kabilang kampo, ngunit mga pangit na raw na mga salita ang naging palitan sa pagkakataong ito.

Ayon kay Jerry, “Pangit na yung mga lumalabas na salita…”

Tanong ni Raffy, “Si Mommy Divine lang mag-isa?”

Tugon ni Jerry, “Opo, opo.”

Ano ang reaksiyon ng mga tao sa paligid?

Sagot ni Jerry, “Siyempre po, Sir, nagbabatuhan na ng mga salita yung daddy ni Matteo kay ma'm, pangit na yung mga binibitawan nilang salita.

“Ako, gumigitna lang ako sa pamilya, Sir. Gitna lang po talaga ako.

“Tapos nung ano na, matagal na, mga 20 minutes na siguro… kasi nagharap pa yung mommy ni Sarah at yung daddy ni Matteo, e.

"Muntik pa ngang si Ma'm Divine masaktan ng daddy ni Matteo kasi nanggigil na.”

Ang ama ni Matteo ay si Gianluca Guidicelli.

Dagdag pa ni Jerry, “Kasi may alitan na, Sir, may alitan nang nangyayari, dati pa, di ba?

Continue reading below ↓

“Both sides, Sir, may nabibitiwan nang salita, e.

“Umaawat ako, Sir, pero sa mga salita, Sir, hindi ako...yung mga ano, Sir, yung may balak nang saktan [dun ako umaawat].”

Wala naman daw maraming tao sa private room nang mga oras na iyon.

Dagdag ni Jerry, “Mga sampu na lang, Sir, hindi ko na nabilang, Sir, kasi naka-focus na ako sa amo ko, e.”

Pinasara daw niya ang sliding door sa kinaroroonang private room para raw hindi maistorbo ang ibang guests na hindi naman kasali sa usapan.

THE ROAD TO ALTERCATION

Dito na raw nauwi sa pananapak ni Matteo sa kanya.

Pagkuwento ni Jerry, “Nung sinapak na po ako ni Sir Matteo, e... isu-shortcut ko na lang po, Sir.

“Dun po, nag-aano po ako kay Ma'm Divine, ‘Ma'm, for info lang po, si Ma'm Sarah, iaalis na ng pamilya ni Sir Matteo.’”

Paano nangyari ang sapakan? Nangyari ba ito noong nagkainitan na ang magkabilang kampo?

Continue reading below ↓

Paglilinaw ni Jerry, “Hindi pa po, hindi pa po.

"Yung muntik masaktan, Sir, yung mommy ni Ma'm Sarah, kasi gigil na gigil na yung tatay ni Matteo.

“Naawat ko po yun. Inihiwalay ko po sila, tapos pinaghiwalay ko sila ng kuwarto.

"Nilagay ko po sa kabilang kuwarto si Ma'm, kasama si Ma'm Sarah, para mag-usap silang dalawa.

“Tapos yun nga po, nung mag-usap na yung mag-ina, hindi pa rin maayos yung iringan nila, dumating po yung Boss Vic.”

Ang tinutukoy na Boss Vic ay ang Viva Entertainment owner na si Vic del Rosario, ang manager nina Sarah at Matteo.

Saad pa ni Jerry, “Dumating po yung Boss Vic sa Viva, lumabas naman si Ma'm Sarah, kasi nasa may pintuan ako Sir, e.

“Ang mga papasok, control ko ang mapapasok, e.

"Kung hindi nagsabi si Ma'm Divine o si Ma'm Sarah kung sino mapapasok, hindi ko pinapasok.

“Tapos dumating yung Boss Vic dun sa event. Lumabas si Ma'm Sarah.

Continue reading below ↓

“Yung Boss Vic naman po at si Ma'm Divine ang nag-usap.

“Tapos si Ma'm Sarah, kinumfort po ng side ni Sir Matteo.

“Kinumfort po siya habang nag-uusap po si ano, si Boss Vic 'tsaka si Ma'm Divine, yun mga 15 minutes po siguro…

"Umiiyak po, umiiyak po si Ma'm Sarah.

"Malakas po iyak niya.

“Iyak siya nang iyak.

“Naawa ako kay Ma'm Sarah.

“Dahil sa naging gulo na rin, kasi ang daming tao, may mga tao dun na kumakain na hindi naman parte ng event.”

Sa palagay niya bakit hindi ipinaalam ni Sarah ang kasal kay Matteo sa inang si Divine?

Tugon ni Jerry, “Hindi ko po alam kung anong rason nila bakit hindi nila pinaalam, Sir, e.

“Sinikreto. Kahit nga po ako, buong araw magkasama kami, hindi ko po alam.

“Talagang pinagplanuhan po talaga nila, Sir, na walang makakalam sa side ni Ma'm Divine.”

Nasaan ang tatay ni Sarah na si Delfin Geronimo?

Continue reading below ↓

Kuwento ni Jerry, “Nung nagkagulo na, tinawagan na si Sir Delfin ni Ma'm Divine na pumunta na dun kasi nagkagulo na, 'Yung anak mo kinasal!'

“Dumating po yun, tapos na po yung komosyon.”

THE SKIRMISH WITH MATTEO GUIDICELLI

Paano nga ba siya nasuntok ni Matteo?

Lahad ng bodyguard, “Habang si Boss Vic po at si Ma'm Divine nag-uusap, tapos nung after 15 minutes, yung pamilya ni Sir Matteo ilalabas na si Ma'm Sarah sa fire exit.

“Ngayon, nagsabi po ako kay Ma'm Divine, 'For info lang po, si Ma'm Sarah dadalhin na po ng pamilya ni Sir Matteo, sa fire exit po sila dadaan.'

“Naghingi po ako ng instructions sa kanya, 'Ano po ang gagawin ko, Ma'm?'

"Sabi niya sa akin, 'Sundan mo, huwag mong hihiwalayan.'

"Tapos nung sinundan ko na, tinawag ko si Ma'm Sarah, sabi ko, 'Ma'm, ah puwede po ba bago kayo umalis, kausapin niyo po muna Mommy niyo?'

Continue reading below ↓

“Sabi ng lalaki sa akin, 'Huwag kang mangingialam dito, asawa ko 'to.'

"Tapos sabi ko, 'Sir, hindi naman po ako nagingialam, ang gusto ko lang po bago umalis si Ma'm Sarah, mag-usap po muna yung mag-ina.'

“Dun niya na po ako binanatan dito,” sabay muwestra sa kanyang lalamunan.

Continue reading below ↓

So parang tumatakas na talaga si Sarah sa kanya, tanong ni Raffy.

Direstong sagot ni Jerry, “Opo, tumatakas na talaga.”

Hindi naman daw siya sinabihan ni Sarah na hayaan na lang siyang sumama kay Matteo kaya hindi niya ito iniwanan.

Noong pangalawa daw niyang pakiusap kay Sarah na makipag-usap muna sa inang si Divine bago sumama kay Matteo, dun na raw siya sinapak ng aktor.

Hindi naman daw siya nakaganti dahil hinawakan na siya ng mga bodyguards ni Matteo at security ng hotel.

Bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa maaring ihayag nina Sarah Geronimo, Matteo Guidicelli, Mommy Divine Geronimo, Gianluca Guidicelli, at sa iba pang nabanggit sa artikulong ito kaugnay sa mga pahayag ni Jerry Tamara.

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Jerry Tamara (left), personal bodyguard of Sarah Geronimo, says Sarah (right, with husband Matteo Guidicelli) was very affected by the commotion on her wedding day: "Umiiyak po, umiiyak po si Ma'm Sarah. Malakas po iyak niya. Iyak siya nang iyak. Naawa ako kay Ma'm Sarah."
PHOTO/S: Screen grab from TV5 / Instagram
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results